SA GITNANG SILANGAN
by: Randy B. Bataanon
Sa Gitnang Silanga'y tinangay ng alon
Ang isang pangarap sayo'y naging hamon
Kahit na ang puso ngayo'y naka kulong
Ang lungkot na angkin pilit kinukuyom
Perlas ng Silanga'y dagli mong nilisan
May luha sa matang sayo'y kumakaway
Naiga ang galak sa iyong paglisan
Luntiang paligid nawalan ng kulay
Mga dapit hapon aking binibilang
Laging umaasa sa bukang-liwayway
Hanggang kaylan kaya ako maghihintay
Paano igapos ang lungkot na taglay
Ano kayang lunas na maiaampat
Ano ang salitang magbibigay lakas
Marinig pa kaya ang awit ng galak
Sa pangungulila ng naiwang pugad
Kulang ang salitang magsasalarawan
Di kayang iguhit nadaramang lumbay
Bawat gabi'y saksi sa luhang nunukal
Kailangan kita, ikay minamahal
Ilipad mo hangin sa Gitnang Silangan
Ang liham nang puso sa babaeng mahal
Di ka man mayakap di ka man mahagkan
Ang puso ko'y tanging para sayo lamang