14: WHAT LIES BENEATH

547 26 0
                                    

"Ano na'ng gagawin natin?"

Isang pamilyar na boses ang narinig ni Meira habang nakaupo siya sa isang bench sa park sa loob ng Aldenton University. Ayaw niyang manatili sa dormitoryo dahil nandoon ang kanyang Kuya at tiyak na kukulitin siya nito. Kasalukuyan siyang may dalang libro at ginugugol niya ang oras sa pagbabasa. Ngunit hindi niya maiwasang makinig dahil kilala niya ang may-ari ng boses na 'yon.

Lumingon si Meira sa pinagmumulan ng boses. Naroroon si Claude, nakatago sa likod ng dalawang puno ng mangga. May kausap ito sa hawak na cellphone. Nagpatuloy lamang siya sa pakikinig.

"Patay na siya! Ano pa'ng kinatatakot mo?" wika ng binata. "Walang nakakaalam ng ginawa natin. Kumalma ka lang."

Biglang nakaramdam ng kaba si Meira. Sino'ng tinutukoy na patay ni Claude? Hindi niya mawari kung sino pero pakiramdam niya ay ang Ate Shay niya ang tinutukoy ng binata. Napahigpit ang hawak ni Meira sa dalang libro.

"Manahimik ka! Kung isusuplong mo ako sa pulis, sasabihin ko na ikaw ang dahilan ng pagkamatay niya!" bulong ni Claude.

Napatakip ng bibig si Meira. Isang mamamatay-tao ang kausap ni Claude. "Sino kaya 'yon?" bulong niya.

"Nangako tayo na walang makakaalam sa nangyari. Tumupad ka sa usapan kung ayaw mong ikaw ang sumunod sa kanya. Are we clear?" pagbabanta ni Claude.

Aktong tatayo na si Meira para umalis pero bigla niyang natapakan ang isang plastic cup sa sahig. Ang ingay na likha nito'y umagaw sa atensyon ni Claude. Walang nagawa si Meira kundi ang magtago sa nagtataasang halaman ng gumamela.

"Sino 'yan?" tanong ni Claude.

Tinakpan ni Meira ang bibig sa takot na baka may sabihin siya. Delikado na't sa tingin niya'y may nagawang isang malaking krimen si Claude.

"Kailangan ko nang ibaba 'to. Sa tingin ko'y may nakarinig sa usapan natin," ani Claude. "Kailan ka ba babalik sa dorm?" Isang matagal na katahimikan ang biglang naganap saka muling nagsalita si Claude. "Mag-usap na lang tayo kapag bumalik ka na. Bye."

Saka niya narinig ang mga yabag ng binata. Papalayo na 'to sa kaniyang puwesto. Nang masiguro ni Meira na wala na si Claude, saka siya lumabas mula sa tinataguan. Huminga siya nang malalim at saka nag-isip.

Natatakot siyang sabihin sa iba ang kanyang narinig.

At ngayo'y nagsisisi na siya.

"Kung sinabi ko lang, sana'y hindi nangyayari 'to," bulong niya habang palabas na sila ng naturang dormitoryo kasama ang ilang miyembro ng kapulisan.

Tila ba isang deja vu ang nangyayari. Katulad nang nangyaring pagpatay kay Maverick, muli silang pupunta sa presinto ng pulis para ma-interrogate, habang mag-aatas na ng SWAT Team ang kapulisan para mahanap na ang dumukot kina Ellie, Claude, at sa kanyang Kuya.

"Okay ka lang ba?" narinig niyang tanong ni Ms. Beverly. Yakap-yakap siya nito habang patungo na sila sa mga sasakyan ng pulis.

Tumango lamang si Meira. "Nag-aalala lang po sa Kuya ko. Baka kung ano na ang nangyari sa kanya."

"Mahahanap din siya, Meira. Maililigtas din ang kuya mo," aniya. "Dahil sa dami ng pulis, kailangan nating gamitin ang kotse natin, okay? Pero sasabayan nila tayo sa pagpunta sa police station."

Nakaramdam bigla ng pagod si Meira. Masyado nang magulo ang kanyang isipan dahil sa takot at pag-aalala. Nais na lang niyang matapos lahat ng ito.

"Sasabay na lang kami sa inyo, Miss Beverly," sabi ni Katrina na katabi naman ni Dylan. "Hindi ako masyadong komportable kapag sumasakay sa sasakyan ng pulis."

Liars AllTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon