Mukhang hindi talaga kayang ibigay ng Diyos ang hiling ni Fi. Nagdalawang-isip tuloy siya kung dederecho na sa loob ng building para makasabay si Dylan ngunit bago pa siya makapagdesisyon ay napansin niyang nakita na siya ng lalaki. Walang magawang tumuloy na siya sa loob ng building.
Ngayon ang unang araw ng bagong Chief Editor, pero hindi akalain ni Fi na sa unang araw nito ay magkakasabay pa sila sa pagpasok. Nahiling niyang sana ay inagahan pa niya ang pasoj para hindi niya ito makasabay. Dahil kung nasa opisina na sila ay strictly business na lang sila, iyon kasi ang ipinangako niya sa sarili pagkatapos mapaiyak nito.
"Good morning, Sir," she greeted dutifully. Inalis niya ang lahat ng emosyong mayroon dapat sa kanya nang mga oras na iyon at iniharang ang barrier niya upang hindi na ulit masaktan sa anumang sasabihin nito.
Nakahinga si Fi nang maluwag nang tumango lang ang lalaki at nauna nang maglakad sa kanya papasok sa building. Wala pa noong masyadong tao dahil masyado pang maaga. Sanay siya roon dahil ganitong oras talaga ang pinipili niyang oras ng pagpasok sa opisina. Gusto rin kasi niya ang katahimikan ng opisina nila kapag mag-isa lang siya roon.
Napakunot ang noo ni Fi nang i-gesture ni Dylan na mauna siya sa pagpasok sa elevator. Agad na tinaasan niya ang emotional guard bilang paghahanda sa anumang insultong tatanggapin niya mula rito bago sumunod sa binata. Ang inakala niyang nakakabinging katahimikan sa pagitan nila ay hindi nangyari. Nagtaka pa nga ang dalaga nang ito ang bumasag sa katahimikan nang sumara ang elevator.
"I'll expect you later in my office, Fi. And I prefer to be called by my name," anito habang nakatalikod. Hiniling tuloy niya na sana ay may iba pang gumamit ng elevator para hindi lang silang dalawa ang naroroon. Dati, para sa kanya ay maluwag na maluwag ang elevator kapag ginagamit niya iyon kahit na gaano pa man karami ang taong sumakay. Pero dahil sa presensya ng lalaki, pakiramdaman niya nasa isang maliit lang siyang box at kapag may umapak doon ay masisiksik sila ni Dylan.
Tumikhim siya upang iayos ang isip. Tungkol sa opisina ang usapan kaya kailangan niyang maging business like. "With all due respect, Sir, I would prefer to call my superior 'Sir' or 'Ma'am'. Huwag po kayong mag-alala, ipapasa ko po mamaya ang mga pending deadlines ko to give you enough work today."
"Okay."
Pigil ang hininga ni Fi habang hinihintay na bumukas ang elevator para sa ibang pasahero o makarating man lang sila sa kanilang palapag. Ipinagdarasal na rin niyang sana ay hindi na ito magsalitang muli. Hindi niya kasi maintindihan na sa bawat syllables na binabanggit ng lalaki ay parang lalo siyang nagiging aware sa presensya nito. Kahit na nga natural na observant siyang tao ay ngayon lang naramdaman ng dalaga ang nakakasakal na tensyon na nararamdaman niya ngayon. Mahirap ipaliwanag iyon dahil siya mismo ay hindi iyon maintindihan, basta ayaw lang niyang makasama ito sa kulob na lugar katulad ng elevator.
Siguro isa sa mga dahilan ay nawawala ang inis at sama ng loob niya kay Dylan sa bawat minutong kasama niya ito. Si Fi kasi ang tipo ng tao na hindi madaling magpatawad kaya hindi niya alam kung bakit ngayong nakakasama niya ang binata ay parang gumagaan ang pakiramdam niya at nawawala ang sama ng loob niya rito, kahit na nga walang ginagawa si Dylan at ni hindi pa ito humihingi ng tawad sa kanya. At hindi lang basta gumagaan ang pakiramdam niya, tila nawawalan din siya ng problema ngayong kapiling niya ito. Kataka-taka para sa kanya na ganoon ang kanyang pakiramdam.
"By the way, gusto kong pag-usapan natin mamayang lunch ang tungkol sa bayarin sa kotse. I already have the receipt," biglang sabi ng binata.
Hindi tuloy niya maiwasang mapakislot nang magsalita ito, masyado kasi siyang tensyonado kaya nagiging magugulatin siya. Nilingon siya ni Dylan na tila nagtataka sa inakto niya. "Why?"
"H-ha? Ah, wala po, Sir. May iniisip lang po akong iba kaya nagulat ako nang magsalita kayo," pagsisinungaling ni Fi. Bakit ba kasi masyado siyang aware sa presensya nito na bigla na lang siyang nagugulat sa pagsasalita nito. "B-bakit ngayon lang po? N-nine months na po ang nakakalipas, ah," wala sa sariling tanong niya, saka naalalang baka uminit na naman ang ulo ng lalaki sa kanya. Baka kasi isipin nitong ayaw na niya itong bayaran.
"A-ano po, okay. Sa lunch na lang po. Pupunta na lang po ako sa opisina n'yo," aniyang napatingin sa floor indicator ng elevator. Hindi niya magawang tingnan ito, para siyang balisa na hindi niya maintindihan.
"I was busy, hindi ko na naasikasong hanapin ka pa. And no, mas gusto kong mag-dine out na lang tayo. Sabi ng mga employees at ni Mister Pol, masarap daw ang pagkain sa harap. Let's eat there later. I'd expecting you then," tila pinal nang saad nito.
Napasimangot si Fi; ayaw nga kasi niya roon sa kainang iyon dahil masyadong mahal doon. Bakit ba kasi hindi muna nito itanong kung gusto niya roon bago ito mag-decide? Oo nga at sinabi niyang babayaran niya ang gastos sa kotse nitong nasira, pero hindi ibig sabihin niyon ay hindi na siya puwedeng magtipid. Sakto namang bumukas na ang elevator bago pa siya nakasagot.
Muli ay napakunot ang noo niya nang paunahin na naman siya nitong lumabas ng elevator. Well, in fairness sa lalaking ito, may tendency itong maging gentleman. "Thank you," mahinang usal ni Fi.
Tumango lang si Dylan nang sumunod sa kanya "So, mamayang lunch na lang?" Gulat na nilingon niya ang lalaki. Akala kasi niya, hindi nito hinihintay ang kanyang sagot. "Yes. Ah, ipapasa ko pa po mamaya 'yong deadline ko so magkikita pa po tayo mamaya."
"Right. By the way, remove the 'po' when you're referring to me. Hindi pa naman ako matanda para gamitan ng ganoon."
"Mas matanda ka naman sa 'kin, eh," nasabi niya nang hindi nag-iisip. Napangiwi si Fi nang maalalang boss nga pala niya ito at hindi siya dapat umasta nang ganoon. Lalo na at hindi naman sila in good terms nito.
"Oo nga pala." Biglang sumilay ang ngiti sa mga labi ng katabi.
Natulalang napatitig siya sa binata habang naglalakad ito papalayo sa kanya. Hindi niya akalaing ang isang ngiti ay malaking pagbabago ang magagawa sa isang tao. Dahil nang makita niyang ngumiti si Dylan ay tila nawala na ang impresyon niya ritong mayabang at tuod.
Tila kasi napakasaya ng amo at parang nakakahawa ang aura nitong iyon. Parang napakabait ng lalaki; na hindi nito kayang manakit, mas lalong parang hindi nito kayang magsalita ng masama sa kapwa. Siyempre hindi lang basta ang personalidad nito ang nabago sa impresyon niya rito, dahil pati ang hitsura nito ay naging talagang guwapo sa kanya.
Malaki pala talaga ang nagagawa ng ngiti sa isang tao. Dahil isang angat lang ng sulok ng labi ay tila mas gumaganda ang hitsura ng tao, umaangat yata nang limampung beses ang kaguwapuhan ni Dylan nang ngumiti ito. Sana pala lagi na lang itong ngumingiti, para kasing hindi ito mahirap lapitan kapag ganoon.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi habang sumusunod dito.
God, bakit po ang unfair n'yo? Bakit kailangang makaramdaman ako ng ganito sa taong kinabubuwisitan ko? Bakit kailangang magka-crush ako sa antipatikong lalaking ito? Bakit parang nakakalimutan na ni heart ko na niyabangan ako nang sobra niDylan? Hu-hu. God, please, make everything right. Mas gusto ko pong crush si Arnel kaysa kay Dylan, eh.
Pero mukhang hindi sumang-ayon ang tibok ng kanyang puso. Dahil habang pinagmasdan ni Fi ang lalaki ay patuloy naman sa pagbilis ang tibok ng puso niya para rito. Saglit pa niyang pinigil ang paghinga dahil baka marinig na nito ang lakas ng tibok ng kanyang puso. Binagalan pa niya ang paglalakad dahil mas lalo siyang naiilang lalo na at kakaiba ang kanyang nararamdaman para rito.
BINABASA MO ANG
Reaching For You
أدب المراهقينHai po.... Hnde ko po to story pero pinopromote ko ang kanyang story. Hope you like po the story niya... Thank You Ho :* ~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~ Fiona is contented with her life. Wala na siyang mahihiling pa sa ngayon. Mayroon siyang mapagmahal na...