Isang Kwento ng Pag-ibig

6.1K 36 0
                                    

Isang Kwento ng Pag-ibig

By: Dagrayter

"Pull over", ang sabi ni Marlon sa Pakistani na taxi driver.

"Here," sabay abot ng bayad at baba sa taxi. Hustong pagyapak ng kanyang mga paa sa lupa ay napalinga siya sa paligid.

"Hay, daming tao dito sa Balad" bulong niya sa sarili.

"Biyernes na naman kasi." Sabay lakad patungong Corniche Commercial Center. Habang naglalakad ay iniisip niya si Gary. Dito rin niya nakilala si Gary dalawang buwan na ang nakakalipas. Naglalakad siya noon sa labas ng Queens Building ng nakita niya ang isang lalaki na nakatayo sa may gilid ng Mc Donalds na nangingilid ang luha at parang balisa.

"Pare," ang sabi niya habang papalapit siya dito "may problema ba?" Tumingin sa kanya ang lalaki na sa tantya niya ay nasa edad bente singko at mas bata sa kanya ng sampung taon, at dahil sa kawalang pag-asa ay marahil tinugunan na lamang nito ang tanong niya.

"Yung misis ko kasi, ooperahan sa matres. May cyst daw. Kulang kasi yung pera ko ng mga limandaang riyals pa, wala na kasi akong mautangan." Nakatingin si Marlon sa mukha ng lalaki, "Marahil ay nagsasabi naman ito ng totoo" ang mga katagang naglaro sa isipan nito. Kinuha niya ang wallet niya at kumuha ng limandaang riyals na maingat na nakatupi at nakaipit sa mga pocket size pictures niya.

"Sige pare, pahiramin kita, Marlon ang pangalan ko." Natulala ang lalaki, di malaman ang gagawin.

"Pare, huwag na, nakakahiya, di mo naman ako kakilala.", patanggi nitong tugon sabay tabig sa kamay ni Marlon.

"Okay lang," sagot ni Marlon at ngumiti ito sabay sabing, "e di magpakilala ka. Tsaka isipin mo na paano ang misis mo? Sabihin mo na lang sa akin kung saan ka nagtatrabaho, contact number mo at pag nakaluwag ka e di tsaka mo ako bayaran."

Dahil sa kagipitan, inabot na rin ng lalaki ang inalok nitong pera at payukong sinabi na "Salamat pare, Gary ang pangalan ko."

Sinamahan ni Marlon si Gary sa pagpapadala ng pera sa Al Rajhi na nasa ikalawang palapag ng building kung saan sila nagtagpo. Inaya na rin ni Marlon si Gary na kumain at doon sa Al Baik sila nagpalitan ng numero at lalong nagkakilala.

Isang buwan din ang lumipas at naging lalo silang pinaglapit ng palitan ng text at malimit na pagtawag at pangungumusta ni Marlon sa kondisyon ng misis ni Gary. Alam ni Marlon, na may ibang pagtangi na ito kay Gary simula ng makilala niya ito sa Balad pero di pa rin niya malaman kung paano sasabihin ito.

Isang araw, nag text si Gary na kung puwede ay magkita sila sa Balad ng biyernes na darating at magbabayad siya ng kalahati. Natuwa si Marlon dahil muli silang magkikita at pagsapit ng biyernes, maagang nagpunta si Marlon sa may Queens Building kung saan sila unang nagkakilala.

Malayo pa lang ay natanaw na niya ang papalapit na si Gary at kung may anong kabog sa dibdib na di maipaliwanag ni Marlon.

"Pare, kumusta?" ang unang bati ni Gary habang inabot nito ang kanang kamay.

"Eto pare, okay lang" ang tugon ni Marlon na sinapo ang mga palad ni Gary.

"Pasensya ka na, trapik kasi, may aksidente sa may Palestine road kaya naantala ang bus."

"Okay lang," habang pisil pa rin ni Marlon ang mga palad ni Gary. Kumalas si Gary sa pakikipagkamay at naglakad papasok ng Queens Building at sabay kuwento kay Marlon.

"Alam mo, malaking tulong ka sa akin nung mga panahon na yon, nung pinahiram mo ako ng pera? Para kang anghel na dumating sa buhay ko..."

Gustong mapalundag ni Marlon sa mga sinabi ni Gary.

"Kaya lang," patuloy na kuwento ni Gary habang naglalakad sila.

"Kaya lang ano?" patakang tanong ni Marlon.

"Wala, naalala ko lang si Jerry."

Nakadama ng kaba si Marlon.

"Sinong Jerry?" tanong nito. Saglit na tumahimik si Gary. Nagiisip. Pagkatapos ay lumingon siya kay Marlon at tinitigan ito sa mga mata. Parang napapaso si Marlon sa mga titig ni Gary. Yumuko si Gary at patuloy na nagkuwento.

"Nakarelasyon ko noon. Inalagaan niya ako mula high school. Third year yata ako noon." Napalunok si Marlon sa pinagtapat ni Gary at di niya maipaliwanag ang kaba.

"Kaya lang, wala na siya. Naaksidente. Minahal niya ako hanggang sa nag-asawa na ako. Nung isang taon lang siya namatay. Mahal na mahal ko siya. Siya ang lakas ko eh."

Lalong natahimik si Marlon at namutla.

"Kilala siya ni misis, siya pa nga nag ayos ng kasal naming sa huwes noon ni Misis, siya pa gumastos sa handaan."

Di pa rin makaimik si Marlon.

"Mahal ko si Jerry, at bago siya namatay, ang nasabi lang niya sa akin ay sana siya na ang una't huling lalaki na mamahalin ko. Kasama ko pa misis ko noon sa ospital, at pinangako ko rin sa misis ko na kailanman ay di na ako papatol sa kapwa ko lalaki."

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Marlon sa narinig.

"Kaya," sagot na naman ni Gary "thank you uli pare, pasensya ka na at kalahati lang ibabayad ko sa iyo pero next month, mapupunan ko na yung balanse ko. Pasensya ka na pare at sa iyo ko naikuwento buhay ko ha."

"Okay lang yun pare..." sagot ni Marlon na pilit pinipigil ang emosyon na nararamdaman.

"Ano, kain tayo, sabi mo maglibre ka uli?" tanong ni Gary, "pero kailangan ko ding umalis agad ha, may mga labahin pa ako eh."

"Oo ba, sige at ako ang taya" ang tanging naisagot ni Marlon habang tuliro itong naglakad.

Di na niya gaanong naintindihan ang mga sumunod na sinabi ni Gary. Nagtatalo ang isipan niya at nasasaktan ang kanyang puso. Di pa man niya nasasabi kay Gary ang tunay nitong nararamdaman ay parang nawalan na ito ng pag-asa. Yun na ang huli nilang pagkikita. Simula noon ay di na niya sinasagot ang mga text ni gary. Di na rin niya ito tinatawagan. Pinabayaan na lang niya ang balanse sa hiram na pera ni Gary. Hindi dahil sa wala na siyang pagmamahal na nararamdaman kay Gary pero natatakot siya na mahulog pa lalo ang loob niya at masira pa ang pangako nito sa mga taong mahal niya.

Biyernes nga uli at nandito na naman sa Balad si Marlon. Naghahanap ng bagong pag-ibig.


TEMPTATION OF ADAM                                          [A COLLECTION OF BOYXBOY STORIES]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon