Chapter 2

5 2 0
                                    


Busy si Fi sa pag-e-edit ng mga pinasang articles sa kanya. Deadline na kasi ng mga iyon sa makalawa at ayaw niyang may mali pa iyon kapag sinubmit niya sa hewad nila. Hindi naman sa madalas siyang nagkakamali. Mas gusto lang kasi niyang pulido ang bawat trabahong ginagawa niya. Iyon na rin kasi ang huling ipapasa niya sa Chief Editor nila, dahil nag-file na ito ng resignation sa kompanya nila.

"Busy na naman? Uy! Baka mahiya na ang mga corrections sa kaka-check mo diyan," untag sa kanya ni Arnel sa kaopisina niya.

Isa ito sa mga naging crush niya noong college, at ang crush niyang tumagal hanggang ngayon. Ahead lang ito ng isang taon sa kanya kaya naman naging malapit pa rin siya rito. Siyempre with the help ng common friend nilang si Benny.

Nginitian niya ito nang sing-tamis ng honey. Hindi na siya magtataka kung may bubuyog mang umaligid sa kanila mamaya dahil sa ka-sweet-an nila. Para kasi sa kanya, ang simpleng pangungulit ng binata ay sweet na. Sa katunayan nga, sobra ang kanyang kilig kapag nilalapitan ito. Iniisip na lang niyang M.U. sila kaya mas pa ang kilig niya makita lang ito.

Tuloy ay wala na talaga siyang balak umalis sa lugar na iyon. Saan pa ba kasi makakakita si Fi ng kompanyang mayroong ganito kaguwapong inspiration? At hindi lang ito basta guwapo, mabait din at gentleman si Arnel_ mga katangiang hinahanap ng mga babae sa isang lalaki.

"Tara, lunch. Kailangang may energy tayo kapag nag-edit na naman tayo. Mahirap na at baka hindi maganda ang maging impression sa'tin ng papalit na Chief Editor," yakag nito sa kanya.

Siyempre pa ay kinikilig na nagpakipot si Fi. "Mauna ka na, tapusin ko lang ito."

Impit na ngiti ang kumawala sa kanyang mga labi nang gawin nito sa kanya ang papel na binabasa at maingat na hinila siya patayo. "That can wait. Kain na muna tayo. Ang mga tiyan, hindi dapat ginugutom." Nakangising kinurot pa ni Arnel ang pisngi niya. Hinampas ni Fi ang balikat ng officemate bilang ganti, dahil na rin siyempre sa nag-uumapaw niyang kilig sa kalambingan nito.

"Date na naman kayo?" tukso ng kaopisina nila nang makita silang sabay na namang lalabas.

Nakagawian na sa opisina nilang tuksuhin sila. Sila raw kasi ang official love team ng kompanya. Pero siyempre hindi totoo iyon at alam rin naman iyon ng mga heads nila. Wala ring impluwensya si Arnel sa dahilan kung bakit siya na-hire doon. Proud siyang sabihing natanggap siya dahil sa sariling determinasyong makapasok doon.

"Sira. Tara kain," aya ni Fi rito.

Iyon ang gusto niya sa opisina nila, close silang lahat. Kahit nga ang Chief Editor nila ay napakabait kaya naging ka-close sin nila. Pero ibang usapan na kapag trabaho na ang involved.

"Una na kayo. Ayokong makaabala sa date n'yo," nakangising pagtataboy nito sa kanila.

Nangingiting nagkatitigan sila ni Arnel bago sabay na natawa. Hindi pa rin niya lubos na maisip na ganito ka-family like magtrabaho sa isang kompanya. Akala kasi ni Fi noon, madami siyang makakagalit sa unang araw, mali pala siya.

"Saan tayo kakain?" tanong niya habang naglalakad sila papuntang elevator.

"Hmm...sa tapat kaya?" anitong tinutukoy ang restaurant na may pinakamasarap na lutong-bahay.

"Doon na naman? Kakakain lang natin doon. Ang mahal pa. Dapat 'ata nagbabaon na lang ako, eh." Napasimangot na angal niya. Oo nga at masarap ang luto roon, pero mahal pa rin iyon para sa kanya. Mas gugustusin niyang kumain na lang sa mura at mag-ipon kaysa gumastos sa iisang meal na sobrang mahal.

Napahalakhak na inakbayan si Fi ng binata at kinurot ang magkabilaang pisngi niya na karaniwang ginagawa nito kapag naku-cute-an daw ito sa kanya .

"Ang kuripot mo talaga!" anito habang pisil ang mga pisngi niya.

"Ehem..." Sabay pa silang natigilan at napatingin sa bukas na elevator nang makitang nakatayo roon ang Chief Editor nilang si Pol.

Ngunit hindi dahil sa presensya nito at sa posisyon nila ni Arnel kaya nabigla si Fi nang husto, kundi sa kasama ng boss nila.

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

To be Continued po..... :*

Reaching For YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon