"Oh! That smile. Alam mo ba kung bakit na-attract agad ako sa iyo nang una kitang makita? Because you own the most charming smile that always warm my heart."
"SHELLEY, sandali lang!"
Bago pa mabuksan ni Shelley ang pinto ng kaniyang black expedition ay napahinto siya. Lumapit ang tiyahin sa kaniya. "Bakit ho, Tiya Cely?"
"Nakalimutan kong sabihin sa iyo na may kailangan ka pang pirmahan, hija." anito sabay hain ng isang folder at ballpen sa harapan niya.
Miyerkules ng gabi siya dumating buhat sa resthouse nila sa Ilocos Norte. Apat na araw siyang naglagi doon o sila ni Nancy upang mag-unwind sa tambak na trabaho niya sa opisina at ito naman ay sa mga business nito. Noon pa nila plano iyon ng kaniyang matalik na kaibigan. Nang mapirmahan niya ang exclusive contract para sa Suncrest Land Development ay tumulak nga sila ni Nancy sa Ilocos. Sinamantala na niya ang pagkakataon dahil sa susunod na linggo ay super busy na naman siya sa opisina.
Sila ang nanalo sa bidding sa bagong proyekto ng Suncrest. Isang malaking shopping mall ang nakatakdang itayo sa Cavite sa ilalim ng pangangasiwa ng pag-aari nilang kompaniya, ang Monteclaro Builders Co. Sa kasalukuyan ay siya ang tumatayong CEO ng kompaniya. Hinalinhinan niya ang namayapang ama na may dalawang taong nang namamayapa.
Actually, nabasa at napirmahan na niyang lahat ang mga naipong papeles noong wala siya. Dinala iyon ng sekretarya niya sa mansion. Biyernes pa lamang ay nasa opisina na niya ang mga papeles. Kaya nagtataka siya sa sinasabi ng tiyahin.
"Para saan?" tanong niya.
"Sa RBM Steel. Pahapyaw ko lang nabasa. May pagbabago yata sa presyo ng structural steel nila at ng iba pang construction supplies. Napulot ko ito sa sahig sa study room. Siguro, nahulog mula sa mga dokumentong dinala ni Miss. Vera rito." paliwanag nito.
Lalong lumalim ang pagkakakunot niya. Alam na niya ang tungkol doon. Maliit lang ang porsiyentong itinaas ng presyo. Nag-usap na sila ni Engineer Marlon Sanchez tungkol doon. Ang nasabing chief engineer ang inaasahan niyang personal na magbibigay ng dokumento sa kaniya. Iyon ang bilin niya rito. Pero bakit nasa mga kamay iyon ng tiyahin?
"Sa pag-uwi ko na lang pipirmahan, Tiya Cely. Papunta ako sa Antipolo ngayon." Ugali na niyang basahin muna ang nilalaman ng alinmang dokumento at hindi niya magagawa iyon ng mabilisan ngayon.
"But it's very urgent, hija. Mr. Sierra needs this document first thing in the morning to finalize the transaction, remember?" Ngumiti ang tiyahin, ngiting naghihikayat. Muli nitong inihain sa kaniya ang folder at ang fountain pen.
Kinuha niya iyon. Nang pipirmahan na niya ay natigilan siya. Ewan niya kung bakit bigla siyang kinabahan. Humigpit ang hawak niya sa dala niyang bag. May bagay siyang iniingatan doon na ibinigay sa kaniya ng ama niya bago ito mamatay. Pagkatapos ay pumasok sa isipan niya si Nancy.
Ibinalik niya ang folder dito. "Mamaya na lang, Tiya Cely. Nagmamadali ako. Pakibalik na lang sa study." Hindi niya alam kung ilusyon lang niya ang poot na dumaan sa mga mata nito na bigla ring naglaho. Sumakay siya sa kaniyang kotse. Hindi siya komportable na may driver. Kaya siya ang nag-da-drive mag-isa.
Nakangiti na ang tiyahin nang balikan niya ito ng tingin. "Bye, Shelley. Be careful on driving."
"I will, thanks." Gumanti siya ng kaway dito. Binuksan ng guard ang malaking gate at lumabas siya ng mansion.
Mabait naman ang tiyhin sa kaniya. Si Tiya Cely o Celiciana Lopez ay half-sister ng ama niyang si Florendo Monteclaro. Anak ito ng Lolo Artemio niya sa dating sekretarya nito noon. Sa madaling salita, anak sa labas. Kahit kinilala naman ito ng lolo niya ay hindi pumayag ang Lola Prescila niya na gamitin nito ang pangalang Monteclaro. Ayon dito, ang buong kayamanan ng mga Monteclaro ay galing sa pamilya ng lola niya, sa mga Bustamante. Pinatira ito ng daddy niya sa mansion at ang anak nitong dalaga na si Clarissa na pinag-aral din ng ama. Ang tiyahin at ang pinsan na lang ang natitira niyang pamilya mula nang mamatay ang ama.
Sumagi muli sa isipan niya ang kaibigan. Taga-Antipolo si Nancy. Kaklase niya ito sa Ateneo at naging matalik na kaibigan. Tumawag ito sa kaniya kani-kanina lang, umiiyak. She was in doom. Nancy's current boyfriend left her friend without reason. Pinutol na raw ni Rowell ang relasyon sa kaibigan niya.
Poor Nancy! May kapalit pala ang kasiyahan nito noong masaya silang nagtatampisaw sa pinong white sand ng Ilocos beach. Ngayon ay natatakot siya na baka may tendency itong mag-suicide tulad ng ibang nasasawi sa pag-ibig. May pagka-hyper sensitive kasi si Nancy.
Binabagtas na niya ang kahabaan ng Sumulong Highway nang pagtapak niya sa break ay hindi kumagat iyon. Inulit-ulit niya ang pagtapak doon. Oh, My God! Wala akong preno!
Kahit anong diin ang gawin niya sa break ay hindi humihinto ang kotse. Pabulusok pa naman ang daan. Kinalma niya ang sarili. Kung magpa-panic siya ay lalo siyang hindi makapag-iisip ng mabuti. Salamat at madalang ang mga sasakyan sa bahaging iyon. Walang sasakyan sa unahan niya. Walang buhay na madadamay kung sakali.
Ang nakikita niyang pag-asa ay ibangga ang kotse sa isang puno o poste. Mas mabuting siya na ang mag-suffer kaysa ang iba. Kinapa niya ang seatbelt sa katawan. Napamura siya nang malamang hindi pala niya naikabit iyon sa pagmamadali. Her other hand did the fastening immediately para kung sakaling ibangga niya ang kotse sa nakitang poste ay hindi siya gaanong masasaktan. Pero hindi niya inaasahan ang biglang pagsulpot ng abuhing van sa ibang direksiyon paharang sa daraanan niya. Hindi niya nagawang ikabig ang manibela sa bilis ng pangyayari. Napasigaw siya nang sumalpok ang bumper ng kotse niya sa tagiliran ng van.
Nakakakilabot na pingkian ng nakangingilong metal at pagkabasag ng salamin ang narinig niya kasabay ng malakas na tilian sa loob ng van. Humampas ng malakas ang ulo niya sa windshield dahilan upang magdilim ang kaniyang paningin. Iyon ang huling kaganapang naalala niya bago siya nilamon ng kadiliman.
BINABASA MO ANG
Shelley's Secret (published under MSV)Completed
RomanceAno ang gagawin mo kung ang taong minahal mo ng sobra-sobra ay kasuklaman ka mula ulo hanggang paa dahil sa pagkamatay ng isang mahal niya sa buhay sa kagagawan mo? Alamin ang sekreto ni Shelley sa kaniyang kuwento ng pag-ibig...