Halos kapusin na ako ng hininga kakatakbo. Kanina pa ako paikot-ikot sa lugar na 'to pero kahit anino man lang ni Samantha ay hindi ko pa rin nakikita. Nasaan na ba siya? Bakit parang ang hirap hirap naman niyang hanapin?
Kahit anong gawin kong pagpapakalma sa sarili ko, hindi ko pa rin maiwasang mag-alala para sa kanya. Masyado ng madilim at sobrang delikado na para sa kanya ang mag-ikot ikot sa ganitong klase ng lugar. Masyadong mapuno dito at lalo lang lumalalim ang gabi sa bawat oras na lumilipas. Padilim na ng padilim ang langit. Hindi sapat ang liwanag na nanggagaling sa buwan at mga bituin.
Kinakabahan ako dahil masyadong mahina pagdating sa direksyon ang isang 'yon kaya hindi imposibleng maligaw siya. Lalong bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa naisip. Wala naman sanang mangyaring kung ano sa kanya.
Samantha naman, bakit ka pa kasi umalis? Nag-aalala na talaga 'ko.
Lalo akong nagmadaling tumakbo nang marinig ang malakas na pagkulog. Kitang-kita ko ang pagtarak ng kidlat sa langit. Kahit hinahapo ay hindi pa rin ako tumitigil habang palinga-linga sa paligid, umaasang makikita ko na siya.
Ilang sandali pa at muli akong nakarinig ng malakas na pagkulog.
Hindi na maganda 'to. Kapag umulan pa ay mas lalo akong mahihirapang hanapin siya. At higit sa lahat, malaki ang takot ni Samantha sa tunog ng kulog. Baka ngayon ay takot na takot na siya. Kailangan ko na talagang magmadali.
Nakakainis. Kasalanan ko lahat 'to eh. Kung hindi ba naman ako nagbitaw ng masasakit na salita sa kanya, eh 'di sana hindi na mangyayari 'to.
"Samantha!" Sigaw ko, hinihiling na sana marinig niya ang boses ko. "Nasaan ka na ba?" Muling sigaw ko pa.
Habang tumatagal ay lalo lang akong kinakabahan.
Paano na lang kung naligaw na talaga si Samantha?
Paano na lang kung may nangyari ng hindi maganda sa kanya.
Paano kung...
Napailing na lang ako saka ipinagpatuloy ang paghahanap sa kanya. Hindi nakakatulong ang mga naiiisip ko. Lalo ko lang pinapalala ang sitwasyon.
Muli na namang kumulog ng malakas at kasabay niyon ay nakarinig ako ng isang impit na tili ng babae.
"Samantha?" Muling tawag ko pa sa kawalan habang papalapit sa lugar kung saan narinig ko ang boses niya kanina. Habang papalapit ako nang papalapit ay nakakaring ako ng mahinang paghikbi.
Lalo kong binilisan ang paglalakad ko. Nagsisimula ng umambon pero wala na akong pakialam. Alam kong si Samantha na 'yon at naririnig kong umiiyak siya. Kailangan ko na talaga siyang makita.
Nang lumiko ako ay nakita ko ang isang pigura ng isang babae na nagsusumiksik sa ilalim ng puno at nang muling kumidlat ay bahagya pa itong nagulat. Rinig na rinig ko na ang kanyang pag-iyak kaya naman dahan-dahan na akong lumapit sa kanya.
Ang makita sa ganitong estado si Samantha ay napakahirap para sa'kin. Pero nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos dahil sa wakas, nakita ko na rin siya. Para bang nawala ang libu-libong tinik na kanina pa paulit-ulit na sumasaksak sa puso ko. Nawala bigla ang kaba sa dibdib ko. I'm just glad she's fine.
"Tahan na." Bulong ko sa kanya nang tuluyan na nga akong nakaupo sa tabi niya. Marahan ko siyang hinila palapit sa akin. Ramdam na ramdam ko pa rin ang panginginig ng buong katawan niya. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa lamig o marahil dala na rin ng sobrang takot.
Dahan-dahan niyang inangat ang mukha niya mula sa pagkakasubsob nito kanina sa kanyang tuhod.
Napupuno ng luha ang mukha niya at nang makita niya ako sa tabi niya ay lalo lang bumuhos ang mga luha sa mata niya.
BINABASA MO ANG
Faulty Hearts [J-hope Fanfic]
Short Story[Completed] His kind of love is ordinal and it seems like her love for him could never be enough.