I: Carlo Evanghelista.

572 8 2
                                    

SABI NG NANAY KO, noong panahon na naaalala niya pa kung sino ang kanyang asawa at anak, sinabi niya ito sa akin, "May tatlong klase ng tao na dadaan sa buhay mo; Taong makalilimutan ka, taong maaalala ka at taong pilit kang kalilimutan ngunit lagi kang maaalala."

Sa totoo lang hindi ko alam kung bakit niya sinabi ang mga salitang iyon. Baka nga naisip niya lang. Hindi ko naiintindihan. Marahil ay lumala na ang kanyang pagiging makalilimutin. Marahil sa katandaan ay kung anu-ano na ang kanyang sinasabi. Ngunit, isa lang ang sinisigurado ko, sa tatlong taong sinabi niya, ang tatlong tao na iyon ay ako. Sa iisang katawan.

Pilit kong inaalala kung bakit ba ako nakaupo dito sa bar ngayon, kung saan ang lahat ng tao sa aking paligid ay halos mabaliw na dahil sa kalasingan. Ang iba ay nagtatalunan at kahit na magkanda-suka na sila ay wala pa ring pakialam. Kahit na mapahiya sila sa harap ng maraming tao. Napakatalino talaga ng nag-imbento ng alak; Bata, matanda, kahit na nagfe-feeling bata ay nagawa niyang mapainom.

Sino nga ba naman ang hindi umiinom?

"Pwede ba kitang makainuman?" Napahinto ako sa pagtitig sa babaeng sumasayaw na biglaang sumuka sa gitna ng dance floor malapit sa DJ, na nagpapatugtog naman ng musikang halos ika-sabog na ng aking eardrums. Kung may isang taong hindi mahilig sa maingay na musika, ako 'yon. Mas gugustuhin ko pa na walang madinig kaysa makarinig ng ingay tulad ng nasa aking harapan ngayon. Kung hindi nga lang ako inaya ng aking kapatid ay hindi ako uupo dito ngayon at iinom ng alak.

Nasaan na nga ba ang magaling kong kapatid?

"Hah?" Binuka ko ang aking labi dahil hindi ko nakuha ang kanyang sinabi.

"Can I get you something to drink?" Akala niya siguro ay hindi ako nakakaintindi ng tagalog kaya't tr-in-anslate niya pa ito sa Ingles.

"Ano?" Kumunot ang aking noo. Nagpanggap akong hindi siya narinig sa pangalawang pagkakataon dahil sa ingay ng paligid. Gusto kong makita ang kanyang magiging reaksyon.

"Can—" Inilapit niya ang kanyang labi sa aking tenga, "Pwede ba kitang makainuman, kako?" Napangisi ako dahil naramdaman ko ang pagbuga ng kanyang hininga sa aking tenga. Ang hangin galing sa kanyang labi ay nagbigay ng kakaibang kiliti sa aking balat at isa-isang nagtayuan ang balahibo ko sa katawan.

Natatawa ko siyang pinagmasdan, "Bakit ka natatawa?" dagdag pa niya. Ginaya ko ang kanyang ginawa.

Inilapit ko din ang aking labi sa kanyang tenga, "Nakikiliti ako sa hingina mo." Lumayo siya sa akin at ngumiti.

"Cute ka..." Umiling ako.

"I'm drunk and I feel numb," Nginitian niya ako at itinaas ang baso ng alak. "No, no. I'm drunk. You should drink for me instead." Nginitian niya ako bago tinungga ang lahat ng alak sa baso na inaalok niya lang sa akin kanina.

Pinanuod ko ang paglunok niya habang iniinom ang alak. Ang sarap pagmasdan ng paggalaw ng kanyang lalamunan. Mayroon siyang magandang leeg, 'yon ang sinisigurado ko. May malaki siyang voice box na para bang gusto kong hawakan. Napangiti ako sa aking sarili. Inaamin ko, lasing na ako. Bakit ko nga naman iisipin na maganda ang leeg ng isang lalaki? Sino ba namang matinong lalaki ang mag-iisip na maganda ang leeg ng isa ring lalaki ng dahil lamang sa pag-inom? Baliw na ba ako?

"Ano? Maganda ang leeg ko?" Ngumiti siya sa akin. Tinakpan ko ang aking bibig.

"Sinabi ko ba 'yon ng malakas?" Natatawa ako at sumandal sa aking kinauupuan, ngunit bigla niyang hinawakan ang aking likuran.

"Ingat ka. Walang sandalan ang inuupuan mo." Mas lumawak ang aking ngiti at hinawakan ang kanyang mukha. Napangiti rin siya at 'di ko mapigilang pagmasdan ang kanyang magandang mukha.

You Whispered To Me FirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon