"Si Ronaldo alyas Falcon ay isang myembro ng isang malaking sindikato dito sa Pilipinas. Nag-aangkat ito ng ilegal na armas, droga, at kung anu-ano pa." Ani PO2 Dominguez.
Nakatingin ako sa chart na nasa harapan naming lahat. Ang akala kong maliit na kaso ay isang napakalaki pala. Ang akala kong isang babae sa nakaraan lamang ito ay hindi pala. Isang malaking sindikato pala ang kaso na ito.
"At sa nangyari kaninang umaga. Alam na natin na may taong nasa likod nila. May mga backer sila sa gobyerno." Sabi ni PO2 Garcia.
"Nakuha mo ba kung sinong prosecutor ang nagpalaya sa kriminal na 'yon?" Tanong ni Lieutenant Tayone.
"Nasa folder na binigay ko sa inyo, sir. Ang kopya ng desisyon." Ani Chief Bustamante.
"Continue." Anito.
Nagpatuloy ang secret meeting namin.
Utos ng nakakataas na kami ang humawak ng kasong ito. At ayon kay Lieutenant Tayone, top x-file ang kaso na ito. Maging ang NBI at ibang departments ay walang alam dito. Kami ang lulusob dito. Kami ang gagawa ng delikado na kasong ito. Pinag-uusapan namin ngayon ang buong background ng sindikato. Nakalatag sa harapan namin ang mga sakop nito. Lahat ng mga impormasyon tungkol sa kanila. At dahil sa tulong ng nakakataas ay may mga sources kami. Base sa mga nakita namin sa pinagtataguan ni Rolando ay tumutugma nga ito na myembro ito at nasa paligid lamang ng Maynila ang mga kasamahan nito.
"Kailangan nating matagpuan kung saan nagtatago si Rolando. At kapag nangyari 'yan, malalaman natin kung nasaan ang mga operasyon nila." Ani Chief Bustamante.
"Kailangan natin ng plano." Sabi ko naman.
Pursigido akong sumali sa pag-uusap na ito. Nasa ilalim ako ng Special Police Investigation Team. Sakop namin ang lahat ng krimen ng buong ka-Maynilaan. Kahit na nasa opisina lang ako at puro murder cases ang mga nahahawakan ko dahil sa mga nagpapakita sa akin, gusto kong maranasan ang ibang kaso, gusto kong ipakita na may iba akong kakayahan.
"Noong nabubuhay pa si Chief Ladera..." nang marinig ko ang pangalan ay kumalabog bigla ang puso ko. Lumunok ako at hindi nagpahalata. Nagpatuloy naman si PO3 De Vera. "Nagkaroon ng partnership ang NBI at ang Special team sa kaso ng isang sindikato din sa ka-Maynilaan. Nagtatanim kami ng mga impormante para masundan ang mga nangyayari sa sindikato. At kung ang usapan dito ay ang malaman kung saan ang mva operasyon nila ay pwede nating gawin 'yon."
"It's too risky." Ani PO2 Dominguez.
"Are you saying, maglalagay tayo ng informant?" Singit ko.
"Yes. 'Yan ang mas madali sa ngayon. Para matunton sila..." ani PO3 De Vera.
Napatingin naman ako kina Lietenant at Chief Marion na malalim ang iniisip. Tama nga si PO3 De Vera, sa ngayon 'yan pa ang magagawa namin. Wala pa kaming tamang lead sa grupo at puro impormasyon lang sa sindikato ang alam namin kaya hindi pa namin masasabi ang buong kinaroroonan nila.
Ngunit, alam kong may mga nakatanim na mga informant ang mga iilang Pulis dito sa headquarters kaya maaaring may makuha kaming mga impormasyon sa mga galaw nila.
"Sa ngayon, may dalawang informant na pinatay dahil sa operasyon na ganito." Ani Lieutenant.
"Kaninong informant, sir?" Tanong ni PO2 Garcia.
"It's confidential, Garcia." Anito.
Confidentiality. Hindi pwedeng malaman ng kahit sino na nagtanim ka ng informant. Hindi pwedeng magbigay ng mga impormasyon o pangalan kahit sa nakakataas dahil maaaring kapahamakan ang aabutin nila kapag nagkamali ka. Bilang Pulis, responsibilidad mo ang iyong tanim. Dahil isang galaw mo lang, isang mali mo, isang iglap lang ay kamatayan ang pataw.