Umaalingawngaw ang mga sirena mula sa mga sasakyan ng mga pulis nang tumigil sila sa bahay na di-umano'y tinataguan ni Claude, ang taong gumahasa kay Shay at marahil ay pumatay sa dalaga. Lumabas na sina Katrina mula sa sasakyan, handa nang harapin ang tila bangungot na matagal nang bumabagabag sa kanila.
Agad na sinugod ng mga pulis ang maliit ngunit liblib na bahay. Tila isa itong studio-type na bahay na mukhang ginagawa pa lang. Bakbak pa ang mga pader at sira ba ang bubong. Halos malayo ito sa ibang kabahayan kaya walang tao sa paligid. Sinabihan sila ng lead investigator na manatili lamang sa kanilang mga sasakyan ngunit alam ni Katrina na kailangan niyang tulungan ang mga kaibigan sa loob.
"Kailangan kong makapasok sa loob! Kailangan kong mapuntahan si Ellie!" bulyaw ni Dylan.
Laking gulat na lang ni Katrina nang kumaripas ito ng takbo patungo sa bahay. Narinig ni Katrina ang sigaw ni Ms. Beverly, tinatawag niya ang pangalan ng binata. At biglang may kung ano na nagtulak sa kanya na sundan ang lalaki.
Tila nagkaroon ng sariling buhay ang kanyang mga paa at siya'y tumakbo. Inilagan niya at pinigilan ang mga pulis na gusto siyang harangan. Hindi siya patitinag. Kailangan niyang makapasok.
"Tumigil kayo!" narinig niyang sigaw ng isang babae—marahil ang babaeng pulis—pero nagpatuloy lamang si Katrina.
Sinundan niya si Dylan. Tumungo ito sa likod ng bahay kung saan nakita niya ang mga naglalakihang paso ng halaman at isang puno ng duhat. Sa ilalim nito ay may isang maliit na pinto sa sahig na marahil ay magdadala sa kanila sa basement.
Agad 'yong pinilit na binuksan ni Dylan ngunit hindi niya magawa. Mukhang naka-lock ito dahil kahit ano'ng pilit ni Dylan ay hindi man lang gumalaw ang pinto. Buong lakas na hinila ni Dylan ang mga hawakan ng pinto ngunit hindi niya ito magawang tanggalin.
"Shit!" bulyaw niya. Kinalabog niya ang pinto na gawa sa nangangalawang bakal. "ELLIE! GRAHAM!"
Paulit-ulit niyang sinisigaw ang pangalan ng mga ito pero walang sumasagot sa kanya. Marahil ay hindi sila marinig nito sa loob. O marahil ay patay na sila.
Sa pagkakataong 'yon, tila natuyo ang dugo sa katawan ng dalaga. Nabalot siya ng takot nang mapagtanto niya ang posibilidad na wala na ang dalawa; na pinatay na sila ni Claude.
"Hindi..." tanging nasabi niya nang maramdaman niya ang isang pares ng malalakas na kamay na humila sa kanya.
"Nahanap na namin ang basement!" narinig niyang sigaw ng babaeng lead investigator. "Ilayo niyo sila rito!" sigaw niya.
Nagpumiglas si Katrina. "Bitawan niyo ako!" bulyaw niya.
"Gusto kong makita si Ellie! Bitawan niyo ako!" narinig niyang sigaw ni Dylan na hinihila na rin palayo ng mga lalaking pulis.
Hinintay ni Katrina na ilabas ng babaeng pulis ang hawak nilang ebidensya—ang susi. Nagsuot muna ito ng isang pares ng gloves bago kinuha ang susi mula sa lalagyan nito. Nang ipasok niya ito sa lock ng naturang basement, nanlaki ang mga mata ni Katrina nang mabuksan ito. Agad na binuksan ng pulis ang pinto.
Hudyat na ito para kay Katrina. Buong lakas siyang nagpumiglas. Nang makawala siya sa mga kamay ng humahawak sa kanya, kumaripas siya ng takbo. Palapit sa pintuan ng basement.
"Anak ng—"
Naputol ang pagsasalita ng babaeng pulis dahil napasok na si Katrina sa loob. Pumaibaba siya, tinahak ang isang hagdanan paibaba kahit na madilim ang paligid. Mamamasa-masa ang hangin at maalinsangan. Sa tagpong 'yon ay nahihirapan nang huminga si Katrina. Basa ang mga pader at malamig ang paligid sa loob. Pero nagpatuloy pa rin si Katrina hanggang sa makarating siya sa baba at makita ang isang nakabukas na pinto.
BINABASA MO ANG
Liars All
Mystery / ThrillerNagsimula na ang pagpatay sa mga naninirahan sa Selford Dormitory, at walang ideya ang mga natitirang buhay sa kung sino ang gumagawa nito sa kanila. Lahat ay may motibo. Lahat ay may itinatagong lihim. Lahat ay nagsisinungaling. Magawa pa kaya nila...