Lumabas ng taxi ang isang batang babae. May itim siyang buhok na abot lamang hanggang sa kanyang mabibilog na mga mata. Mapula ang kanyang labi at kita ang ngiti sa mga iyon. Nakasuot siya ng pulang hoodie at blue jeans. May dala-dala siyang isang case na naglalaman ng gitara. Sa isang balikat naman ay isang bag. Nakatingin siya sa paligid at huminga siya ng malalim.
Masaya siya’t hinayaan na siyang mag-dorm ng kanyang mga magulang. Magiging second year student na siya sa darating na pasukan at nahihirapan na siya sa kursong kaniyang kinukuha. Matapos ang ilang linggo na pangungumbinsi ay napapayag niya rin ang kanyang mga magulang. Magagawa na niya ang kanyang mga gusto. Walang susuway. Walang mangingialam. Malaya siya sa kung ano man ang nais niya.
Mabilis siyang pumasok sa gate ng Aldenton University, ang kasalukuyan niyang eskuwelahan, at nagsimulang puntahan ang Selford Dormitory. Alas-siyete pa lang ng umaga pero puno na ng mga estudyante ang paaralan. Kapansin-pansin na karamihan ay mga nakaitim. Mabuti na lamang at walang dress code ang paaralan kaya nagagawa nila ang ganito. Pero nakakapagtaka ay karamihan sa kanila ay ganito.
Nagkibit-balikat na lamang siya at nagpatuloy sa paglalakad papuntang Selford Dormitory. Nasa loob ng paaralan ang dormitoryong iyon. Layunin nito na matulungan ang mga mag-aaral na malayo ang inuuwian at sa mga nasa ‘night class’ kung tawagin. Ngunit nang makarating siya roon at wala siyang naabutan na mga mag-aaral. Walang kahit sino na nasa hallway. Kahit sa may reception area ay wala rin.
“Hello?” pagtatawag niya.
Walang sumagot sa kanya kundi ang echo lamang. Lumapit siya sa reception area. Isang pabilog na desk ang naroon at walang katao-tao. Inilapag niya ang kanyang gitara sa sahig, gayon din ang kanyang bag. Sumilip siya at nakitang bakante ang swivel chair.
“Sino ang kailangan nila?” tanong ng isang boses ng babae.
Nagulat ang babae at lumingon siya. Isang babae ang nakatayo sa kanyang harapan. Nakasuot ito ng blazer at palda. Nakapusod ang buhok niya kaya nakikita ang hugis puso niyang mukha. Mapula ang kanyang labi dahil sa gamit na lipstick. Nakangiti lamang siya sa kanya.
“Ginulat mo ako,” sambit ng babaeng may maikling buhok.
“Sorry,” sagot ng babaeng nakapusod ang buhok. “Puwede bang malaman ang pangalan mo?”
“Katrina Gomez,” aniya.
“Good morning, Ms. Gomez. Ako pala si Beverly,” pakilala ng babae. “Ano ang maitutulong ko sa’yo?”
Marahil ay nasa edad trenta na ang babae. Malumanay ito magsalita pero may kung ano na nagpapakaba kay Katrina dito. “Uhm, hinahanap ko lang ang katiwala ng dorm na ‘to, si Mrs. Dela Paz,” sagot niya.
Napansin niya ang lungkot sa mukha ni Beverly. “I suppose dito ka nag-aaral. Hindi mo na ba nabalitaan, Katrina? Yumao na si Mrs. Dela Paz. Ako na pamangkin niya ang pumalit sa kanya,” sagot ni Beverly.
Nakaramdam ng pagkalungkot si Katrina. Lumipas lamang ang semestral break ay marami nang nangyari. “Condolences po,” baling niya. “’Yon po ba ang dahilan kung bakit maraming naka-itim ngayon dito sa campus?”
“Partially, yes. Pero mas may mabigat pang dahilan,” wika ni Beverly. Pumunta siya sa desk at tumabi sa swivel chair. Nakatuon pa rin siya kay Katrina. “May pinatay na estudyante dito sa Selford Dormitory. Dalawang araw pagkatapos atakihin sa puso si Mrs. Dela Paz.”
Nanlaki ang mga mata ni Katrina. “Oh my God, nalaman ba nila kung sino ang gumawa nito?” tanong niya.
“Hindi. Walang makitang ebidensya na makita ang mga pulis sa kung sino ba ang gumagawa nito,” sagot ni Beverly. “Ngayon kasi ang lamay niya kaya maraming naka-itim ngayon. Half-day lang ang klase ngayon para bigyan ng tyansa ang mga kakilala ni Gabriel Ongkiatco na bumisita sa kanila.”
BINABASA MO ANG
Liars All
Mystery / ThrillerNagsimula na ang pagpatay sa mga naninirahan sa Selford Dormitory, at walang ideya ang mga natitirang buhay sa kung sino ang gumagawa nito sa kanila. Lahat ay may motibo. Lahat ay may itinatagong lihim. Lahat ay nagsisinungaling. Magawa pa kaya nila...