PROLOGUE

4.5K 91 1
                                    

Pumangalumbaba si Sisay habang sinisimsim ang McFloat na in-order niya. Alas-kuwatro na ng hapon ngunit iyon pa lang ang tanging inilalaman niya sa kanyang tiyan simula nang mag-agahan kaninang umaga.

Wala kasi siyang ganang kumain. Paano ay naiisip niya na mamaya pagka-uwi niya ay nage-expect ng magandang balita ang kanyang pamilya mula sa kanya ngunit wala siyang maibibigay.

Sa apat na kompanyang pinag-apply-an niya kasi ngayong araw ay puro 'Sorry' ang natanggap niya. Naiintindihan din naman niya. Iyon ngang mga nakatapos na ng 4 year course ay nahihirapang makahanap ng trabaho ngayon, siya pa kaya na certificate course lamang sa computer ang natapos?

Ang kaso ay kailangan niya na talagang makapaghanap ng trabahong may maayos na pa-suweldo. Simula kasi noong ma-aksidente sa motorsiklo ang kanyang Kuya Jason at ma-confine sa ospital ng halos anim na buwan ay nalubog na sila sa utang para sa pagpapagamot nito.

Idagdag pa na ang Ate Karen niya ay buntis na naman sa ikalawa nitong anak sa asawang tambay at doon din nakatira sa kanilang bahay. Nag-aaral pa ng kanyang bunsong kapatid na si Angel. Ayaw naman niyang mahinto ito. Ito na nga lang ang inaasahan niyang makapagtapos sa kanilang limang magkakapatid kaya gusto sana niyang igapang.

Malaking tulong sana sa puwesto nilang gulayan sa palengke na tanging pinagkukunan nila ng pera sa pang-araw-araw ang balak na pag-a-abroad ng kanyang Ate Miles sa Hong Kong para kahit paano'y maka-luwag naman sila. Ang problema,  bukod sa matagal pa ang proseso sa mga papel ay gagastos din sa kung ano-anong requiremen. Hindi naman makapaghihintay ang kanilang mga bayarin.

Bumuntong-hininga siya at napa-iling. Inayos niya ang salamin sa mga mata habang patuloy sa pag-iisip sa mga problema. Ang malas talaga niya. Sana may dumating man lang na kahit isang suwerte na magre-resolba ng mga problema niya sa isang iglap lang. Kaso ang imposible naman no'n.

Ginagap niya ang lumang cellphone na ilang beses na pinagpasahan ng kanyang mga kapatid bago napunta sa kanya ng tuluyan at nag-scroll sa mga job page. Halos lahat pala ay na-apply-an niya na. Maraming hiring sa call center pero ang tagal naman siyang balikan. Siguro ay dahil wala rin siyang experience doon kaya nauungusan ng ibang aplikante.

Sinapo niya ang noo at pinasadahan ng kamay ang kanyang buhok. Ilang buwan na siyang tengga. Tumutulong-tulong siya sa Nanay at Tatay niya sa palengke pero para sa kanya ay mas makakatulong siya kung maghahanap ng ibang trabaho.

"Tsk—Ay!" napalayo siya sa mesa nang matabig niya ang plastic cup ng McFloat. Ang laman no'n ay kaagad na nabuhos sa kanya. Nagmantsa iyon kaagad sa puting blusa at slacks niya.

Malas! Malas talaga!

Nakita niyang pinagtitinginan na siya ng mga tao dahil sa nangyari. Yumuko siya at pinilit na iwasan ang tingin ng mga ito. Itinayo niya ang baso at sinubukang ibalik ang mga natapong ice doon pero makalat na sa sahig.  Dinampot niya ang tissue mula sa tray at pinunas sa kanyang damit.

"Ma'am, ayos lang po ba kayo?" tanong ng isang lalaking crew habang inaabutan siya ng panibagong bungkos ng tissue.

Ay, oo, ayos lang ako! Ngunit tinikom niya ang kanyang bibig sa pagsasalita ng sarkastikong sagot. Hindi siya dapat mandamay ng iba dahil lang frustrated siya sa mga nangyayari sa buhay niya.

Kinuha niya ang tissue na inaabot nito saka nagsalita, "Ayos naman po. Salamat, kuya. Nasaan ang c.r. niyo dito?"

"Nako, out of service po ang restroom namin. Sa restroom ng mall na lang po kayo gumamit. Nasa tapat lang nito."

Talaga nga naman! May balat ba siya sa puwit na hindi niya nalalaman? O sadyang hindi niya lang talaga araw ngayon? Bakit iba ang sinasabi sa kanyang horoscope? Sabi ay may dadating daw sa kanyang suwerte ngayon sa trabaho at sa pag-ibig!

Maybe It's YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon