Sexta

259 12 0
                                    

"Rusca, kuhanin mo ang sampung kahon ng paunang lunas sa kabilang kampo ngayon na," utos ng kanilang magiting na heneral.

Tumango ang lalaki't sumunod na sa ipinaguutos sa kanya. "Sige ho, heneral."

Hindi naman sinabi ng kanilang pinunong agad na kinakailangan ang paunang lunas. Iilan pa lamang ang sugatang sundalo kaya kakayanin na 'yon ng mga babae ng Cruz Roja. Sinabihan sila ni Isabel na huwag munang tumulong--dahil alam niya'ng marami ring iniintindi si Heneral Luna--kaya hangga't maaari'y ayaw niyang makadagdag pa sa iisipin nito.

Umiling si Rusca.

"Ang hirap talaga kapag may iniibig," natawa ito sa sarili niya habang iniisip ang mga oras ni Antonio Luna kasama ang binibining taga-Cruz Roja. Nakapasok ang dalawa niyang kamay sa kanyang bulsa habang papunta sa kabilang kampo tulad ng pinaguutos sa kanya, pailing-iling. Mula sa kinatatayuan niya'y nakakita siya ng dalagang matindi ang tindig, parang isang tunay na sundalo, diretso ang tingin, sikretong nagmamasid sa paligid.

Kung titingnan, iisiping isa siyang lalaki, ngunit hindi nakatulong ang magandang hubog ng dalaga para isipin ito. Malabo.

"Magandang gabi, binibini," umpisa ng kapitan.

Hindi sumagot ang dalaga't tumingin lamang ito sa kanya.

"Uhh," bahagyang bulong ng lalaki. "Pwede ba akong pumasok? Kailangan ko kasi ng ilang kahon ng paunang lunas."

Hindi pa din sumagot ang babae.

"Binibini?" Tawag muli ni Rusca. "Ang seryoso mo naman."

"Hindi pwede," sagot niya, sa wakas.

"'Wag kang magpapapasok ng kahit na sino basta-basta. Ipagbigay-alam mo muna sa'kin bago ka gumawa ng aksyon. Hindi ka dapat umalis sa'yong pwesto, maghanap ka ng taong magpapadala sa'kin ng iyong mensahe. Dapat mataas ang ating seguridad lalo na't kabi-kabila ang digmaan sa ating bansa."

'Yan ang mensaheng iniwan sa kanya ng kanyang pinuno pagdating sa suplay ng bansa. Marapat lamang na planado ito upang hindi magkulang ang mga dapat na gamitin. Nakatitig pa rin ang balasang sa sundalo; ginagamit ang mga titig na ito upang sabihing dapat na siyang umalis dahil wala rin naman siyang magagawa kahit na anong pilit niya.

Ngunit hindi pa rin natinag ang kapitan. "Pero, binibini-"

"Hindi ka ba nakakaintindi ng Tagalog?" Asar na tanong nito.

Kumamot si Rusca sa likod ng kanyang ulo at bahagyang tumingin sa kanyang gilid. Bigla siyang tumuro sa labas at sinabing, "Wow, ibon oh!" Pero nang ibalik niya ang tingin sa babae upang malaman kung tumingin rin siya sa tinuro ng lalaki, nakatitig pa rin ito sa kanya. "Uh, ano... Paano ba 'to-" Nagisip pa ng iba't ibang paraan ang kapitan hanggang sa nagdesisyon na siyang umalis na lamang. "Sige, ano. Alis na ako. Gabi na din kasi. Magpahinga ka na, binibini," kumaway siya sa dalaga't tuluyan nang umalis.

Nang mawala na sa paningin ng dalaga ang kapitan, kumawala siya sa mala-lalaki niyang tindig at naglabas ng kaunting hangin--hinga ng pagkakawala ng kaba. "Akala ko, hindi na ako magtatagumpay," ibinaba niya ang ripleng kanina pa niyang hawak ng mahigpit. Naupo ang babae sa pinakamalapit na karton sa binabantayan niya't nagpahinga. Tinanggal niya ang sumbrero niya't ginamit ito pangpaypay.

Mula sa loob, lumabas ang kapitan.

"Magandang gabi, binibini," kumindat pa ito.

Napatili ang dalaga. "Por Dios por-- Ikaw?!" Gulat niyang sabi.

Ngumiti na lang ang lalaki't kinadena na ang pintuang kanina pa masugid na binabantayan ng babaeng sundalo. "Mas madali pumasok sa loob kaysa dito!" Sabi niya, halatang tinutukoy ang pagbabantay ng dalaga.

"Wala namang lumalabas sa loob, ginoo," pagbara ng dalaga sa kanya.

Kaunting ngisi ang biglang naging hugis ng labi ng lalaki. "Pero depende na lang kung ibang 'paglabas sa loob' ang tinutukoy mo."

Hinampas ng dalaga ang kapitan gamit ang sumbrerong kanina pa niya pinangpapaypay dahil sa sobrang init. "Bastos, bastos! Bastos!"

"Aray," sabi ni Rusca, sinasalag ang bawat palo ng babae't tumatawa pa.

"Kuhanin mo na nga ang iyong mga kailangan at umalis na!" Asar na utos ng dalaga sa kanya.

"Ito na ho, ito na," buryong sagot ng lalaki para hindi na magsalita pa ang dalaga. Pero hindi niya mapigilang hindi matawa sapagkat nainis ang babae sa kanya. "Hindi ka pa ba magpapahinga? Gabing-gabi na."

"Ako ang nakaatas na magbantay rito sa suplay ng medisina't iba pang mahahalagang bagay na gagamitin at kakailanganin sa digmaan. Hindi ako maaaring magpahinga."

"'Yon oh! Marunong ka naman palang sumagot ng matino," biro ulit ng kapitan.

"Ewan," tipid niyang balik.

Tumalikod ang babae, naglakad papalayo sa sundalo. Isa pang hakbang ay nakatapak ito ng balat ng saging--paniguradong galing sa isa sa mga sundalong wala nang panahon para maghapunan dahil sa abala sila sa pagbabantay sa kanya-kanya nilang hawak na mga linya. "!!!"

Pumikot siya, inaasahan na ang kanyang pagbagsak sa malamig na lupa ng kanilang kampo.

"Muntik ka na. Masakit kapag nalaglag ka ng diretso do'n," tinuro ni Rusca ang lapag gamit ang kanyang mga tingin. Ang dalaga nama'y gulat na nakatingin sa lalaki. Dahil sa pagkakasalo sa kanya ng kapitan, nalaglag din ang suot nitong sumbrero.

Nanatiling nakatitig sa kanya ang dalaga, kinakabahan.

Nagtaka si Rusca. "...? Bakit, may problema ba? Ah, 'yong...sumbrero ko ba?"

Dahan-dahang tinayo ng kapitan ang babaeng sundalo, kasabay nito ang pagabot ng kanyang nalaglag na sumbrero. Ngunit, pinagdamutan nga ng kapalaran, napaapak ang magiting na ginoo sa balat ng saging na naapakan rin ng babae kani-kanina lamang. "'Oy, put--!"

Pero prayoridad niya ang balasang.

Pinabayaan niya ang kanyang sumbrero't tinuon ang kanyang atensyon upang hindi magalusan ang katawan ng dalaga. Kahit na sundalo ito't malakas, babae pa rin ang kanyang postura. Pumailalim siya't sinalo ang binibini.

Bumukas muli ang mga itim niyang mata't nagkatitigan sila. Wala naman silang ibang magagawa sapagkat silang dalawa lamang ang magkaharap. "Uh, a-ano...," biglang utal ng babae.

Ngunit wala namang pinagkaiba sa ekspresyon ng mukha ng kapitan, hinihintay lang niya ang gustong sabihin ng isa.

"Salamat," tipid niyang sabi. Agad itong tumayo't pumasok sa loob ng bodegang kanyang binabantayan. Kinakabahan ako, ano ba ito... bulong niya sa kanyang sarili, nakapatong ang kanyang kamay sa kanyang dibdib, pinapakiramdaman ang tibok ng kanyang puso.

Napakamot na lang sa likod ng kanyang ulo si Rusca. "Ano'ng nangyari do'n?" Tanong niya sa sarili habang ang mga mata'y tinitingnan pa din ang sundalong babae. Pero ang kyut niya ah. Ang layo do'n sa kausap ko kanina. Tumawa ang kapitan.

"Rusca," umpisa ni Koronel Roman na kanina pa pala nagmamasid. "Kung may balak ka, marami namang bakanteng kwarto sa Cruz Roja para diyan. Ilugar mo na lang," ngumisi ang lalaki dahil iba ang kanyang tinutukoy.

[Heneral Luna] Rusca & ReaderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon