Ang Lalaking Walang Kilay
ELEMENTS:
Fail na suicide attempt & Sa pag-aahit ng kilay nabura lahat~
"Kapag pinakialaman mo 'yang kilay mo, todas ka sa 'kin, Ken."
Sa bawat bunot ng kilay sa akin ni Enteng, pilit pa ring pumapasok sa aking gunita ang mga salita ng babaeng minahal ko ng lubos. Babaeng pinangakuan ko na hindi ko ipagagalaw ang makapal kong kilay anuman ang mangyari. Bumagyo man o lumindol, mamatay man ang Santo Papa o tumakbong presidente pa ang idolo kong si Duterte, hinding-hindi ko ipagagalaw ang kilay ko, pero noon iyon. Noong mga panahong kami pa ni Claring, mga panahong siya lang ang laman ng puso't kuwan ko.
Iba na ngayon, hiwalay na kami. Nakuha niya akong ipagpalit sa mukhang askal at amoy imburnal na bunganga ng lalaking nagngangalang Cardo. Ang impaktong iyon, nakuhang sulutin sa akin si Claring. Hindi na nahiya sa pogi at kamachohan ko. Kapag nakita ko iyon, paluluhurin ko ang tuhod ng pinagkaitan ng tiki-tiki na askal na iyon sa paanan ko. Tignan ko na lang kung bumalik pa siya kay Claring. Baka mabakla pa sa akin ang lintik na iyon. Hah! Hindi ko siya papatulan. Mamatay na ang umasa.
"Ano, pare, tambangan na ba natin ang Cardo na iyan, ha? Sabihin mo lang para makapaghanda ang mga bata ko," saad ni Enteng habang panay pa ang bunot ng kilay ko. Hindi ko na lang pinansin ang sinabi niya. Bagkus, tinakpan ko na lang ang ilong ko dahil sobrang lapit ng bibig niya sa mukha ko. Isa pa 'to, amoy septic tank ang bunganga ng animal.
"Aray! Pare naman, kung may galit ka sa akin, sabihin mo. Huwag mong daanin sa pagbubunot ng kilay. Pucha, pare, masakit," mas masakit pa yata 'to sa ginawang pang-iiwan sa akin ni Claring. Kung sana pala binunot na lang niya ang kilay ko, 'di sana'y hindi nadamay ang puso kong sugatan ngayon.
"Ganyan talaga sa una, pare, masakit. Pero kapag nasanay ka na, hindi mo na mararamdaman ang sakit at hapdi," natatawang sabi ni Enteng sa akin. Konti na lang talaga tatadyakan ko na ang isang ito. Panay salita, hindi na lang tumango. Gusto pang magbuga ng polusyon.
"Tangina, pare, kanina pa tayo dito hindi ka pa rin tapos diyan. Mga anong petsa tayo matatapos dito?" tanong ko sa kanya.
"Kapag nakalimutan mo na siya," aniya sabay ngisi ng nakakaloko. Sa sobrang loko, parang aso na. "Bakit ka ba kasi nagpapabunot ng kilay ngayon? At nilahat mo pa. Tae naman, pare, bakit ito pa ang ipakakalbo mo? Puwede namang iba na lang," dagdag pa niya na sa ibaba ko nakatingin. Ang punyemas na ito, pati yata sa akin ay mababakla.
"Tangina mo, pare, umayos ka ng galaw mo kung ayaw mong paglamayan mamaya," pananakot ko sa kanya. Nakakadiri talaga ang pagkatao ng isang ito. Kung hindi lang ako sawi, hindi ako pumunta sa Barbershop nito.
Bunot aray. Paulit-ulit kami hanggang sa matapos na niyang ubusin ang kilay kong matagal kong inalagaan para lumago dahil iyon ang gusto ni Claring. Ang kakapalan daw ng kilay ko ang tunay na pakahulugan ng salitang perpekto. Dahil tanga pa ako noon, malamang naniwala ako. Ni hindi ko ininda ang mga biro ng barkada ko patungkol sa kilay kong sobrang kapal, sa sobrang kapal, halos sakupin na ang buo kong noo. Pero hindi pa rin iyon ang nagpababa ng tingin ko sa sarili ko, may malago man akong kilay, biniyayaan naman ako ng angking kapogian at kamachohan.
Ngunit sa kasamaang palad, ito rin pala ang magdadala sa akin sa kasawian. Nagsawa na sa kapogian at kalaguan ng kilay ko si Claring. Naghanap siya ng pabebe boy na manipis pa sa isang linya ang kilay. Kaya nga pinatanggal ko na lahat ng kilay ko ngayon, dahil ito ang nagpapaalala sa akin ng pagbabasura ni Claring. Baka sa pagpabunot ko ng aking kilay, mabura ang lahat. Mabura pati ang nadarama kong sakit ngayon.
BINABASA MO ANG
HYSTERICAL OUTBREAK: Round Four
HumorLITERARY OUTBREAK: SURVIVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 1) Hysterical Outbreak: Round Four