AMICITIA [Sol Elims-Entry]

21 5 9
                                    


Kanina pa humahangos sa kalalakad-takbo si Gaby ngunit wala pa rin siyang matanaw na kahit anong lugar, bagay o tao na maaring tumulong sa kanya. Nagising na lamang kasi siyang nasa isang liblib na kagubatan, na may mga matatayog na punong-kahoy na animo'y may mga matang nakamasid sa bawat galaw niya.

Panaginip lang ba ito?

Ilang beses na niyang sinubukang gisingin ang sarili, sa pag-aakalang isa na naman sa mga pagkakataong naglalakbay ang kanyang kaluluwa sa kawalan. Lucid dream ika nga nila. Pinag-aaralan pa rin niya kasi kung paano ito kokontrolin para hindi siya naguguluhan kung saan siya napapadpad kapag nakakatulog.

Sumandal siya sa isang malaking puno ngunit mabilis ring lumayo ng gumalaw ito. Halos lumuwa ang kanyang mga mata ng makita ang korte ng isang babae, halos kita na ang kaluluwa kung hindi lang natatakpan ng kaunting sanga at dahon ang mga maseselang parte nito.

"Isang mortal ang napadpad sa aking kagubatan.." gusto sanang magtatakbo ni Gaby ngunit hindi naman sumusunod ang kanyang katawan sa gusto ng kanyang isipan. Napalunok siya ng sunud-sunod nang lumapit pa ang dryad sa kanya.. High definition pare!

"Anong klaseng nilalang ka?" naaamoy ni Gaby ang halimuyak ng sariwang dahon sa paglapit ng dryad sa kanya.

"Klaia ang aking ngalan, ako ang nangangalaga ng kagubatang ito, ano ang iyong pakay mortal?" nakatayo lamang ito sa harapan niya na para bang wala lang sa kanya na halos hubo na ito.

"Ako nga pala si Gaby, kanina ko pa kasi hinahanap ang daan pauwi pero hindi ko naman makita..." iniwas na lamang niya ang tingin sa drayd lalo na at biglang tinangay ng hangin ang mga dahon na humaharang sa katawan ni Klaia.

Pagsubok ba ito sa katatagan ko? Naitanong niya bigla sa sarili.

"Tutulungan kitang makauwi sa isang kondisyon..." napabalik ang tingin ni Gaby sa dibdib, este sa mukha ni Klaia sa tinuran ng dryad.

"Alam mo Miss Klaia, hindi na kasi ako pwedeng makipag'date' sa'yo, taken na ako." sabay pinakita ng palasing-singan nito at may nakasuot na nga doong isang singsing.

"Hindi ko maintindihan, ang gusto ko lamang ay ipaliwanag mo kung ano ang buhay para sa'yo, Gaby." si Gaby naman ngayon ang nagulat sa sinabi ni Klaia.

Buhay?

Nagsimula nang maglakad si Klaia sa kagubatan, kasabay niya ang mga maliliit na bolang liwanag na animo'y sumasayaw sa bawat galaw ng dryad. Mistulang mga alitaptap na may iba't ibang kulay ang bumabalot sa kanilang paglalakad.

"Buhay? Kung paano ang mabuhay, iyon ba ang gusto mong malaman, Klaia?" tumango ang dryad at ikinumpas ang kamay na naging sanhi ng pag-usbong ng mga halaman at pamumulaklak ng mga ito.

Wow

"Paano mo masasabing makabuluhan ang iyong buhay, o kung bakit kailangan mo pang bumalik sa iyong mundo?" pansamantalang napatigil si Gaby sa tanong sa kanya.

"Hindi ko alam kung bakit mo iyan tinatanong, ang alam ko lang ay kailangan kong makabalik sa mundo namin dahil doon ako nabibilang, may mga bagay na hindi kayang ipaliwanag at sakupin ng mga salita, na pawang ang pagpapadama at gawa lamang ang makakapagbigay ng tamang deskripsyon nito. Hindi natin masasabing tama ang isang desisyon kung hindi naibibigay ang mga maling halimbawa, balanse ang dapat na mayroon sa ating buhay. Hindi natin masasabing masaya kung hindi tayo nakaramdam ng labis na kalungkutan. Kung ang pagkabigo ay hindi natin naranasan, hindi natin mapapahalagahan ang tamis ng tagumpay..." seryosong pahayag ni Gaby kay Klaia na matamang nakikinig sa kanya.

"Hindi mo makikita ang ganda ng mga ilaw na ito," sabay turo ni Gaby sa mga makukulay na liwanag na nakapalibot pa rin sa kanila, "kung hindi ka hihinto at pagmamasdan sila." Naiwan sa ere ang kamay ni Klaia habang pinagmamasdan ang mga mumunting ilaw sa kanyang paligid.

"Anumang emosyon ang nadarama mo, mas maganda pa rin na may kasama ka sa pagtuklas nito..." napatingin silang dalawa sa paligid at nakita ang mga ibang dryad na nakamasid sa kanilang paglalakad.

"Ang ibig mo bang sabihin ay ibahagi ko ang aking sarili sa iba?" may bahid nang pagkabahala sa mga mata ng dryad habang nakamasid sa paligid, pagkatapos ay kay Gaby.

"Alam mo ba kung anong kapangyarihan ang kayang magpabago sa buhay ng isang tao, engkanto, diwata o kahit sinong nilalang?" nanlaki ang mga mata ni Klaia sa tinuran ni Gaby, "May hihigit pa ba sa kapangyarihan na ipinagkaloob sa'kin ng mga Bathala?" nagtatakang tanong ni Klaia sa mortal na nasa harapan niya ngayon.

Ngumisi lamang si Gaby sabay lapit sa dryad upang bumulong.

Makalipas lamang ang ilang sandali ay natanaw na ni Gaby ang isang kakaibang lagusan na nasa gitna ng isang malaking punong-kahoy. Tinitigan siya ni Klaia at tumango sa kanya, senyales na natagpuan na nila ang daan pabalik sa kanyang mundo.

***

"Klaia?" nakatitig pa rin sa kawalan si Klaia ng lapitan siya ni Karya, isa sa mga ordinaryong dryad sa kanilang mundo.

"Karya, bakit nasa tabi pa rin kita sa kabila ng malamig na trato ko sa iyo?" ngumiti lamang si Karya at inilahad ang kamay nitong puno din ng dahon at tangkay.

"Dahil magkaibigan tayo, Klaia, at ang pagkakaibigang iyon ang pinanghahawakan ko hanggang sa muli kang bumalik sa dati mong sigla..." tinitigan ni Klaia ang kamay ng kaibigan sabay ngiting tinanggap iyon at masayang niyakap ito ng mahigpit.

"Salamat Karya...salamat kaibigan..." matapos iyon ay muli ng lumipad ng malaya sa kagubatan ang mga alitaptap at masayang nakipaglaro sa iba mga dryads na nagkukubli tuwing lalabas si Klaia.

Naalala niya ang binulong ng mortal na si Gaby sa kanya bago ito makabalik sa kanyang mundo.

'Ang pagkakaroon ng kaibigan na sasamahan ka sa bawat yugto ng iyong buhay, na palaging nasa tabi mo at tutulungan kang bumangon, magsaya, masaktan ka man o umiyak, mabigo o magtagumpay, ito ang uri ng kayamanan at kapangyarihan na 'di masusukat at mapapantayan nino man, kapag natagpuan mo iyon, 'wag mong balewalain...'

Salamat mortal sa pagbibigay kahulugan ng buhay. Munting usal ni Klaia habang nakikipaglaro sa iba pang mga dryads.


*****

searchandrescue

April 27, 2016

Prompt A

Quick ReadsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon