Laman na naman ng balita ang mga kaganapan sa loob ng Selford Dormitory. Sa totoo lang ay sawang-sawa na si Claude sa mga kaganapan na 'yon. Halos hindi na sila matahimik. Sa oras na 'yon ay nanonood siya sa telebisyon habang nagkakape. Bigla na lang ay may matatanggap siyang mensahe mula sa kaklase niya sa university o kaya naman sa isang tao na hindi naman niya kilala.
Ayaw na ni Claude na maging sentro ng atraksyon. Nakakasawa na rin para sa kanya. Tumayo siya mula sa couch na kanyang inuupuan at dumungaw sa bintana. Tanaw mula rito ang gate ng university. Agaw-pansin ang dami ng taga-media sa labas, naghahantay lamang sa kanila na lumabas upang kapanayamin.
"Hindi na 'to maganda," bulong niya.
"Ang katawan ng bagong biktima na si Maverick Selvestre ay nakita sa loob mismo ng Selford Dormitory sa Aldenton University alas dos ng umaga kahapon. Hanggang ngayon ay hindi pa inaanunsyo ng awtoridad sa kinauukulan ang eksaktong kaganapan sa pagdidiskubre ng katawan ngunit nagkalat ang usap-usapan na marahil may kinalaman ang pagkamatay ni Maverick Selvestre at isa pang mag-aaral na si Gabriel Ongkiatco sa pagkamatay ni Shay Rosas, isa sa dating naninirahan sa naturang dormitoryo..."
Napatigil si Claude at napatingin sa telebisyon. Hindi siya makapaniwala sa kanyang naririnig. Agad niyang inilapag ang mug ng kape sa coffee table sa harap ng kanyang couch at kinuha ang kanyang cellphone. Isang numero ang kanyang hinanap sa kanyang contact list.
"Kailangan 'tong malaman ni Dylan," bulong niya.
Inilapat niya ang cellphone sa kaliwang tenga at hinintay na sumagot ang lalaking kanyang kakausapin. Pagkatapos ng tatlong ring ay sumagot na ito. Nanginginig na ang mga kamay ni Claude. Patuloy ang paglalakad niya paroon-pabalik sa harap ng mismong couch.
"Dylan, may malaki tayong problema," sabi niya sa kausap sa kabilang linya.
"Bakit?" tanong ni Dylan.
"Mukhang malalaman na nila ang ginawa natin no'n. Hindi ako makapapayag," aniya. "Kapag lumala pa 'to, malalaman at malalaman nila ang tunay na nangyari kay Shay!"
"Kalma lang, dude! Wala silang malalaman, okay? Kung one year ago ay hindi nila nagawa, ngayon pa kaya?"
"Mahirap nang makampante ngayong may pumapatay sa mga ka-dormmate natin! Paano kung tayo ang isunod nito?" bulyaw niya.
"Maaayos din ang lahat, Claude. Maniwala ka," tila kampanteng sagot ni Dylan pero napapansin ni Claude ang panginginig ng boses nito.
"Siguraduhin mo lang," galit na sabi ni Claude. Agad niyang ibinaba ang tawag. Ang kanyang tingin ay bumalik sa screen ng telebisyon. Isang larawan ni Maverick ang nakapaskil sa screen habang nagsasalita ang isang lalaking reporter. Hindi na pinakinggan ni Claude ang pagsasalita nito. Nakapokus lamang siya sa hitsura na kanyang nakikita.
Isang ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi na halos umabot na sa kanyang mga tenga.
"Mabuti't patay ka na, Maverick," bulong niya.
*****
Paulit-ulit ang pagtapik ng dulo ng heels ni Ria sa sahig habang nakatingin sa wristwatch sa kanyang kaliwang pulsuhan. Halata na siya'y naiinip na habang nakaupo't naghihintay sa isang mahabang hallway. Halos ang paligid ay gawa sa marmol, mapa-pader man o sahig. Isang malaking pinto na gawa sa malamlam na salamin ang nasa harapan ng leather couch na kanyang inuupuan. Panay ang titig niya rito na tila ba may hinihintay.
Hanggang sa lumabas ang isang babaeng petite at nakasuot ng corporate attire. Naka-bun ang buhok niya. Binati niya ng ngiti si Ria ngunit hindi siya ginantihan nito ng ngiti. Bagkus ay inirapan niya ito.
BINABASA MO ANG
Liars All
Mystery / ThrillerNagsimula na ang pagpatay sa mga naninirahan sa Selford Dormitory, at walang ideya ang mga natitirang buhay sa kung sino ang gumagawa nito sa kanila. Lahat ay may motibo. Lahat ay may itinatagong lihim. Lahat ay nagsisinungaling. Magawa pa kaya nila...