PARA SAYO ANAK

1.4K 44 3
                                    

PARA SAYO ANAK (Josh Randel)

by: Randy Bataanon

1

Ginapos ang luha't lungkot ay sinakal

Mahigpit na yumakap... at saka kumaway

Limang buwan ka lang ng una kang iwan

Para sayo anak ang kanyang dahilan

2

Mga pangyayari'y hindi mo pa alam

Di mo pa mabigkas mga katanungan

Bakit ang 'yong ina'y dagli kang iiwan

Matapos na ikaw ay kanyang isilang

3

Umapoy ang lagnat sa murang katawan

Kalinga at yakap ng ina'y kaylangan

Ngunit nasaan ka aking inang mahal

Sa bawat iyak moy siyang katanungan

4

Tahan na anak ko 'wag ka ng magdamdam

Kung di man marinig ang awit ni inay

Kung ang yakap niyay di man maramdaman

Para sayo anak kaya sya lumisan

5

Ayaw kong matulog sa bisig ng iba

Ang nais ko'y sayo, sa bisig mo ina

Oo nabasa ko sayong mga mata

Ang iyong pagtutol ng iwanan ka nya

6

Ngunit aking anak sanay unawain

Puso ng 'yong ina ay naghihirap din

Nais nya nga sanang ika'y makapiling

Sa bawat sandali ikay kalingain

7

Ngunit ang pag-ibig na alay nya sayo

Ay higit sa yakap na madarama mo

Maging ang buhay nya'y handang sakripisyo

Kaya nga't nagtiis na mawalay sayo

8

Siyam na buwang singkad na pinanabikan

Matiyagang hinintay ang iyong pagsilang

Sa sinapupunan ay inaawitan

At sa pagsilang mo'y buhay ang puhunan

9

At ngayong liwanag iyong nasilayan

Kinabukasan mo'y pinaghahandaan

Lungkot man at luha'y di makakahadlang

Para sayo anak dahil ika'y mahal

10

Kaunting tiis pa't muli kang hahagkan

Kahit na sandali'y di kalilimutan

Mahal ka nya anak, mahal ka nyang tunay

Ang lahat ng ito'y para sayo lamang

UNFORGETABLE MEMORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon