Chapter One

5.3K 102 2
                                    


One month later......

NAGISING si Shelley pero hirap siyang imulat ang mga mata. Pakiramdam niya ay wala siyang lakas na gawin iyon. Parang may piring na nakalagay doon na humahadlang sa pagbukas ng kaniyang mga mata. May naririnig siyang mga kaluskos sa paligid at ang mga munting tinig.

"Mommy, I said do it now. Wala tayong mapapala kung—"

"Just shut up! Huwag mo akong pangunahan. Alam ko ang ginagawa ko!"

Ah! Nananaginip lang uli siya. Tulad ng mga panaginip niyang naririnig at nakikita niya ang mga anghel sa alapaap. Inipon niya ang lahat ng lakas na kaya niya. Nagawa naman niyang igalaw ang isang daliri niya at isinunod niya ang isa. Sinubukan niyang imulat ng dahan-dahan ang talukap ng mga mata. Sa pagtitiyaga, at last, she did it!

Sumalubong sa line of vision niya ang malapit na mukha ni Tiya Cely na napamaang nang kumurap-kurap siya. "Shelley?"

"T-tiya...Cely....." Mahinang-mahina at maganit ang tinig na lumabas sa bibig niya. Lumunok siya. Pakiramdam niya ay tuyung-tuyo ang lalamunan niya.

"Clarissa! Si Shelley, gising na!" natatarantang sigaw nito. "Tawagin mo si Dr. Martinez, madali!" utos nito sa dalagang anak na mabilis na tumalima. "Salamat sa Diyos at gising ka na, hija." Hinawakan nito ang palad niya at hinaplos ang noo niya.

"A-anong.....n-nangyari?" Nang magsalita siyang muli ay napangiwi siya sa nadamang hapdi sa lalamunan niya.

"Huwag ka munang magsalita, Shelley. Hayaan nating masuri ka muna ng mga doctor." anito. Bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang nagkukumahog na mga nurses at manggagamot.

"YOU HAD been in coma for one month, Shelley." paliwanag ni Tiya Cely nang magbalik ito sa ospital kinabukasan at balikan uli siya ng malay. Medyo malakas na siya. Inilabas siya ng ICU at ngayo'y nasa isang pribadong silid siya. "Naalala mo ang aksidente?"

Pumikit siya. Parang isang VTR na nag-roll back sa isipan niya ang pangyayari—ang pagsakay niya sa kotse, ang pagkawala niyon ng break, ang pagkakasalpok ng sinasakyan niya sa isang.....

Nanlaki ang mga mata niya. "Ang abuhing van, Tiya Cely. Anong nangyari sa mga sakay ng van?"

Sandali itong natahimik. "Ikinalulungkot ko, hija. Pero sinamang-palad na may namatay sa aksidente."

"My God!" Natutop niya ang bibig. "Sino?" tanong niya sa panghihilakbot.

"Ang six-year-old na anak na babae ni Mr. Jacinto."

Six years old? Napaiyak siya. Isang bata at inosente ang nabuwis ang buhay dahil sa kagagawan niya. Puwera pa ang ibang mga sakay niyon na tiyak na malubhang nasugatan.

"It's my fault, Tiya Cely. Kung hindi nawalan ng preno ang kotse ko, hindi mangyayari iyon. Kung naging maingat lang ako at na-i-check ko muna ang condition ng kotse ko ay wala sanang aksidente!" Malakas siyang napahagulhol.

"Wala kang kasalanan, hija." pagpapalubag-loob ng tiyahin sa kaniya.

"Pero kung hindi sa kapabayaan ko ay hindi mamamatay ang batang 'yon. Kasalanan ko 'to! Kasalanan ko 'to! Ang laki ng kasalanan ko sa kaniya!" Hysterical na nagsisigaw siya. Sinampal siya ng tiyahin. Sukat doo'y natauhan siya.

"I'm sorry." Niyakap siya nito. "Hindi mo ginusto ang nangyari. It was an accident. At biktima ka rin ng aksidenteng iyon, Shelley. You suffered a lot for one month."

"Pero ako ang dahilan ng pagkamatay niya." humihikbing sabi niya.

"Maybe yes. Maybe no. But it was the end of her existence. May kaniya-kaniya tayong oras, alam mo 'yon. At nagkataong ikaw ang naging kasangkapan upang kunin ang isang buhay na itinakda ng Nasa Itaas." mahabang paliwanag ng tiyahin.

Shelley's Secret (published under MSV)CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon