Setima

216 12 3
                                    

"Nandiyan na ang mga Amerikano!"

Isang sigaw na umalingasaw sa buong bayan. Binalot ng kaba't takot ang lahat ng nakarinig kaya naman nagmadali silang dalhin ang kanilang mga importanteng gamit at nagsitago na.

Kabilang ka sa mga taong yaon.

Kumaripas ang inyong mga kamag-anak upang maghanap ng kanilang panandaliang mapagtataguan. Ang kaunting pagkaing kanilang itinabi'y dala-dala na rin nila, kung sakaling tumagal ang paglagi ng mga dayuhan sa inyong tahanan, makakaraos kayo kahit papaano. Maging ikaw ay takot, nangangamba'ng baka sa isang iglap ay mawalan ka ng buhay.

Kahit na ganoon, matapang mo itong hinarap.

Sinuot mo ang iyong pekeng buhok, sapat na para malamang ika'y isang lalaki. "Inay," tawag mo sa iyong natatarantang ina. "Mauna na ho kayo. Pipigilan ko sila."

"Anak naman! Kaya nga natin ito ginagawa dahil gusto nating lahat tayo, buhay; hindi 'yong kami lang," hindi napigilang magalit sa'yo ng iyong nanay dahil sa iyong mga sinabi. "Halina, anak! Bago pa sila--!" Nagulat kayong lahat nang biglang bumukas ng dahan-dahan ang inyong pintuan.

"Inay, 'tay, bilisan ninyo! Kaya ko na ito!"

"Anak! Mahal na mahal ka namin, tatandaan mo 'yan!" Umiiyak na sabi nito.

Samantalang ikaw, gusto mo ring lumuha. Dahil ang mga Amerikano, walang patawad; maski na bata'y binabaril, sinasaktan, pinapahirapan. Kahit na sino'y papatumbahin nila basta't nakaharang sa kanilang daanan, nakaharang sa kanilang planong mapasakamay nila ang iyong bansa. Dahil nagpanggap kang isang lalaki, pinigilan mo ang iyong pagluha, nilakasan ang iyong loob at matapang na humarap sa mga kalaban.

Ramdam mo'ng nangangatog ang iyong mga paa, ngunit huli na para umatras pa.

Dali-dali mong kinuha ang kahoy na nananahimik sa iyong gilid upang pangprotekta sa iyong sarili. Nanatili ka sa iyong pwesto, maingat na naghintay; dahan-dahang bumubukas ang pinto't habang nangyayari ito, humihigpit ang hawak mo sa kahoy.

Lumalaki na ang pagbukas ng pintuan; pumikit ka.

"Magandang gabi ho-"

"Umalis ka, Amerikano!" Itinaas mo ang kahoy at akmang hahampasin ang inaakala mong dayuhan.

"Teka, teka, ginoo!"

Ha..? Nag-Tagalog ba siya?

Hindi mo pinansin ang pamilyar na salita't patuloy na itinaas ang kahoy na iyong hawak. Bahala na! 'Yon na lamang ang naging laman ng iyong isipan. Nang malapit mo nang maipalo ito sa iniisip mo'ng kalaban, nakarinig ka na naman ng isang sigaw mula sa kanya, Tagalog ang salita.

"Teka! 'Wag!"

At dahil sigurado ka na'ng Pilipino nga ang nagsalita, tumigil ka. Dahan-dahan mong binuksan ang iyong mga mata, sinilip kung tama ka nga ng hinala.

"Ginoo," umpisa ng isang sundalo, na kung titingnan ay kapitan ng kilala mong magiting na heneral na nagngangalang Antonio Luna. "Akala ko, tutuluyan mo na ako eh," dugtong ng lalaki.

"Kapitan Rusca..?"

"Aba! Nakagagalak namang malaman na kilala niyo ako, ginoo!"

Gumilid ka upang papasukin ang lalaki, malugod siyang tinatanggap sa inyong tahanan. Bahagya kang napalunok sapagkat mali ka ng akala't nakakahiya pa ang iyong nagawa. Kaya bilang pagbawi, pinatuloy mo siya. Nagkaroon siya ng kaunting pagtataka, ngunit pagkatapos ng ilang segundo'y nagkibit-balikat siya't tumuloy na rin naman.

"Ah, ginoo?"

Dahil nauuna kang maglakad sa kanya, wala siyang magagawa kung hindi sumunod. Narinig mo siya'ng tawagin ka, ngunit hindi mo siya nilingon. Nagpatuloy ka sa paglalakad hanggang sa marating mo ang maliit na espasyong pinagtataguan ng iyong mga magulang. "Inay, itay, wala po'ng mga Amerikano. Si Kapitan Rusca po'y naparito."

[Heneral Luna] Rusca & ReaderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon