Mactan International Airport
INABOT ni Ysabel ang isang pamphlet na nakasuksok sa likod ng upuan ng eroplano na nasa harapan niya. Binuklat-buklat niya iyon. Ilang minuto na lang ay lalapag na ang eroplanong sinasakyan niya. Ngunit kahit ano'ng gawin niyang pagwawaksi sa isip sa nangyari ay talaga namang umuukilkil iyon sa kanyang isipan.
Itinuon niya ang pansin sa larawan ni Lapu-Lapu na nasa phamplet. "Ipinapangako ko sa estatwa ni Lapu-Lapu na hinding-hindi na ako magmamahal ng guwapo at may magagandang mga mata!"
"Miss, pakikabit na po ang seatbelt 'nyo. Lalapag na po tayo," anang stewardess na hindi niya namalayang nakatayo na pala malapit sa kanya.
Ngumiti siya at ikinabit ang kanyang seatbelt at sumandal. Nilingon niya ang mangilan-ngilang ulap sa may bintana.
Kailan kaya niya maatagpuan ang tamang lalaki para sa kanya? Kailangan ba talagang masaktan muna siya nang maraming ulit bago matapat sa kanya ang tamang lalaki?
"Ayoko na..."
Minsan tingin niya sa lovelife niya ay parang gasgas na DVD. Paulit-ulit na lang ang nangyayari.
Iibig siya at masasaktan.
Iibig siyang muli at masasaktang muli.
Sabi nga sa kanta ay hindi na natuto. Kailan ba siya matututo? Ano nangyari sa kanyang famous line na; once is enough for a wise man? Matalino naman daw siya. Iyon ang malimit na sinasabi ng mga kaibigan niya sa kanya pero bakit daw pagdating sa pag-ibig ay tila zero ang IQ niya.
Isang mahabang paghinga ang ginawa ni Ysabel at kumurap-kurap upang hindi matuloy ang pagdaloy ng mga luha na namumuo na sa kanyang mga mata.
Pagod na siya pag-iyak.
Pagod na siyang masaktan.
Pagod na siyang MAGMAHAL.
"EXCUSE me?" mataray na wika ni Ysabel sa lalaking kasabay niyang pumasok sa loob ng taxi. "Nauna akong tumawag dito."
Nilingon siya ng lalaki. "Nagmamadali ako, Miss pasensiya na."
Nagsalubong ang kilay ni Ysabel nang marinig ang sinabi ng lalaki. "Ah gano'n? 'Pag nagmamadali may karapatan nang mang-agaw ng taxi? Humanap ka ng ibang taxi at nagmamadali rin ako."
"Hindi naman kita maintindihan. Nakikiusap naman sana ako," wika ng lalaki.
Pinanlakihan niya ng mga mata ang lalaki. "Ikaw ang hindi ko maintindihan. Nauna ako dito. Tapos." Humalukipkip siya at tumingin sa driver. "Manong, sa Lapu-Lapu City tayo," aniya sa driver.
"Miss, eh siya?" anito na ang tinutukoy ay ang lalaki.
"Aba, malay ko sa kanya," mataray niyang sagot sa driver.
"Lapu-lapu? Doon din ang punta ko." Lumingon ito sa backseat kung saan nakaupo si Ysabel.
Nagsalubong ang kilay ni Ysabel at sinulyapan ang lalaki. "So?" aniya.
"O pareho naman pala kayo ng pupuntahan. Maghati na lang kayo sa pamasahe," anang ng driver at pinaandar ang sasakyan.
"Manong, pakihatid ako sa address na to," wika ni Eric sa driver at inabot ang maliit na papel dito.
Sinamantala ni Ysabel na pagmasdan ang lalaking nakikipag-usap sa driver. Halatang may sinasabi ito base sa hitsura at suot. Hindi rin niya maitatangging may hitsura ang lalaking kasabay niya.