Chapter 10

1K 32 3
                                    

"MMM... WE have the same scent, Pearly ko," nasisiyahang sambit ni Lewis nang maamoy siya nito. Naglalakad sila patungo sa student's lane. Tuturuan uli siya nito sa lesson nila sa Statistics na hindi niya maintindihan bago sila umuwi.

"Oo nga. Lewis&Pearl din pala ang ginagamit mo," nakangiting tugon niya.

"Siyempre, Pearly ko. Para pareho tayo." kinindatan siya nito.

She just giggled.

Nakahanap agad sila ng bakanteng mesa nang makarating sa student's lane. Sinimulan na nila ang kanilang Statistics session.

Mataman na nakatingin si Pearl kay Lewis habang nagsasalita ito. Pinagmasdan niya ito. God, he was really handsome. Gustong-gusto niya ang matangos na ilong nito. Nakadagdag sa ganda ng asul ng mga mata nito ang kislap na naroon. They were so beautiful and mesmerizing. Bumaba ang tingin niya sa mga labi nito. Nag-init na naman ang pisngi niya nang maalala kung paano siya nahagkan ng mga iyon. At noon lang din niya napansin ang maliit na nunal nito sa kaliwang pisngi, malapit sa dimple nito. Ganoon siguro talaga kapag nagmamahal ng isang tao. Kahit kaliit-liitang impormasyon tungkol dito ay aalamin. Tahimik na humagikgik siya.

"Na-gets mo na ba, Pearly ko?" biglang humarap si Lewis sa kanya. Naabutan tuloy siya nito na nakatingin dito! Gayunman, hindi siya nag-iwas ng tingin.

Napakurap-kurap siya. "H-ha? A-ahm..." Hindi dapat mahalata nito na hindi siya nakakapag-concentrate sa tinuturo nito dahil sobrang guwapo nito. Lihim na humagikgik na naman siya. Dali-daling in-scan niya ang kanyang notebook at itinuro dito ang pag-solve sa equation na hindi niya makuha. "Paano nga uli ito, Lewis? Hindi ko pa rin kasi ma-gets."

"Ah. Sige, ie-explain ko ulit, Pearly ko. Actually, may mas madaling shortcut para i-solve ang equation nito. Pero inuna ko munang tinuro sa 'yo ang tamang format para alam mo rin." Nagsimula na naman ito sa pagtuturo. Mukhang hindi naman siya nahalata nito. Bahagya tuloy siyang na-guilty kaya nakinig na siya. Napapangiti na lang siya habang nagsasalita ito.

"Salamat ulit sa pagtuturo sa akin, Lewis, ha? Sana huwag kang magsawa," aniya nang matapos at ma-gets na niya ang lesson.

Pinindot nito ang ilong niya. "'To talaga. Bakit naman ako magsasawa? Hinding-hindi ako magsasawa na turuan ka."

Napangiti siya. "Siyanga pala, may ibibigay ako sa 'yo." Kinuha niya sa kanyang bag ang Tupperware na may lamang cookies at iniabot dito. "Cookies 'yan. Para sa 'yo."

"Really? This is for me? Ikaw ang nag-bake, Pearly ko?" nakangiting tanong nito.

"H-hindi. Si Mama ang nag-bake." kaila niya. Siya ang nag-bake ng cookies. Maaga siyang gumising kaninang umaga para maipag-bake ito. Nagpaturo siya sa mama niya. Tinukso-tukso muna siya ng ina bago siya tinuruan. Hindi niya sinabi ang totoo dito kasi nahihiya siya.

"Oh." Binuksan nito ang Tupperware at kumain ng isa. Tumango-tango ito. "Mmm... ang sarap! Ang galing palang mag-bake ni Tita."

Natuwa ang kanyang puso nang malamang nasarapan ito sa cookies niya. Masaya na siyang malaman na nasarapan ito sa gawa niya kahit ang pag-aakala nito ay ang mama niya ang nag-bake niyon.

Inihatid na siya ni Lewis sa bahay nila. Sinalubong sila ng kanyang ina sa doorway.

"Nandito na pala kayo," nakangiting sabi ng mama niya. "Lewis, naibigay na ba sa 'yo ni Pearl ang b-in-ake niyang cookies? Alam mo bang gumising pa 'yan nang maaga kanina para maipag-bake ka? Natuwa nga ako, eh. Hindi siya gumigising nang ganoon kaaga noon." Tumawa ito.

Nabigla si Lewis. Pati siya ay nabigla at namutla. Ibinuking siya ng sariling ina! "Po? Ang akala ko... I mean, opo, Tita. Naibigay na po sa akin ni Pearl. Ang sarap nga po, eh. I love it so much." pilyong ngumiti ito na nakatingin sa kanya. Hindi siya makatingin dito.

"Pumasok na kayo at mag-merienda," anang mama niya at pumasok na sa loob.

"Pasok na tayo," hindi pa rin tumitinging sabi niya kay Lewis. Akmang hahakbang na siya pero pinigilan siya nito sa braso.

"Sandali."

Wala siyang nagawa kundi tingnan ito. Ang lapad ng pagkakangiti ng loko. Nagniningning ang mga mata nito. Inismiran niya ito. "Ano'ng nginingiti-ngiti mo diyan?" mataray na sambit niya para pagtakpan ang pagkapahiya.

"Ikaw talaga, Pearly ko. Hindi mo dapat ikinakahiya ang pagmamahal mo sa akin." pang-aasar nito.

"Hmp!" sabay talikod dito.

Ang lakas ng halakhak nito.

PEARLY ko, mukhang hindi ako makakasabay sa iyong kumain ng lunch. May class officers meeting kami ngayon. Basa ni Pearl sa text ni Lewis, may karugtong pa iyong sad emoticon.

Ni-reply-an niya ito. Ganoon ba? Tapos na ang klase namin. Gaano ba katagal ang meeting ninyo?

Mabilis na nag-reply ito. Thirty minutes lang naman, Pearly ko. May pag-uusapan lang kaming kaunti. Pero ayaw kasi kitang paghintayin. Baka nagugutom ka na.

Hihintayin na kita. Thirty minutes lang naman pala, eh.

Huwag na, Pearly ko. Mauna ka nang kumain. Sumabay ka na kina Tiffany at May Anne.

Ayoko, Lewis! Gusto kitang kasabay! ang nais sanang isagot ni Pearl. Tumipa siya ng mensahe. Hihintayin kita. Diyan ako sa harap ng classroom n'yo maghihintay.

Are you sure, Pearly ko?

Oo. Sinundan niya iyon ng happy emoticon.

Okay. Mabilis lang ito, Pearly ko. Kapag natapos agad ay agad-agad akong lalabas ng classroom. Sinundan naman nito iyon ng kiss emoticon.

Natawa siya. Isinilid na niya sa bag ang cell phone niya at tinahak ang daan patungo sa BSBA building.

Malapit na siya sa classroom nina Lewis nang makita niya si Hollie na masayang nakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan nito. Hindi sinabi ni Lewis sa kanya na Business Administration student pala ito. O di kaya, dumayo lang ito doon para kulitin na naman ang binata. Puwes, hindi siya papayag na mangyari iyon.

When the Love is Real By: Heidi Star (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon