"Kamusta naman ang pag-uusap niyo ni Trey, anak? Ayos na ba?" Tanong ni Mama nang makauwi ako sa bahay.
Hindi ako nakaimik.
Hindi ko naman kasi alam kung anong sasabihin ko. Ano ba dapat? Ma, ayos na po, nakipaghiwalay na po sa akin si Trey. Ganoon ba?
Napansin siguro niyang hindi ko na kayang magsalita kaya hinayaan na lang niya akong makapanhik ng kwarto ko. Baka nga alam na niyang naghiwalay na kami ni Trey. Sa mga kilos ko pa lang ay halata ng may mali. Halata mong hindi maganda ang kinahinatnan ng mga pangyayari. Ewan, ganito siguro talaga ako. Madaling basahin. Masaya, malungkot, iritable at wala sa mood. Malalaman mo agad ang nararamdaman ko.
Sana nga ay ganoon din si Trey. Sana ay katulad ko, madali lang basahin ang nararamdaman niya. Madalang kasi siyang magpakita ng emosyon kaya minsan, hindi, madalas palang hindi ko siya naiintindihan.
Iyon na nga ang dahilan kung bakit siya nakipaghiwalay sakin.
I can't understand him.
Kasalanan ko.
Ang hirap pala ano. Ang hirap kapag ikaw ang dahilan kung bakit nasira ang isang bagay na pinapahalagahan mo. Kasi parang wala kang karapatang masaktan, ikaw 'yung nagpabaya eh. Ikaw yung nagkulang.
Gusto kong isisi sa kay Trey ang lahat. Gusto kong isipin na siya ang sumira sa relasyon namin. Kasi okay naman kami eh. Siya 'tong nakipaghiwalay. Siya ang gusto kong iturong may kasalanan. Pero bakit bumabalik sa akin lahat ng isinisisi ko sa kanya. Napupuno ng mga "paano kung" ang isip ko.
Paano kung inintindi ko siya?
'Di sana hindi siya napagod na siya lang 'tong umiintindi sakin.
Paano kung mas pinahalagahan ko siya?
'Di sana hindi niya naiisip na siya 'tong MAS nagmamahal.
Paano kung... Paano kung sinagot ko man lang sana ang tawag niya sakin noon?
Siguro ay hindi hahantong sa ganito ang mga pangyayari.
Masyado kasi akong naging kampante. Alam ko kasing lagi niya kong iintindihin. 'Yun naman kasi ang lagi niyang ginagawa. Ang intindihin lahat ng bagay na ginagawa ko, kahit minsan ay hindi na ako resonable. Masyado akong nakampante na hinding-hindi niya ako iiwan dahil mahal niya 'ko.
Hindi ko man lang naisip na hindi ganoon kasimple ang mga bagay-bagay. Hindi pwedeng laging siya na lang na siya itong nag-eeffort para sa relasyon naming dalawa. Kung tutuusin ay napakaswerte ko na pala dahil napagtyagaan niya ako ng halos na tatlong taon. Nakapagtyaga siyang makasama ang isang walang kwentang tao na tulad ko.
Natigil lang ako sa pag-iisip nang marinig ko ang mahihinang katok ni Mama sa pinto ko.
"Samantha, nasa kabilang linya ang kaibigan mo. Anong gusto mong sabihin ko sa kanya?"
Umiling lang ako bago ibinaon ang ulo sa unan.
Hindi ako handang kumausap ng kahit sino ngayon.
Naramdaman ko ang pag-upo ng mama ko sa kama ko. Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang magagaang haplos niya sa buhok ko. Ewan ko ba, pero imbis na gumaan ang pakiramdam ko ay lalo ko pang naramdaman ang bigat si dibdib ko. Pati ang mga luhang kanina ko pa pinipigilang tumulo ay biglaang kumawala sa mga mata ko.Para akong isang batang napagkaitan ng isang laruan. Lumakas ang paghikbi ko dahil sa sobrang sakit na nararamdaman. Parang pinipira-piraso ang puso ko. Masakit. Sobrang sakit.
Naramdaman ko ang mahigpit na yakap sakin ni Mama.
Wala siyang sinasabi at nanatili lang siya sa tabi ko hanggang sa unti-unti ng humupa ang pag-iyak ko.
BINABASA MO ANG
Faulty Hearts [J-hope Fanfic]
Short Story[Completed] His kind of love is ordinal and it seems like her love for him could never be enough.