CHAPTER 12 Dyaryo Misteryoso

15 0 0
                                    

Patuloy ang paglakas ni Danny, bumabalik na ang timbang na nawala sa kanyang katawan. Isang araw habang nagbabasa ng komiks ang binata sa parlor ni Juniora ay may tumawag sa kanya sa labasan. Sinilip niya ito at nakita si Greg at ang dalawang barkada nito. Lumabas si Danny ng parlor at lumapit. Sinundan siya ng tingin ni Julie. Matagal silang nag usap at maya maya pa ay bumalik si Danny sa parlor na may ngiti sa kanyang mga labi.
"Ano daw yon Danny?" ang tanong ni Julie.
"Ah wala, iniimbita ako sa party. Bukas daw ng gabi." Tinignan siya ni Julie na parang hindi natutuwa.
"Sige Julie babalik na ako sa tindahan, wala kasing tao. Sandali ha." ang paalam ni Danny. Palukso lukso pa itong umuwi ng bahay. Lumabas naman ng kwarto si Juniora habang may binibilang na mga pera sa kamay.
"Kita mo kahit tapos na ang discount natin ay dito pa rin nagpupunta ang mga tao. Siguro wala na silang masasabi sa atin ano. O eto ang parte mo Julio." at iniabot ang envelope sa beautician.
"Mama, pasensya na ha magbibilang lang ako. Hindi sa wala akong tiwala sa inyo..." nang bigla itong napahinto sa pagsasalita.
"Mama, sobra ito, sigurado akong mali ang bilang n'yo." akmang ibabalik ni Julie ang pera pero hindi ito tinanggap ng matanda.
"Alam mo kung bakit binabalik balikan tayo ng mga tao? Kasi mabuti kang tao. Isa pa ay disente ang ating parlor na hindi katulad ng iba na tinatambayan ng mga drug addicts, malaking bagay yun, lalo na sa mga magulang na prinoproteksyunan ang kanilang mga anak sa mga nangyayari ngayon sa pali paligid." ang patuloy ng matanda.
"Mama hindi naman ako nagmamalinis ano, pero hindi talaga ako katulad ng ibang baklish dyan. Pero syempre may boyfriend ako ha." ang sabi ni Julie.
"Wala namang problema dun e, nagkaroon din ako ng mga iyan nung araw pero h'wag na h'wag ka namang maging gatasan ng mga lalake. Tao tayo hindi alkansya. Tutoo tayong magmahal tulad ng mga taong straight at hindi palabigasan."
"Alam ko yun Mama, kaya lang iyon talaga ang katotohanan, parang palaging may kapalit para tayo mahalin. Nakakalungkot pero dapat tanggapin."
"Hindi naman lahat, mayroon ding istoryang magaganda. Karamihan nga lang ay hindi. Basta't lagi mong iisipin na hindi nakukuha ang pagmamahal nang dahil sa pera. Mamahalin ka ng ating kapwa tao kahit ganito tayo kung mayroon kang respeto sa sarili." payo ni Juniora kay Julie na nakikinig namang mabuti. Pumasok ang matanda sa kanyang kwarto, naiwan sa parlor si Julie na nag iisip.
"Ano kaya ang istorya nitong si Mama." ipinasok ni Julie sa bulsa ang hawak na pera at pinagpatuloy ang paglilinis sa parlor. Isinalansan niya ang mga komiks na nagkalat sa lamesa at ibinalik sa cabinet nang mapansin ang dyaryong nakabalot ng plastik, nakasuksok ito sa kailaliman ng salansalansan. Hinugot niya ito at binasa basa kahit ito ay naka plastik.
"Matandang dyaryo na ito ah, bakit kaya tinatago pa ni Mama? Baka memorable." inilabas sa pagkakabalot ang dyaryo at saka ipinilipat lipat ang mga pahina nito nang bigla siyang napahinto nang makita ang litrato ng kanilang parlor sa isang pahina nito.
"Parlor namin ito ah", nanlalaki ang mga matang inilipat pa niya ang pahina sa susunod. Binasa nya ang balitang nakalaman sa lumang pahayagan at halos mapasigaw ang beautician sa sumunod na larawang nakita. Malinaw sa pahina ang isang taong nakahiga sa sahig at sa isa pang larawan ang taong pinoposasasan naman ng mga pulis.
"Si Mama ito ah." binasa pa ni Julie ang balitang nakasulat pagkatapos ay agad itong ibinalik sa cabinet nang marinig na papalabas ang matanda galing sa kwarto. Hindi na niya nakuha pang ibalik pa ito sa plastik na supot. Dagli siyang lumayo sa cabinet at nag ayos ayos sa harapan ng salamin ng parlor, pinakikirandaman ang kalalabas na matanda.
Halos maghapon namang kasama ni Angelika si Danny sa tindahan nang araw na iyon pero ni hindi binabanggit ng binata sa kaibigan ang party na pupuntahan kinabukasan. Marahil ay dahil hindi pa rin siya sigurado, kailangan din niya kasing mag paalam sa mga magulang para makumpirmang makakapunta. Nagpaalam nga kinagabihan si Danny pero hindi niya nagustuhan ang naging sagot ng kanyang Ina.
"Ano ka ba Danny, kagagaling mo lang sa sakit ah. Saka ka na lang mag ganyan at baka mabinat ka. Hindi mo alam yung pinagdaanan mo, maraming namamatay sa sakit na dengue. Hindi natin alam na baka bumalik ulit yan pag bumaba ang resistensya mo." Hindi na nagpumilit pa si Danny pero talaga siyang disappointed, parang kating kati siyang sumama sa party kasama si Greg na hindi naman niya talaga ganoong kakilala. Para aliwin ang sarili ay lumabas siya ng bahay at pumunta sa beauty parlor pagkatapos ng maikli lang namang sermon ng magulang.
"Danny, kumusta na ang pakiramdam mo? Mukhang wala ka nang sakit, mabuti kung ganoon Iho." ang bati sa kanya ni Juniora. Nakatingin lang si Julie sa kanila, nilingon at tinitignan pa nito ang orasan na nakasabit sa dingding ng parlor at pasimple itong lumakad at lumapit kay Danny at bumulong sa binata.
"Anong oras ang lakad nyo? ang tanong ni Julie.
"Hindi nga ako pinayagan e, bad trip nga." ang nakakunot na sabi ni Danny. Tumaas ang dalawang kilay ni Julie at medyo napangiti, halatang nagustuhan ang sinabi ng binatilyo.
"Ay naku Danny mabuti na rin siguro yun dahil galing ka sa sakit ano. Magpahinga ka na lang." ang dagdag ng beki.
"Pero minsan lang naman yung party, sayang at hindi ako makakapunta." ang umiiling na sabi ni Danny.
"May iba pang panahon. Isa pa, kilala mo ba talaga yung mga sasamahan mo? ang tanong ulit ni Julie.
"Kilala lang sa mukha, saka nakikita ko yun sa school namin."
"Yun na nga, hindi mo naman siya masyadong kakilala." ang paalala ng beautician.
"Okey lang siguro, party lang naman at isa pa malapit lang dito." ang sagot ulit ni Danny.
Iniba na ni Julie ang usapan ng makitang pumasok na ng kwarto ang matanda. Umupo siya tabi ni Danny.
"Matagal mo na rin bang kakilala yang si Mama?"
"Matagal ko na siyang nakikita, pero kailan ko lang siya nakilala. Ang parents ko mas kilala siya. Bakit mo naman naitanong?" sagot at tanong ni Danny.
"Ha e wala." iyon lang ang sagot ni Julie. Hindi niya malaman kung sasabihin sa binatilyo ang nakitang dyaryo, pero nagpasyang huwag na lang muna. Lumipas ang ilang oras at nandu'n na si Greg at ang mga kasama nito sa labasan. Sinenyasan si Danny na mukha na namang nataranta pagkakita sa grupo ng mga lalake.
"O ano na, magsisimula na ang party, bakit hindi ka pa nakabihis?" ang tanong ni Greg kay Danny.
"Greg, pasensya na. Hindi ako pinayagan e." ang sagot ni Danny. Napasimangot si Greg sabay hagod ng kamay sa mukha, tumingin ito sa mga kasama na nagsikibit lang ng mga balikat.
"Sige pero sa susunod e pwede na siguro." Inakbayan ni Greg si Danny na parang nakuryente sa ikinilos at napapikit pa ito. Sinulyapan ni Greg ang mga barkada, ngising aso ang dalawang lalake sa kanyang naging reaksyon.
"Ay pabili nga pala ng sigarilyo, bigyan mo ako ng limang sticks." request ni Greg kay Danny habang palakad silang lahat palapit ng tindahan. Pumasok si Danny at kumuha ng sigarilyo at iniabot kay Greg.
"Etong bayad."
"Hindi na, okey lang. Pasensya na at naindyan ko yata kayo." ang pagpapaumanhin ni Danny sa grupo.
"O sige aalis na kami kung gan'on, sana next time ha." Naiwan si Danny na sunod ang tingin sa mga lalake. Sa parlor naman ay nakasilip si Julie sa bintana nang may tumapik sa kanyang likuran.
"Hoy anong sinisilip mo naman dyan?" ang tanong ni Juniora.
"Hay Mama ang ating dalagita. Hayun at nakita na naman ang man of his dreams, pero sa tutoo lang wala akong tiwala sa mga batang yon ha. Hindi ko alam kung bakit bigla nilang kinakaibigan si Danny." ang sumbong ni Julie kay Juniora. Sumilip ang matanda sa labas at nakita si Danny na nakaupo sa loob ng kanilang tindahan.
"Ituro mo nga sa akin kung sino ang mga batang iyon. Gusto kong makilatis ang mga pagmumukha ng mga sinasabi mo." ang sabi ng matanda kay Julie na kaagad namang sumang ayon.
"Ay naku Mama, talagang ituturo ko sa inyo."
"Sige magsara na tayo Julio, wala na sigurong customer." at tinulungan ni Juniorang mag ayos si Julie at isinara ang parlor para sila ay makapag pahinga na.
Pumasok ng kanyang silid si Julie, nag ayos ng sarili at saka muling lumabas.
"Mama hindi ko nasabi sa inyo, lalabas nga pala ako ngayong gabi. May lakad kaming magkakaibigan. Okey lang ba kayong mag isa?" ang paalam ni Julie. Lumapit si Juniora sa kanya at inayos ang kwelyo ng beautician.
"Mag iingat ka, h'wag masyadong papagabi." ang sabi ng matanda. Na touch naman ang nakababatang bading at niyapos nito ang matanda.
"Mama salamat sa pag titiwala mo sa akin ha. Paano tutuloy na ako." Lumakad na si Julie, dumaan muna siya sa tindahan nila Danny na nagsasara na rin para bumili ng chewing gum.
"Saan ang lakad Julie? ang tanong ni Danny.
"Kung saan saan, hindi ko pa alam. Sasama lang ako sa aking mga amiga kung saan man makarating." At matapos mabili ang gusto ay umalis na si Julie. Dumiretso siya sa lugar ng pagkikitaan ng kanyang mga kaibigan. Masaya ang lahat, inuman at kainan at nang lumalim ang gabi ay nagkayayaan sa isang party.
"May party dun sa kabilang baranggay, punta tayo." ang yaya sa grupo ng isa na sinang ayunan naman ng lahat. Hindi nagtagal ay nanduon na sila sa isang bakanteng lote na nilagyan lang ng dekorasyon at mga ilaw. Malakas ang tugtog ng stereo at maraming taong nagsasayawan. Nakisayaw si Julie kasama ang grupo ng mga kaibigan. Napadako siya sa isang madilim na bahagi ng lote habang sumasayaw. Sa lugar na kinalalagyan ni Julie ay naaninag niya ang ilang kalalakihang nag uumpukan sa madilim na bahagi ng lugar at para makita niya nang mabuti ang mga ito ay pasimple pa siyang sumayaw palapit. Nakita niyang nanduon ang mga lalaking nagyayaya kay Danny. Kung natuloy pala ang binatang sumama sa mga ito ay sa paty palang iyon sila pupunta. Amoy na amoy ang marijuanang pinagpapasa pasahan ng grupo. Lumakad siya palayo at nagyaya nang umuwi. Nang walang sumama ay nagpa alam na siya sa mga kasamang kapwa mga bakla. Madaling araw na nang makarating si Julie sa bahay. Dahan dahan niyang binuksan ang pintuan nang biglang may nagbukas ng ilaw.
"Julio ikaw na ba yan?" boses ni Juniora. Nagulat siya dahil gising pa ang matanda sa gano'ng oras.
"Mama bakit gising ka pa. Umaga na ah?" ang tanong ni Julie.
"Hindi ako makatulog kaya hinintay na kita. Ano, kumusta ang lakad mo?" ang tanong ng matanda habang nagtitimpla ng kape.

Paminta na kung Paminta, Basta Ako Mahal Ko Sya.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon