TUMULOY si Ysabel sa komedor kung saan naroroon ang ina. Humatak siya ng silya at naupo.
Lumapit sa kanya ang ina at inabot ang isang tasa ng kape. "Kumusta na si pogi?" anang ina.
Hindi niya napigilang umikot ang mga mata sa sinabi ng ina. "'Nay, tama na nga 'yan. Kinikilabutan ako sa sinasabi 'nyo."
Naupo si Mrs. Gonzalez at humarap sa anak. "Napakasungit mo naman. Hindi ba't guwapo naman talaga si Eric? Maganda ang kanyang mga mata, parang nagungusap at ang kanyang kutis ay parang si Lapu-lapu! Kayumangging-kayumanggi gayong sa Amerika siya nakatira."
"Hay naku, 'Nay! Isusumbong na talaga kita kay Tatay," aburidong wika niya sa ina. "Bakit ang bilis mong magtiwala na papasukin ang lalaking 'yun sa bahay? Paano kung masamang tao siya?"
Sa halip na masindak at isang tawa lang ang isinagot nito sa kanya. Ngayon lang nagkaganito ang nanay niya sa isang guwapong lalaki. Noong ipakilala naman niya si Wesley rito ay hindi naman nagbigay ng mga eksaheradang komento ang nanay niya. Pero parang may taglay na hipnotismo ang Eric na iyon at nabighani ang nanay niya.
"Bago pa siya dumating ay tinawagan na ako ni Hana. Hindi ka raw sumasagot sa mga emails at messages niya," wika ng ina. Dumako ang pansin ni Mrs. Gonzalez sa mga daliri ni Ysabel. "Nasaan ang engagement ring mo?"
"Ibinalik ko kay Wesley. Aanhin ko naman 'yon?"
"Ano ba kasi nangyari? Parang ang bilis naman ng mga bagay-bagay at break na kayo."
Inubos muna ni Ysabel ang laman ng tasa at saka ikinuwento sa ina ang kabuan ng mga pangyayari.
"Hindi mo man lang ba pinakinggan ang paliwanag ni Wesley, anak?"
Napabuga siya ng hangin sa sinabi ng ina. "Inay, kahit sinong matinong babae ay hnding-hindi makikinig sa paliwanag niya."
"There's always two sides of the coin, anak," anang ina niya.
"Hay ewan ko, 'Nay," agad niyang tugon. "Kung meron man ay puro kasinungalingan."
Tiningnan siya ng mataman ng ina. "Hindi kaya blessing in disguise ang paghihiwalay 'nyo ni Wesley?"
Ysabel rolled her eyes. Minsan hindi niya maintindihan ang kanyang ina. Parang teenager ito minsan kung makipag-usap sa kanya. Bagaman hindi naman ganoon katanda ang kanyang nanay ay medyo nagugulumihanan lang siya minsan dito.
"Ano namang blessing in disguise ang sinasabi 'nyo, 'Nay?"
Ngumiti ang ina at saka nagsalita, "Well, kasi biglang nandito si Eric." May himig na panunukso na wika ng ina. "Isang bagay na hindi nangyayari araw-araw."
"'Nay, nangako ako sa estatwa ni Lapu-Lapu na hinding-hindi na ako iibig sa kahit na sinong guwapo!"
"Kuu! Sabi mo lang 'yan kasi bitter ka pa."
"Alam mo, 'Nay parang hindi mo ko dinadamayan sa pamimighati ko. Parang tuwang-tuwa ka pa na nakipagbreak ako kay Wesley."
"Hindi naman sa ganoon. Alam ko mahal mo pa rin si Wesley, kahit hindi mo sabihin sa akin. Naranasan ko na iyan," anang ina na ikinagulat niya.
Tama ang nanay niya. Sa kabila ng nasasaktan siya ay talaga namang naroon pa rin ang pag-ibig sa kasintahan. Pride na lang sa katawanan ang dahilan kung bakit umalis siya at iniwan ito. At natatakot siyang kung hindi siya agad lalayo kay Wesley ay baka manaig ang pag-ibig sa kasintahan ay pikit-mata na lang na patawarin ito.