Kapag ang pag-ibig ang siyang naghari,
Pag-ibig na siyang nananalantay,
Pag-ibig sa puso’y bumukal,
Walang pagmamapuri at pananaghili;
Walang pagpapalalo at mahalay na ugali,
Walang pagkayamot at masamang budhi-
Ngunit kung minsan tadhana’y mapagbiro,
Mapagbiro kung saan minsan tayo’y nabibigo,
Nabibigo kung saan madalas tayo’y natututo,
Natututo na buksan ulit ang puso sa ibang tao,
Tao na siyang karapat-dapat at magpuno,
Magpuno sa kaligayahang minsa’y di nabuo-
Marahil ang pag-ibig nga’y mapaglaro,
Kung saan minsan tayo’y sumasaya at nalulungkot;
Ito ay marahil mahahalintulad sa isang buwan,
Kung saan ang saya’t lungkot ay lulubog lilitaw,
Lulubog lilitaw na siyang dahilan ng pagkalito,
Pagkalito na nagdudulot ng sakit sa puso-
Ngunit ang pag-ibig ay puno parin ng talinhaga,
Ito ay bumubukal sa puso ng kusa;
Hanggang sa pagtanda’t ugo-ugod na,
puso’y mananatiling bata,
At kung pumuti man ang buhok,
mundo’y tuloy sa pag-inog!