Nung una hindi ako naniniwala na ang mga panaginip natin ay may koneksyon sa totoong buhay o sa hinaharap pero napatunayan ko ito sa kwento ng aking asawa.
Sep 2014 nakadestino pa ang asawa ko sa Sison, Pangasinan at ipinagbubuntis ko ang panganay namin. Kahit medyo malayo ay pinipilit niyang umuwi sa bayan namin tuwing linggo. Dahil na rin sa tito niyang may Liver cancer. May taning na kasi ito at siya ang paboritong pamangkin nito.
So minsang umuwi siya sa bahay nakatambay kami sa kusina noon kung saan natutulog iyong tito niya--bahay ng lolo niya.
Sabi niya, napanaginipan daw niya na malapit nang mamatay ang tito niya. Sa panaginip niya daw ay nakabistida ako ng bulaklakin na kulay pula at si tito naman niya ay nakawhite jersey shirt at ung paborito niyang pulang short. Hihintayin lang daw siya nitong makauwi at ang palatandaan daw ay sasabihin niyang natatae siya. Nung una ayokong maniwala pero naalala ko na bago dumating si Owang nung araw na iyon ay may nabili akong dalawang bistida, isang kulay orange at kulay red. Hindi ko pa iyon nabanggit sa kanya dahil naroon iyon sa bahay nila tita Lisa.Sep 13 2014. Alas dose ng tanghali, katatapos ko lang maglaba nun ng mga damit ko kasi wala naman si Owang kaya damit ko lang ang nilalaba ko. Tinawag ako nila tatay dahil kakain na daw. Pero naisipan ko pang magpahangin dahil pawis pa ako kaya tumambay ako sa gilid ng bahay nila. Nakatayo lang ako dun tapos bigla nalang akong napasilip sa bintana ng tito ni Owang. Nakita ko na nakasuot siya ng white jersey shirt at pula niyang shorts kaya naalala ko iyong sinabi ng asawa ko sa akin. Kaya napatingin din ako sa suot ko, nakapulang bistida ako. Sa sobrang takot ko tumakbo ako sa bahay nila tita Lisa at nagbihis kaagad.
Alas singko ng hapon ding iyon dumating ang asawa ko. Ikinweto ko iyon sa kanya at hindi siya makapaniwala. At kinagabihan 9:13 ng gabi namatay ang tito niya. Ewan ko kung kikilabutan ako dahil doon.
Kwento ni Auntie Sisi. Pagdating daw ni Owang sa bahay ay natuwa raw ang tito niya tapos ilang sandali pa tumae daw ito. Tapos maya maya ay naghingalo na ito hanggang mamatay.