NATAGPUAN KO NA (Anabella)
by: Randy Bataanon
A
Ayaw ng umawit ng bilanggong ibon
Buhangin ma'y pagal sa hampas ng alon
Maging ang puso ko'y ayaw ng tumugon
Manhid na at pagod sa mga paghamon
N
Nalagas ang dahon sa bagyong nagdaan
Halama'y nalanta sa sikat ng araw
Subalit ng ika'y aking matagpuan
Sumibol na muli ang ganda ng buhay
A
Ang pinid na puso ay muling umawit
Sumila'y ang ngiti sa pisngi ng langit
Napawi ang dilim sa aking paligid
Natanaw na muli ganda ng daigdig
B
Bukal ng pag-asa Amang Mapagmahal
Ingatan mo kami sa aming sumpaan
Ang pag-ibig naway maging walang hanggan
Magbunga ng galak sa basbas mong mahal
E
Eden noon una'y di man nasaksihan
Dawag man ang ani pawis ang puhunan
Kung mahal ko'y laging kapiling sa buhay
Sa grasya Niya'y lahat ating mapapasan
L
Libo mang pagsubok ngayo'y haharapin
Mataas mang bundok ay maaakyat din
Malawak na dagat ating tatawirin
Inspirasyon kita sa bawat landasin
L
Labis ang ligayang aking nadarama
Kung sa bawat araw at matatanaw ka
Kung ako'y malayo ika'y ala-ala
Tandaan mo sanang minamahal kita
A
Alay ko'y papuri sa ating Maykapal
Salamat at ika'y aking natagpuan
Napawi ang dusa't mga kalungkutan
Umapaw ang galak sa pusong mapanglaw