Chapter Six

4.4K 100 3
                                    


"KUMAIN kayong mabuti, Nana Maring, para bumalik ang lakas ninyo. Ayaw ninyong magpa-confine sa ospital. E, paano kayo gagaling niyan?" Inakyatan niya ang mayordoma ng pagkain at pilit niyang sinubuan ito sa ayaw nito at sa gusto dahil nanghihina ang katawan nito. Kinunan niya ito ng body temperature kahapon na umabot sa forty-degree Celsius. Ngayon, mas mababa na iyon.

"Simpleng ubo lang naman ito, hija. Hapon na kasi akong nakaligo noong isang araw at pagod pa ako. Nakasagap tuloy ako ng virus."

"Habang tumatanda ho kasi ang isang tao ay humihina ang immune system niya. Kaya madali na siyang dapuan ng sakit. Dapat ho may vitamins kayong iniinom. Kahit simpleng ubo lang ho kung mapapabayaan ay magiging komplikado. Broncho-pneumonia ang aabutin ninyo." Iyon ang mga natutunan niya sa college, noong hindi pa siya nag-shi-shift ng kurso. Ipinagbalat niya ito ng mansanas.

"Ayaw ko sa amoy ng ospital. Nakakasulasok! Sa tanang buhay ko, hija, isang beses lang akong na-confine ng ospital. At pinilit lang ako ng mama ni Darren noon. Hindi naman kasi ako masasakiting tao. Nasaan na nga pala si Bernard? Akala ko ay pupunta rito ang batang 'yon."

"Sino hong Bernard?"

"Si Bernard, ang kaibigang doktor ni Darren. Siya ang titingin sa akin." paliwanag nito.

"Ah, 'yong doktor na titingin sa inyo. Nasa operating room daw kahapon, sabi ni Darren. May inooperahan. Ngayon ang dating. Kumain kayo ng mga prutas, Nana Maring. Makabubuti ito sa katawan ninyo." Sinubuan niya ito ng isang slice ng mansanas.

"Ako na, hija." Kinuha nito sa kaniya ang isa pang slice na isusubo sana niya rito. "Kuu, hindi pa naman imbalido ang mga kamay ko. Ayaw ko lang maglalalabas. Dahil baka mahawaan ko si Luigi. At pasensiya ka na sa akin, Shirley. Hindi kita matutulungan sa pag-aasikaso mo sa mag-ama, sa pangangailangan nila. Nagkataon pang nagpaalam si Nida." Ang cook ng pamilya ang binanggit nito.

"Masaya akong paglingkuran sila. Pagluluto lang ang inaatupag ko at si Luigi. Nandiyan naman ang ibang mga kawaksi."

"Magkagayunman, salamat pa rin, hija. Hindi biro ang magluto ng agahan, tanghalian at hapunan. Hindi pa kasama roon ang meryenda."

Natahimik siya matapos iyon. Kanina pa niya gustong magtanong dito. Inuunahan lang siya ng hiya. May kinalaman kasi iyon kay Darren.

Nakahalata naman si Nana Maring. "May sasabihin ka, hija?"

Tumango siya. "Nagtataka lang ho kasi ako kung bakit hanggang ngayon, hindi pa nag-aasawa si Darren o kahit girlfriend man lang."

"Ewan ko ba sa batang 'yon. Kahit si Lorraine ay hindi niya pinatulan samantalang mahal na mahal siya ng babaeng 'yon."

"Lorraine?"

"Ang hipag niya. Ang nakababatang kapatid ni Bernadette."

"Nasaan ho siya? Bakit hindi man lang dumadalaw dito para kumustahin ang pamangkin niya?"

"Nasa abroad siya ngayon, sa California." sagot ng matanda. "Tinanguan niya ang isang kontrata sa modeling sa sama ng loob kay Darren. International model si Lorraine. 'Yong nagsusuot ng magagarang damit at rumarampa sa entablado." Tumangu-tango siya. Lahi siguro ng magaganda ang pamilya ni Bernadette.

Nagpatuloy ito. "Okey naman si Lorraine. Mahal niya si Luigi at masasabi kong perpekto siyang maging pangalawang ina nito. Halos ipagsiksikan na nga niya ang sarili kay Darren pero ayaw talaga sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit."

"Mayroon sigurong mahigpit na dahilan si Darren at siya lang ang nakakaalam niyon."

"Ikaw, hija. Kung halimbawang magkagusto sa iyo si Darren, papayag ka bang pakasal sa kaniya?" Nagulat siya sa tanong nito. Kung magiging matapat lang siya sa sarili, ang sagot niya ay oo. Darren was every woman's dream. Wala ka nang hahanapin dito. He was faithful and devoted husband. Patunay ang wagas na pag-ibig nito sa namatay nitong asawa. Kung sa ibang lalaki nangyari iyon, wala pa sigurong isang taon ay nag-asawa na ito.

Shelley's Secret (published under MSV)CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon