VII: Carlo Evanghelista

228 7 0
                                    

PAULIT-ULIT KONG PINAKALMA ang aking sarili habang pinagmamasdan ang daan. Pinarada ko sa gilid ng highway ang aking sasakyan habang nakapikit ang aking mga mata.

Sa lakas ng bawat kabog ng aking dibdib ay para bang matatanggal na sa aking katawan ang puso kong may sariling buhay. Natatakot ako. Natatakot ako sa pwedeng mangyari.

"Carlo, let's break up." Nagbalik sa akin ang boses ng mga taong pinili akong iwan. Ang boses ng mga taong hindi nakatagal dahil sa takot sa akin.

Ngunit habang ipinipikit ko ang aking mga mata, muli, ang ala-ala nang nakaraan ang nagbabalik sa aking isipan. Para akong nakakakita ng multo na nagmula pa sa aking nakaraan.

"Ano ba Carlo? Nasasaktan ako!" Ilang beses ko na bang nadinig ang mga salitang ito? Ngunit wala akong pinagbago. Nasa akin ang problema. Laging nasa akin. Sa tuwing papakalmahin ko ang aking katawan ay bumabalik ang sandali kung saan ako nagkamali. Ang sandali kung saan naging madilim ang lahat para sa akin.

Umiling ako. Napalunok at inuntog-untog ang aking noo sa manibela.

Fuck, anong gagawin ko?

"Bakit?!" Sigaw ko habang nasa loob ng sasakyan.

"Bakit?!" Sigaw ko na para bang mapuputol na ang litid ko sa leeg. "Bakit?!"

Bakit nagawa ko iyon kay Eysik? Paano ko siya haharapin ngayon?

"Putangina! Bakit?!" Halos maiyak ako sa loob ng sasakyan habang pinapanuod sa aking utak ang larawan ng sarili kong nakaraan. Ang aking isipan ay sarado at para bang gusto kong magpatiwakal. Isa-isa akong binabalikan ng mga hindi masasayang memorya at pinapaulit-ulit kong pinapanuod ang mga pagkakamali na hindi ko na maitatama. Para akong malulunod sa kalungkutan.

"SIR?" NAGISING AKO dahil sa katok na naririnig sa bintana ng aking sasakyan.

"Sir?"

Sa pagdilat ng aking mga mata ay nakita ko sa harapan ng sasakyan na mayroong nakatayong pulis habang ang isa naman ay patuloy sa pagkatok at pinapababa ang salamin ng aking bintana. Tumatama sa aking mga mata ang liwanag ng umaga. Nananakit kong kinusot ang aking mga mata habang pinagmamasdan ang dalawang lalaki na naglalakad sa harapan ng sasakyan. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako dito sa daan kagabi.

"Okay ka lang, sir?" Naihilamos ko ang aking kamay bago sinagot ang pulis na may katangkaran kumpara sa kanyang kasama.

"Ayos lang," mahinahon kong sagot.

"Lasing po ba kayo?" Umiling ako. Muli kong kinusot ang aking mata upang makita ang reaksyon sa mukha ng dalawang pulis.

"Masakit lang ang mga mata ko kaya pinikit ko lang sandali." Tumango ang pulis na may kaliitan ngunit sumilip ang lalaking nasa kanyang likuran.

"Sir, labas ho muna kayo saglit. Titignan lang namin kung hindi nga kayo lasing." Paulit-ulit kong kinurap ang aking mata bago ko hinawakan ang pintuan at lumabas. Ang suot kong t-shirt na puti ay natuyo na. Ngunit kitang-kita ang mantsa ng natapon na noodles. Parang nakagawa ng mapa sa aking damit. Tila ba isa akong taong walang bahay na nahuli na natutulog sa daan. Gusot-gusot din ang suot kong tsino. Nakakahiya.

Tumayo ako ng tuwid, pinagmasdan ang dalawang lalaking pulis ka hit na nahihilo ako sa liwanag ng araw na tumatama sa aking mata.

"Saan po ba kayo nakatira?" Tinuro ko ang diretsong daan ngunit tila hindi nila nakuha.

"Sa Route 8 lang ako."

"Sige po, sir. Sa susunod po ha hindi pwede matulog sa daan. Baka maka-aksidente ho kayo." Tumango-tango lamang ako at mabilis na pumasok.

Pinatakbo ko ang sasakyan at dali-dali akong umuwi. Tinawagan ko kaagad ang HR para sabihin na hindi ako makakapasok ngayong araw. 'Pag dating ko sa aking unit ay agad kong hinubad ang aking damit at hinilata ang aking katawan sa higaan. Muling kong ipinikit ang aking mga mata.

Sa pagpikit ng aking mga mata, kaagad akong nakarating sa malayong dimensyon.

Dinala ako ng aking panaginip sa lugar kung saan masayang nakatayo ang aking ina sa tabi ni Migel. Nakangiti siya habang pinagmamasdan niyang nakikipaghabulan ang aking kuya sa kanyang panganay na anak. Nakaupo naman ako sa dulo ng mesa. Ang mesa na kung saan lagi akong sinasaway na huwag upuan dahil baka masira at ito ay luma na. Habang nakikipaghabulan sa kanyang panganay na lalaki si kuya, tinulak niya ako sa aking pagkakaupo. Natawa ako ng malakas no'ng ako'y umiwas, kaya naman nahuli ako ng aking ina na nakaupo sa aming mesa. Sumigaw siya at tinuro ang upuan na nasa gilid.

Hindi ko maintindihan ang kanyang sinabi. Tila ang lahat ng tao sa aking panaginip ay pipe ngunit nabuka ang kanilang mga bibig. Lahat sila ay tila walang boses. Ngunit kitang-kita sa kanilang mukha ang ekpresyon. Ang masasayang paghagikgik, ang inis, at maging ang pagsigaw na nakikita ng aking mga mata ngunit hindi marinig ng aking mga tenga.

Laking gulat ko nang mawala ang ilaw sa loob ng bahay. Doon ko napagtanto na nasa loob pala kami ng lumang bahay kung saan ako lumaki. Ang buong paligid ay nagdilim. Ang kapatid ko na kung kanina ay hinahabol ang kanyang anak ay napalitan ng malungkot na mukha. Nakayakap siya sa dalawa niyang anak at pinagmamasdan ako. Pinagmamasdan ako habang nakaupo sa loob ng puting silid at nakasuot ng puting damit. Ang aking ina ay hindi makatingin sa akin. Napapailing-iling siya sa sitwasyong kinalalagyan ko ngayon. Kahit may lungkot sa kanyang mukha ay kitang-kita ang galit sa kanyang mga mata.

Tumayo ako. Naglakad patungo sa kinatatayuan ng aking kapatid ngunit biglaang nagkaroon ng salamin sa aking harapan na humaharang upang mahawakan ko siya. Nagsimula akong umiyak. Umiyak ako ng malakas, ngunit kahit gaano kalakas ang aking pag-iyak at pagpupumilit na hawakan ang aking kapatid at ina ay tila ba wala silang nadidinig. Nagmamakaawa ako ngunit tanging ang lungkot, pagkadismaya at galit lamang ang nakikita ko sa kanila. Napapailing na lamang sila habang pinapanuod ako na inaabot ang aking kamay sa kanila.

Hindi ko alam kung bakit, ngunit may lumabas na salita sa aking mga labi, "I'm sorry, Ma."

Bago pa man niya marinig ang mga salitang iyon, nagbago na naman ang lahat. Kung kanina ay nasa isang maliit na kwartong kulay puti ako na kasing dilim ng malungkot naming bahay, ngayon naman ay nasa malawak na hardin ako. Ang mga tao sa aking paligid ay nag-iiyakan kasabay ng pagbaba ng kabaong sa aking harapan.

Dahan-dahang bumaba ang kabaong kasabay ng pagbato ng mga tao sa mga kulay puting bulaklak. Aabutin ko na sana ang bulaklak na huling nalaglag ngunit nagising ako sa katotohanan.

Mabilis ang pagmulat ng aking mga mata sa pagkakagulantang. Biglaang tumulo ang aking luha. Kasabay ng pagtulo ng aking pawis sa buong katawan.

Nakabukas ang AC sa aking kwarto ngunit pawis na pawis ang buo kong katawan. Ang pinto ng aking kwarto ay nakabukas na tila ba may pumasok sa loob. Maging ang bintana na sa pagkakatanda ko ay nakasara bago ko ipikit ang aking mga mata ay bukas din. Laking gulat ko nang pumasok si Migel dala-dala ang kutsilyo na nakatutok sa kanyang leeg. Nang tumayo ako upang pigilan siya, muli na naman akong nagising.

Nagising ako sa madilim kong kwarto. Ang malungkot at madilim na kwarto, kung saan ilang taon na akong nakatira. Nag-iisa. Tanging ang mga luha ang kasama at saksi sa mapait at malungkot kong mga ala-ala ng nakaraan. Mga ala-ala na dapat ay matagal ko ng nakalimutan.

You Whispered To Me FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon