"PUPPY love. Sino nga ba ang hindi makakalimot."
Nilingon ni Ysabel si Eric. "Hindi siya basta puppy love. Sa kabila ng aking batang puso ay alam ko na higit pa roon ang nararamdaman ko. It took me years bago ko muling buksan ang puso ko sa iba."
Nagkibit ng balikat si Eric. Pagkatapos ay tumuwid ng pagkaka-upo at nilingon si Ysabel. "So, ibig mong sabihin si Sir Paul ang great love mo?"
Kaagad na tumango si Ysabel. "Siya nga."
Hindi nakaligtas sa mga mata niya ang pagngisi ni Eric. "Hindi ako naniniwalang siya ang great love mo."
"Bakit?"
"Dahil nasundan pa ang pag-ibig mo. Nagkaroon ka ng another love. Dapat mayroon lang isang great love. Hindi marami. Kaya nga great love eh."
Sandaling natahimik si Ysabel sa narinig. Tama si Eric. Bagaman matagal bago siya muling nagmahal ay itinuring din niyang great love si Marcus—second great love niya.
"Sino ang mapalad na lalaking muling nagpatibok dyan sa puso mo?" tanong ni Eric.
Isang mahabang paghinga muna ang piankawalan ni Ysabel bago sumagot, "Marcus Aurelius Asistio..."
"Parang gladiator."
Natawa si Ysabel. "Iyon din ang una kong naisip nang marinig ko ang pangalan niya."
"So, what happened?"
She shrugged. "Typical boy meets girl. Friend of a friend..."
SUMMER of 2010.
HINDI ugali ni Ysabel na magpunta sa maiingay na lugar. Ngunit siya ay nasa Puerto Gallera na kung saan buhay na buhay ang mga tao sa gabi. Hindi na siya nakatanggi sa mga kaibigan nang ayain siya ng mga ito na magbakasyon. Hindi pa siya nakarating sa Puerto Gallera kaya naman nagpaunlak siya. Ang inaasahan niya ay tahimik at makapag-iisip siya sa lugar na iyon. Ngunit kabaligtaran ng lahat ang nakita niya. Kaibigan ni Hana ang anak ng may-ari ng resort. Ibinigay sa kanila ang isang cottage ng libre kaya naman hindi niya magawang lumipat ng lugar.
Naglakad siya palayo sa mga kaibigan. Nagsasayawan ang mga ito kasabay ng maingay na saliw ng musika. Katatapos lang nilang magkakaibigan sa kolehiyo. Bago raw nila suungin ang mundo ng pagiging empleyado ay samantalahin daw nilang magsaya. Habang naglalakad ay unti-unti na niyang nararamdaman ang kapayapaan ng paligid. Halos hindi na niya marinig ang maingay na musika na nanggagaling sa itaas na bahagi ng resort. May mangilan-ngilang ilaw siyang nakikita na nagmumula sa mga bangka.
Humanap siya ng magandang puwesto at naupo sa buhanginan. Malayo na ang itinatakbo ng isip niya nang may makita siya na tila tao na nakahiga sa dalampasigan. Sa una ay iniisip niyang namamalikmata lamang siya. Kaagad na gumapang ang kaba sa kanyang dibdib nang mapagtanto niyang tao nga ang nakikita niya. Lumingon-lingon siya sa paligid. Ngunit siya lamang ang naroroon. Hindi niya alam kung saan siya humugot ng lakas ng loob para lapitan ito.
Dahan-dahan siyang lumapit at sinipat ito. Napasinghap siya nang makita niyang isa itong lalaki. Mula sa liwanag na nanggaling sa bilog na bilog na buwan ay kitang-kita niya anyo nito. Hindi maitatago ang kaguwapuhan ng lalaking nakahandusay sa buhanginan.
Kaagad na sinuri ni Ysabel kung buhay pa ang lalaki. Dahan-dahan niyang inilapat ang kamay sa malapad nitong didbdib. Napasinghap siya nang maramdamang humihinga pa ito. Nataranta na siya dahil hindi niya alam ang gagawin. Tatakbo ba siya at hihingi ng tulong? Itinulak niya ng hintuturo ang braso nito.