XVIII: Eysik Contreras

19 2 0
                                    

NAPATAYO AKO NANG MAKARINIG ako ng pagkatok mula sa pinto ng banyo, sa bahay ni Nyko. Nagising lamang ako sa katotohanan nang kalampagin ni Nyko ang pinto. Doon ko lamang napansin na mag-iilang minuto na pala akong nakaupo sa bath tub habang hinahayaan ang tubig mula sa shower na pumatak sa aking buong katawan.

"Lalabs, okay ka lang diyan? Papasukin kita diyan kapag hindi ka pa lumabas." Napalingon ako. Ang aking mata ay pinagmasdan ang pinto kahit na alam kong sarado ito at hindi nakikita ni Nyko ang aking reaksyon.

Mag-iilang taon na nga nang naghiwalay kami ni Nyko? Magpipito o walong taon? Ngayon ko lamang napagtanto na napakatanga kong tao.

Sa ilang taon na hindi ko pagseseryoso kay Nyko. Sa pagturing ko sa kanya bilang kaibigan na akala ko ay makatutulong sa tapos ng relasyon namin, ay siya pang unang tutulong sa akin. Siya ang unang taong matatakbuhan ko at tunay na nag-aalala sa akin.

Napakatanga talaga.

Kung maari lang talagang bumalik sa nakaraan ay hindi na sana ako nakipaghiwalay sa kanya.

Tama nga sila. Nasa huli ang pagsisisi. Kung makakausap ko lamang ang batang version ko. Maliliwanagan ako. Hindi ko na sana nakilala pa si Carlo. Hindi sana ako tulala ngayon habang nakaupo sa loob ng banyo ng aking ex, na tinuturin kong kaibigan, kahit na alam ko naman na mahal pa rin niya ako hanggang sa ngayon.

"Oo, lalabas na," sigaw ko kasabay ng pagpatay ng tubig sa shower.

Sa paghatak ko sa tuwalya na nasa aking harapan, napansin ko ang kakaibang itsura na nakikita ko sa salamin; Isang malungkot na lalaki. May kalakihan ang eye bags, may namamagang ilong dahil sa walang tapos na pag-iyak, namamagang pisngi kakapunas sa aking luha, at nakasimangot na labi. Labi na hindi ko na alam kung makikita ko pang ngumiti.

Hindi ko matagalan ang aking repleksyon sa salamin kaya naman binuksan ko ang pinto ng banyo at lumabas. Napaatras ako ng makita si Nyko na nakasandal sa pintuan ng banyo at mukhang inaantay akong lumabas.

"Ilang oras ka ba kailangang umiyak sa banyo?" Dahan-dahang hinila ni Nyko ang aking kamay na nakahawak sa tuwalya na nakapulupot sa aking bewang. Pinagmasdan niya ang aking mga mata at sinimulan niya ang pagmasahe sa aking mga daliri.

"Okay lang ako." Kumunot ang noo ni Nyko sa aking sinabi.

"Okay? Sa itsura mong 'yan, okay?" Paulit-ulit akong tumango. Nginitian ko si Nyko at hinatak ang aking daliri mula sa kanyang kamay dahil nararamdaman ko na ang unti-unting pagluwag ng tuwalya sa aking bewang.

"Mahal na mahal mo?" Ang paa ko na gustong-gusto ng umalis sa harapan ni Nyko ay tila natuod na. Hindi na ako makakilos. Ang salitang pagmamahal ang isa sa dahilan ng walang sawang pag-iyak ng aking mata.

Lolokohin ko ang sarili ko kung sasabihin ko kay Nyko na hindi ko minahal si Carlo dahil sa totoo lang gustong-gusto kong tumakbo papunta sa kanya ngayon at bawiin ang lahat ng aking mga sinabi.

"Ang tanga ko 'no?" Tumango si Nyko.

"Hindi ko alam kung bakit habang tumatanda ka natutunaw na 'yang utak mo." Napangiti ako sa kanyang sinabi. Gusto ko siyang batukan ngayon. Ang sama ng ugali niya.

"Sana ako din iniyakan mo noong nakipaghiwalay ka sa akin." Ang pagkapit ko sa tuwalya na nasa aking bewang ay napahigpit. Gamit ang isa ko pang kamay, humawak ako sa pisngi ni Nyko.

"Kung alam mo lang kung gaano ako nagsisisi ngayon na iniwan kita noon." Ang labi ni Nyko ay napatikom. Tinanggal niya ang kamay ko na nakadampi sa kanyang pisngi at humakbang palayo.

"Sa kama ka na matulog. Sa sofa nalang ako para mas kumportable ka." Iniba niya ang usapan. Tinalikuran na ako ni Nyko kaya naman hindi ko na din ipinilit ang mga salita na gusto kong sabihin.

You Whispered To Me FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon