Hindi umakyat si Sir F sa floor namin noon. Mukhang niligtas na naman ako ni John.
Pero kahit gusto kong bigyan ng kahulugan yung mga maliliit na bagay na ginagawa niya para sa akin... Parang wala akong karapatan.
Wala rin naman kasing nagbago pagkatapos ng pangyayari na iyon. Walang nagbago sa estado naming dalawa. Ganoon pa rin ako, at ganoon pa rin naman siya.
Matititigan ko lang siya kapag hindi niya makikita. Maamoy ko lang siya pag nagkakasalubong kami sa hallway. Maririnig ko lang siya sa tuwing nakikipag-tawanan siya kina Kenny sa canteen.
Hindi na madalas ang pagdaan ko sa klase nila para silipin siya. Natatakot kasi ako na baka may makahalata na, ng totoo kong nararamdaman para sa kanya.
Nung hayskul madalas kong makitang natutulog siya kapag walang ginagawa sa klase nila. Napapangiti niya rin ako kapag nasasaktuhan ko na nakikipag-harutan siya sa mga kaibigan niya.
Buti pa nung hayskul, madaming activity sa school na sinalihan niya ang nasalihan ko. Samantalang ngayon, wala ni isang org ang kinabibilangan naming dalawa.
Napapaisip tuloy ako, may posibilidad kaya na naging magkaibigan kami kung sinubukan ko noon? Pero bukod naman kasi sa maliliit na interactions namin, hindi na kami nagkaroon ng pagkakataon na magka-usap man lang o kahit magka-ngitian.
"Sheila!"
Napabalik sa kasalukuyan ang isip ko nung marinig ko na may tumawag sa pangalan ko.
Pagtingin ko kay Mae, ngumunguso siya sa harapan.
"Tawag ka ni prof!" mahinang sabi niya pa.
Pagtingin ko sa harapan, may sinasabi na pala yung tamad naming professor.
"Camo, dalhin mo nga 'tong files na 'to kay Coach Maris."
Inutusan na naman ako nitong professor kay Coach Maris! Makikita ko na naman si John!
Pero hindi ako natutuwa sa totoo lang. Kasi kinakabahan ako. Na baka magtawanan na naman yung mga kabarkada ni John pagpunta ko sa klase nila. Tuwing pupunta kasi ako doon, pakiramdam ko pinagbubulungan nila ako. Hindi ko alam, kung alam na nila na may gusto ako kay John o talagang feelingera lang ako para isiping pagaaksyahan nila ako ng tawanan nila.
Sila ang dahilan kung bakit nitong mga nakaraaan, todo iwas ako kay John. Pero dahil sa tamad kong professor mukhang mababalewala lahat ng pag-iwas na ginawa ko.
Naglalakad na ako papunta sa gym, kung saan sila nagkaklase. Nasa malayo pa lang, nakita ko na agad si John. Na para bang, alam na alam ko na yung tindig niya.
Palibhasa, siya lang ang may ganoong klase ng tindig at postura. Kahit siguro nasa France siya, makikilala ko pa rin yung tindig na iyon... Malalaman ko na siya si John.
Halos kabisado ko na kasi ang mga bagay-bagay tungkol sa kanya, na maaaring kabisaduhin. Nitong nakaraang mga taon, ginamit ko ang six senses ko para kabisaduhin at kilalanin siya.
Una, sense of hearing. Ang boses at pagtugtog niya ang nagdala sa akin sa kanya. Siya lang ang may ganoong timbre ng boses, na tatawag sa pangalan ko sa mga pinaka-hindi ko inaasahang pagkakataon. At siya lang ang may kakayanan na banggitin ang pangalan ko sa paraang mamahalin ko ang pangalan ko na para bang iyon ang pinaka-magandang pangalan sa mundo.
Ikalawa, ang sense of sight. Alam na alam at kilalang-kilala na ng mga mata ko ang tindig niya, kahit nasa kabilang planeta pa siya. Hindi ko siya natimbang at nasukat, pero mahuhulaan ko na ang height at weight niya sa ilang beses ba naman na nagkalapit ang katawan naming dalawa. Kabisado ko pati features ng mukha niya, at kung marunong lang akong mag-drawing, maiguguhit ko siya kahit pa nakapikit pareho ang mata.
Ikatlo, sense of smell. Siya lang naman ang may ganoong amoy sa balat ng lupa at ng mukha ni Joel Cruz. Iilang beses ko pa lang siyang naamoy, pero tumatak na isip ko yung amoy na iyon. At kung magtatrabaho ako sa aficionado, kayang-kaya kong timplahin yung amoy niya. Basta lang, bibigyan niya ako ng pawis niya.
Sa anim na senses, may dalawa pa pala akong hindi nagagamit. Ang sense of touch, at sense of taste. (Shems, ang naughty ko namang alien!!! Sa paanong paraan ko naman magagamit ang mga iyon!!! Enebe Sheila. Dignidad naman diyan.)
Nang makapasok sa gym, tuloy-tuloy lang akong naglakad habang nakayuko at iwas na iwas mapatingin kung saan.
Naramdaman ko na nadaanan ko na ang mga estudyante na nakaupo sa bleacher, pati na rin sina John. Pero hindi ko na lang gustong mag-isip, dahil ayokong makita na nagtatawanan at nagbubulungan na naman sila. Kaya nagsikap ako na umiwas ng tingin.
"Sir, excuse me po" tawag pansin ko kay Coach Maris na naga-attendance.
"Oh, miss Camo? Ano atin?" masiglang bati niya sa akin.
"May files po ulit na pinabibigay si mam" sabi ko sabay abot nung files na dala-dala ko.
"Uh okay, wait. Vicente?" pagtutuloy niya sa attendance.
Sumigaw naman si John, "Present!"
"Bumaba ka nga dito!" sabi ni Coach Maris na dahilan kung bakit narinig ko na naman ang pagtibok ng puso ko.
Malamang papalapit yung lalakeng may dala nung puso ko. E di maririnig ko talaga iyon!
"Samahan mo si miss Camo sa office ko-"
Hindi natapos ni Coach Maris yung sinasabi niya dahil biglang naghiyawan yung mga estudyante niya. Nangingibabaw pa sina Tyron at Nicoll, silang tatlo kasi sa Braders ang magkakatulad na Civil Engineering ang kinuha.
"Ayieeeee~"
"Yes lovelife na ituuu~"
"May forever na?"
Halos maginit ang mukha ko sa pangangantyawan nila. Mukhang alam na nang lahat na may gusto ako kay John. Mamaya pa niyan, kinahihiya ni John na may katulad ko na nagkakagusto sa kanya. Halata kasi sa mukha niya na hindi niya nagugustuhan ang pang-aasar ng mga kaibigan niya. Paano na 'to ngayon? Dapat talaga hindi ko na lang tiningnan ang mukha niya, para hindi ko nakita.
"Class!!! Quiet! Mga jejemon kayo, tumahimik nga kayo! Lalo ka na Adonis, ang ingay-ingay mo! Hindi na kayo nahiya sa ibang estudyante!" saway ni Coach sa kanila, saka ako nilingon. "Pasensya na miss Camo, mga gangster lang talaga 'tong mga batang 'to. Anyway, sasamahan ka ni Vicente sa office ko, para kunin yung transcript na hinihingi ni mam mo." Nun niya nilingon si John. "Alam mo yung lalagyan ko ng trans, yung sa pangalawang drawer, yung envelope na nasa tuktok, iyon yung ibigay mo kay miss Camo."
Tumango naman si John at tahimik na naglakad. Kaya tahimik ko na lang din siyang sinundan. Iniisip ko tuloy, hindi kaya naiinis na siya sa akin? Dahil inaasar siya ng mga kaklase niya dahil sa akin. Kasalanan ko ito! Dapat talaga ginalingan ko ang pagtatago ng feelings ko!
Nung makarating kami sa office ni Coach, nilahad niya ang kamay niya.
"Huh?"
"Yung files na binigay ng prof mo" sabi niya sa akin.
"Ah, oo" nanginginig kong sabi, habang nanginginig din ang kamay ko sa pag-abot.
Nilapag niya iyon sa lamesa ni Coach, saka sinunod ang instructions na sinabi sa kanya kanina.
"Ito oh" sabi niya sabay abot nung envelope.
Brzzzzzzssxxch
Ikaapat na sense!!!! Sense of kuryente, este sense of touch.
"Sa-sa..."
Nakaramdam ako ng sparks. Pakiramdam ko may kidlat o kung ano. Para akong na-ground na ewan.
"Sa-salamat."
BINABASA MO ANG
Flames to Remember
Teen FictionAng kwento ni John David at Sheila. At kung paano silang naglaro ng apoy.