REGALO NG MAYKAPAL
BY: Randy B. Bataanon
1
Di ko akalaing ako'y pagpalain
Ang isang tulad ko'y di dapat mahalin
Subalit ng ako ay iyong tanggapin
Higit pa sa yaman ang aking naangkin
2
Kayraming isipang ngayo'y nagtatanong
Kung anong himalang sa aki'y nag bangon
Ang wasak kong buhay sa bagyong sinuong
Ay dagling nabuo pagi-ibig mo'y tugon
3
Kahit na ang lungkot ngayo'y nadarama
Sa alalahaning ngayo'y malayo ka
Ang lahat ng ito'y aking makakaya
Upang ipadamang mahal kang talaga
4
Ang maraming tukso'y huwag ipanimdim
Ang lungkot at dusa'y handa kong hamakin
Sa mundo'y nais kong patunayan narin
Na tanging ikaw lang ang mahal sa akin
5
Kahit malayo ka at hindi kapiling
Lagi mong kasama ang aking dalangin
Mahal ko ang luha'y 'wag ng padaluyin
Sa Diyos ang lahat ay ilagak natin
6
Nais ko nga sanang lagi kang yakapin
Sa dusa't ligaya ika'y makapiling
Huwag ng malungkot araw ay darating
Sa Kanyang panahon biyayay kakamtin
7
Salamat at ako ay iyong minahal
Kahit walang yaman o buti mang taglay
Sayo ko nadama tamis ng mabuhay
Isa kang regalo sakin ng maykapal