CHAPTER 14 May Chance

18 0 0
                                    

Nanuod muna ng TV si Danny pagkaalis ng lahat. Sa araw na ito ay kasama niya ang tutoong bantay, ang kanilang aso na panay ang kahol sa di niya malamang dahilan.
"Ano ka ba? kanina ka pa maingay ah." napansin ni Danny na kinakamot ng aso ang pintuan palabas ng kanilang bahay.
"Naku patay, baka magkalat ka pa dito." kaya mabilis niyang kinuha ang kadena at inilagay sa leeg ng aso at agad na inilabas ang alaga na kanina pa pala nagpipigil, nang may tumawag sa kanya.
"Danny, kumusta na ang katawan mo? Hindi ka na napapasyal dito ah." si Juniora may dala na namang lagadera at magdidilig ng kanyang nag iisang pasong may tanim na mga rosas. Hinila ni Danny ang katatapos pa lang na aso palapit sa matanda.
"Okey na ako Tita, nandyan ako kahapon at medyo hindi lang pinapayagan na mag aalis ng bahay. Kayo kumusta na rin, okey ba ang negosyo?" ang sagot ng binata.
"Ay naku oo naman, maraming salamat ulit sa inyo ni Angelika. Ngayon ay may ilaw na ang aking tahanan, nakaraos na tayo ng ilang buwan at nakakabayad na tayo ng kuryente." ang masayang sabi ni Juniora.
"Alam ko namang magiging successfull Tita, masaya rin kaming nakatulong sa inyo at sana ay h'wag nyo sasabihing utang na loob iyon." dagdag pa ni Danny.
"Pumasyal ka naman Iho, parang ang layo ng bahay mo ah. Kapag di ka pumasyal ay kami ni Julie ang dadayo sa inyo sige ka."
"Pwedeng pwede Tita, alam nyo naman na ako si bantay. Bantay na hindi kumakahol, eto nga kasama ko ang barkada ko ngayon." ang nagbibirong sabi ng binata.
"Lokong bata ito, ginawa pang aso ang sarili. Sige Iho papasok muna ako, salbahe ka talaga." ang tumatawang sabi ni Juniora. Papasok na siya sa loob ng bahay ay dinig pa ni Danny na kinukuwento ng matanda ang napag usapan nilang dalawa kay Julie na tawa rin ng tawa. Sumilip si Julie sa pintuan at kinawayan si Danny.
"Oy Danny, dumaan ka naman dito." ang sigaw nito.
"Mamaya, hinihintay ko lang si Angelika, mamaya lang nandito na yun." tumango si Julie. Pumasok na si Danny sa kanilang bahay kasama ang aso. Kinakausap pa niya ito habang hila hila.
"Ikaw kasi, dapat matuto ka nang magbantay sa tindahan at saka mag sukli." nang may kumatok, nakita niya si Angelika kaya pinagbuksan niya ito agad ng pintuan.
"May dance competition mamaya sa mall, punta tayo." ang excited na sabi ng kaibigan kay Danny.
"Anong oras? Alam mo namang hindi ako pwede dahil walang rerelyebo sa akin dito, at saka hindi ako mahilig sa sayaw ano."
"Mamaya pa namang gabi, samahan mo na lang ako kahit hindi ka mahilig. Please." ang hiling ni Angelika.
"Hindi naman talaga kita mahihindian e, sige sasama ako... iyon e kung papayagan ako?"
"Ipagpapaalam kita, saka magaling ka na naman. Ang tagal mo nang pahinga ah." ang kulit ni Angelika. Umupo si Danny sa loob ng tindahan at iniabot sa kaibigan ang isang controller ng playstation.
"Ay hindi ako magtatagal, hahanapin ako ng Nanay ko dahil may pinagagawa kanina pa. Sumimple lang ako ng punta dito." lumabas na ang dalagita sa bahay ng kaibigan, pero bago makalayo ay biglang pihit na bumalik sa bintana ng tindahan.
"Pogi babalik ako mamaya ha, text mo ko kung nandito na ang ermats mo." ang paalala ni Angelika kay Danny.
"Sige na, baka mapagalitan ka pa ng ermats mo rin, mapalo ka pa he he!" ang pang asar namang sagot ni Danny. Suntok kamao ang ipinakita ni Angelika sa kanya at tuluyan nang lumakad pauwi. Lumipas ang maghapon, nakakatulog si Danny sa pagbabantay pero nagigising siya kapag may kumakatok para bumili. Dumidilim na at wala pa ang kanyang Ina at mga kapatid kaya kinuha niya ang radyo at tumawag sa magulang.
"Inay mamaya pa ba kayo uuwi? May lakad kasi ako... kasama ko si Angelika... O sige po." Hindi naman nagtagal ay dumating na ang isa niyang kapatid. Kinuha niya ang cellphone at nag text kay Angelika na agad namang dumating.
"Ang bilis mo ah, maliligo pa ako." ang sabi ni Danny.
"Okey lang, wala pa naman ang Nanay mo, pag dumating e ipagpapaalam kita. Sige ligo na." ang sagot ni Angelika. Pumasok na ng banyo si Danny at naligo.
Paglabas sa banyo ni Danny ay nandun na ang kanyang Ina, nakangiti si Angelika at naka thumbs up pa. Pagkabihis ay nagpaalam na ang dalawa at paglabas pa lang ng bahay ay naka angkla na si Angelika sa braso ni Danny. Napadaan sila sa parlor, nandun si Julie na nag papahangin sa labasan.
"Uy saan ang lakad nyong dalawa? Sama kami." ang nakangiting tanong nito sa dalawa.
"May dance competition sa mall, manonood kami. Halika sama ka." ang yaya ni Angelika.
"Biro lang, okey lang ako dito, siguro mamaya pupunta rin ako kapag sarado na ang parlor. Ingat kayo ha!" Umalis na ang dalawa na sinundan pa ng tingin ng beautician. Lumabas din si Juniora para magpahangin.
"Sinong kausap mo dyan?" ang tanong nito. Itinuro ni Julie ang dalawa na abot pa naman ng kanilang tanaw.
"Sa'n daw ang lakad?"
"Sa mall daw ho. Kita mo si Angelika at nakapulupot pa ang braso, palagay ko gusto niya talaga si Danny." ang sabi ni Julie. Nangingiting naupo si Juniora sa hakbang ng hagdanan.
"Sabi ko nga sa iyo, konting pink blood cells lang ang nasa dugo ng batang yan, sana hindi na dumami, mas masaya ako kung ganoon lang." ang mahinang sabi ng matanda.
"Siguro nga, may tawag dun e... paminta." ang sabi ni Julie.
"Hindi. Paminta e naglalaki lakihan. Silahis ang ibig kong sabihin."
"May chance." ang sabi ni Julie na naka taas pa ang kilay.
"May chance na hindi maging bakla. Iyon ang gusto kong mangyari sa batang iyan." ang dagdag pa ng matanda.
"Bakit naman Mama, hindi naman ako nag sisising baklish ano!" ang sabi ni Julie.
"Ay naku, bata ka pa, hindi mo nalalaman ang sinasabi mo dahil nag eenjoy ka pa ngayon. Malalaman mo na ang sinasabi ko pag tumanda ka nang tulad ko." at tumayo na ang matanda at iniwan si Julie na nag iisip sa balkonahe.
"Ano kaya ang ibig sabihin ni Mama...?" ang tanong nya sa sarili.
Dumating na sina Danny at Angelika sa Mall. Maraming taong naghihintay sa gagawing kompetisyon. Hinila ni Angelika si Danny malapit sa stage nang may tumawag sa kanila.
"Danny, nandito ka rin pala." nagulat si Danny, ngumiti sa nakitang kakilala.
"Greg, oo manunod kami ng sayaw... kayo? ang tanong niya dito. Hindi nakasagot kaagad si Greg dahil nakatingin kay Angelika na naka angkla pa rin kay Danny, siniko ito ng kasama.
"Ah oo, manonood din kami, nandun kami sa bandang likod." at iniwan na sila ng grupo ni Greg. Nakalingon pa rin si Danny ng tanungin siya ni Angelika.
"Kilala mo pala yung mga iyon?
"Hindi lahat yung isa lang, si Greg. Halika umupo tayo dun sa may harap." Sumalampak lang sila sa sahig ng mall at hindi naman nagtagal ay nagsimula na ang dance contest. Napapansin ni Angelika ang palaging lingon ni Danny sa grupo nila Greg. Kada lingon nito ay napapalingon na rin siya, isang beses pa nyang lingon ay nakangiti sa kanya si Greg na napansin din naman ni Danny. Matagal din ang show at nang matapos ang pa contest ay tumayo na ang dalawang magkaibigan.
"Hwag muna tayong umuwi Danny, mag ikot muna tayo. Maaga pa naman." ang sabi ni Angelika. Paalis na sila ng tawagin ulit sila ni Greg.
"Danny, ipakilala mo naman ako sa kasama mo." Hindi na nakasagot si Danny dahil lumapit na agad si Greg kay Angelika sabay ang abot ng kamay.
"Ako nga pala si Greg." tinignan ni Angelika si Greg at iniabot din ang kamay para kamayan. Matagal na hindi binitiwan ni Greg ang kamay ng dalagita. Nabitiwan na lang ito nang may biglang tumawag ulit kay Danny. Napalingon silang lahat.
"Danny, Angelika samahan nyo nga ako sa grocery, may pinabibili si Mama." si Julie na hindi na hinintay pang makasagot ang dalawa. Hinatak niya agad si Angelika kaya napilitan na ring sumama si Danny.
"Sige." yun lang ang nasabi ni Danny kanila Greg.
"Tarantado tong baklang to ah nakasira ng diskarte, may araw ka rin loko." ang pabulong at galit na sabi ni Greg. Lumakad itong umalis kasama ang dalawang ka tropa. Nililingon pa rin ni Danny ang mga ito habang papalayo.
"Ano bang pinabibili ni Tita sa atin? ang tanong ni Angelika kay Julie na hawak hawak ang dalagita sa kamay habang kasunod naman si Danny.
"Basta, sumunod lang kayo sa akin." pumasok sila sa isang bakery at bumili ng spanish bread at softdrinks.
"O halika na." angyaya ng beki.
"Yan ba ang pinabibili sa iyo? E sana kina Danny mo na lang binili yan." ang sabi ulit ni Angelika.
"Hoy ang tahimik mo dyan, magsalita ka naman. Kanina ka pa tahimik ah." ang sabi naman ni Julie kay Danny.
"Oo nga Danny, ano bang nangyari sa iyo. Masama ba ang pakiramdam mo?"
"Hindi okey lang ako. Ano uuwi na ba tayo?" ang tanong ni Danny.
"Ano fa, kainin natin ito sa parlor. Maaga pa naman at gising pa si Mama." ang sabi ni Julie.
"Sige, paborito ko yang spanish bread, gutom na nga ako e." ang sabi naman ni Angelika at pagdating nila sa parlor ay gano'n nga. Gising pa si Juniora ng buksan ni Julie ang pinto ng bahay. Nagbabasa ito ng komiks.
"Ay ang mga bagets, mabuti at nadalaw kayo. Kumusta ang lakwatsa?" Ibinaba ni Julie ang mga binili sa lamesa tapos ay kumuha ng mga baso. Nilagyan ng softdrinks at iniabot ang dalawa kina Danny at Angelika. Nagsalin sa isa pa sa baso at iniabot naman sa matanda.
"Ay thank you pero nililimitahan ko ang inom niyan, kape na lang ako." nagtimpla si Julie at ibinigay kay Juniora.
"Anong nangyari dun sa dance contest, maganda ba?" ang tanong ulit ng matanda.

Paminta na kung Paminta, Basta Ako Mahal Ko Sya.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon