Chapter 1

1.1K 24 1
                                    

[Take me to your heart again]

Chapter 1

"Hoy pangit na mga bata! Anong ginagawa niyo diyan ha? Alam niyo bang bawal iyan?", sigaw ng batang si Stacy sa kapwa mga batang nandoon. Kakatakas lamang niya sa matanda niyang tagapag-alaga kaya diretso kaagad siya sa pinakamalapit na palaruan mula sa bahay nila. Pagkadating naman niya ay napansin niyang mukhang nang-bu-bully na naman ang mga ito tulad noong nangyari minsan.

"Hoy ka rin! Huwag ka ngang mangielam dito! Kahit babae ka papatulan ka namin! Sige ka! Umalis ka na lamang dito!", ganting sabi naman ng isa sa mga bata doon. Ito iyong pinakapangit sa mga kasama nito. Kamukha nito si Damulag sa Doraemon, iyong laging nang-aaway kay Nobita, paborito niya kasing panuorin iyon.

"Sige ba! Suntukan na lang gusto niyo oh! Hindi ko kayo uurungan, akala niyo ha! Lalo ka ng pangit ka!" sigaw niya ulit sabay angat ng manggas ng damit niya. Handa na talaga siyang makipagsuntukan sa mga ito.

"Kapal ng mukha nitong batang ito! Oh kayo diyan, anong hinihintay ninyo? Sugurin niyo na iyang pangit na batang iyan! Tingnan natin kung hindi magngangawa iyan mamaya." sigaw ulit noong leader na pangit nila. Para tuloy siyang nasa street fighter, iyong nilalaro sa mga gameboy, ang sabi niya sa sarili.

Biglang tumakbo ang mga bata palapit sa kanya. Bigla siyang naalarma at lumaki ang mga mata niya. Hindi niya talaga inaasahan ito. Akala niya kasi ay matatakot na ito sa kanya.

"Ahhhhhh!", sumigaw siya ng sobrang kalas. Hindi kasi siya sanay sa suntukan! Lalo naman ang makipagsabunutan. Ni hindi nga niya alam kung paano ipagtatanggol ang sarili kung sakaling may mang-aapi sa kanya. Nasanay kasi siya na may gumagawa nito para sa kanya, may magtatanggol para sa kanya. At saka may nai-kwento lang kasi ang yaya niya na kapag nilabanan mo ng salita ang kaaway mo, matatakot na ito sa iyo.

Naniwala siya rito, pero ngayon niya napatunayan na mukhang mali ang sinabi nito sa kanya. "Lagot ka sa akin Yaya!", nakuha pa niyang sabihin sa kabila ng kinakaharap niya ngayon.

Nagbilang siya ng sampung segundo habang sumisigaw at nakapikit ang mga mata. Ngunit nagtaka siya dahil wala siyang naramdamang sakit sa katawan niya. Hindi ba dapat mayroon na dahil sinugod siya? Iyon bang mararamdaman niyang babagsak siya sa lupa, madudungungisan siya at kung anu-ano pa. Unti-unti na lamang niyang minulat ang mga mata niya.

Mas nagulat siya dahil nawala bigla ang mga bata na nandoon. Para bang biglang nag-evaporte sa harap niya. Lumibot ang paningin niya at nakita ang isang batang lalaki. Ito marahil ang binu-bully noong mga bata kanina.

Lumapit siya sa mapayat na bata. Hindi na siya natatakot at lalong nagging mas matapang siya. Siguro nga kasi wala na iyong mga pangit na bata, natakot nga siguro sa kanya.

"Hoy bata!", sigaw ni Stacy dito. Inangat naman nang bata ang ulo nito, pagkaraan hinampas siya ni Stacy. Muntik pa nga itong sumubsob sa lupa.

"Kalalaki mong bata ang hina-hina mo! Ano ka ba naman! Dapat tumulad ka sa akin! Malakas at saka matapang! Tingnan mo nga! Natakot sila sa akin!", buong pagmamalaki na pahayag niya sa kaharap.

Bigla namang natawa ang batang kausap niya. Naasar tuloy siya bigla. "Hoy wala man lang bang thank you?"

"B-bakit ako mag-te-thank you sa iyo?" garalgal nitong sagot sa kanya. Namumula pa ang mga mata nito at marumi ang damit.

"Syempre ako ang tumulong sa iyo eh!"

"Lumingon ka sa likod mo.", kahit weird ang isinagot sa kanya ng batang kausap ay lumingon pa rin siya. Nagulat si Stacy at nanlaki ang mga mata ng makita na ang daming lalaki na mga nakaitim doon. Nagugulat siya na bigla na lamang nagsulputan ang mga ito ngayon samantalang kanina naman ay wala ito. Bigla tuloy siyang kinabahan.

Take me to your heart again [FIN]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon