"Patay na ang kapatid mo't lahat, Gideon, siya pa ba ang uunahin mo?!" napapikit ako sa boses na iyon ni Aling Greta pagkapasok nito ng bahay. Gulong-gulo naman ako sa nangyayari. Anong sinasabi niyang kalahi ko? Totoo ba ang sirena?
"Mula nang dumating ka sa buhay ng anak ko, wala nang magandang nangyari sa amin! Puro kamalasan ang dala mo!" sigaw niya sa akin. Tinuturo pa niya ako. Inaawat naman siya ni Gandi at nang kagigising lang na si Fred. Panay ang iyak ko. Nanginginig ako sa takot kay Aling Greta. Mukha siyang papatay sa galit.
"Nay, ano ba! Tama na! Aalis na lang kami para matapos na!" Niyakap ako ni Gideon.
"Dyan ka naman magaling, Gideon! Katulad ng dati, iiwan mo rin kami para sa babaeng 'yan! Siya naman ang pasimuno sa lahat ng ito! Dalawa na ang namamatay dahil sa kanya! Salot kang babae ka!"
Hinatak ni Gandi ang mama niya bago pa ako mahablot. Napabuga ng hangin si Gideon sa ginawa ng ina.
"Ma, tumigil ka na! Nakakahiya kay Sera! Nagkataon lang iyon! Hindi siya sirena! Walang sirena rito sa isla!" sigaw na rin ni Gandi. Pinakakalma naman siya ni Fred.
"Anong wala? Isa iyan sa mga salot sa islang ito! Sa tingin mo bakit mamamatay ang papa mo at si Geo ngayon kung hindi dahil sa kanya? Sa mga kalahi niyang mapagpanggap?!"
"Ma, sobra ka na! Hindi siya sirena! Hanggang ngayon ba naman iyan pa rin ang usapan? Nasa tabi ko si Sera nang lumubog ang bangka ni Kuya kaya bakit mo sa kanya isisisi ang nangyari sa karagatan? Tama na 'to. Aalis na lang kami ng matapos na." Hinila ako ni Gideon papasok ng kwarto at narinig ko pa ang huling sigaw ni Aling Greta sa anak. Kinaiyak ko pa iyon lalo.
"Sa susunod ikaw rin ang susunod, Gideon! Ako rin ang nagsasabi sa'yo! Ipapahamak ka lang ng salot na babaeng iyan!"
Nagtiim ang bagang ni Gideon ngunit hindi na niya nilingon pa ang sariling ina. Pinagbihis niya ako habang siya naman ay inaayos ang mga gamit namin. Masama ang pakiramdam ko dahil sa sinabi ni Aling Greta.
Umalis kami ng isla kahit madilim pa. Hindi niya pinakinggan ang sinabi ng nanay niya pati na rin ang ibang nagsasabing delikado sa dagat.
"Kung ayaw ninyong ihatid kami, Mang Roman. Pahiram na lang ng bangka ninyo at kuhanin nyo na lang sa bayan. Babayaran ko kayo kahit magkano." pagkausap ni Gideon sa isa sa mga may-ari ng bangka. Wala ng tao sa pampang dahil nagbalikan na sa kanya-kanyang bahay. Yakap ko naman ang sarili ko.
"Ang akin na lang ang gamitin mo, Gideon." Napatingin kami sa aming likuran at ang mag-asawa iyong sina Fred at Gandi. Niyakap kaagad ako ni Gandi habang nag-usap iyong dalawa. Umalis naman na si Mang Roman, halata sa kanya ang pag-ayaw sa pag-alis namin.
"Hindi ka ba galit sa akin?" mahina kong tanong ng magbitaw kami sa yakap ng kapatid ni Gideon. Umiling siya kaagad.
"Pasensya na kay mama at palagi ka na lang pinagbibintangan. Hindi ako naniniwala sa sirena dahil sa fairytales lang iyon nakikita. Ewan ko ba kay mama. Masyadong mapagpaniwala. Mag-ingat kayo sa biyahe."
"Salamat, ate." salita ni Gideon. Niyakap naman siya ni Gandi.
"Bumalik ka kahit sa libing na ni Geo. Maiintindihan ka naman niya panigurado." Tinapik-tapik niya ang balikat ng bunsong kapatid at kumalas sa yakap. Nagpaalam sila sa aming dalawa nang sumakay na kami sa bangka ni Gideon.
Katahimikan ang bumalot sa aming dalawa habang palayo kami ng Isla Sirenia. Madilim pa ang kalangitan at tanging tunog lang ng tubig ang naririnig sa paligid.
"I'm sorry."
"You don't have to apologize. Wala ka namang ginawang masama."
Niyakap ko ang binti ko habang magkaharap kami ni Gideon. Ramdam ko pa rin na galit siya dahil palagi siyang nakaiwas ng tingin at malamig ang boses.