Pansamantalang Pag-ibig

582 5 0
                                    


Pansamantalang Pag-ibig

"Mahal kita," sabi mo habang hawak mo ang aking mga kamay. "Mahal na mahal kita. At hinding hindi kita iiwan."
Ngunit hindi ito totoo,
Alam ko na iiwan mo rin ako.
Pero hindi ko alam kung ako ba ay isang hangal dahil inibig pa rin kita kahit alam ko na ang mga sinasabi mo ay walang katotohanan.
Dahil alam kong ikaw rin naman ay mawawala.
Lahat tayo ay lilisan, lahat tayo mang-iiwan.
Ang pag-ibig ay isang pansamantalang lason lamang ng buhay na unti-unti kang papatayin.
Ngunit sa mundong puno ng pait at pighati,
Sino nga ba ako para tanggihan ang isang pag-ibig na napakatamis?
Lahat naman ng bagay ay nakamamatay.
Pinili ko lang na patayin mo ako gamit ang iyong pagmamahal.

"Mahal kita," nakangiti mong sambit habang nakatingin sa aking mga mata, "Magiging magkasama tayo habambuhay."
Gaano nga ba katagal ang habambuhay sa mundong puno ng mga pansamantalang bagay?
Isang araw? Isang linggo? Isang buwan? Isang taon?
Alam kong walang bagay ang nananatili habambuhay
Mawawala ka rin sa aking piling
Pero hindi ko alam kung isa ba akong tanga dahil pinaniwalaan at pinanghawakan ko ang mga salita mong pansamantala lang ang halaga.
Alam kong ang pag-ibig natin ay matatapos din
Lahat ng bagay ay may katapusan
Ang pag-ibig ay isa lamang pansamantalang kasiyahan sa ating buhay upang makatakas tayo sa masaklap na katotohanan.
Ngunit sa mundong puno ng lungkot at sakit
Sino nga ba ako para tumanggi sa pansamantalang ligaya?
Lahat naman ng bagay ay matatapos
Pinili ko lamang maging masaya sa ginhawa ng iyong mga pansamantalang salita.

"Mahal kita."
Naaalala ko pa, ang mga salitang iyan ang mismong nagtahi sa mga punit ng aking puso na paulit-ulit na nasasaktan.
Ang mga salitang muling bumuo sa nagkapirapiraso kong pagkatao.
Ang mga salitang nagpinta ng ngiti sa aking mga labi.
Ang mga salitang nagbigay kislap sa aking mga mata.
"Mahal kita."
Naaalala ko pa,
Mga salitang muling nagbigay sa akin ng pag-asang maging maligaya.
Mga salitang nagbigay sa akin ng tapang na subuking muling salubungin ang rumaragasang alon ng pag-ibig, at umaasang sana hindi na ako maanod pabalik sa pampang.
Mga salitang nagbigay sa akin ng tiwalang sundan ang ilaw mo sa kadiliman, na walang takot na naglalakad kahit saan man mapunta.
Mga salitang nagbigay sa akin ng ginhawa.
Ginhawang mali ang aking paniniwala sa pag-ibig,
na ang pag-ibig ay hindi lamang pansamantala.

"Mahal kita."
Naniwala ako sa iyong mga salita.
Hindi ko alam kung dahil ako ba ay isang tanga,
o dahil may nakita ako sa iyong mga mata na nagsasabing iba ka sa kanila.

"Mahal na mahal kita."
Oo na, ako na si tanga.
Si tangang tuwang-tuwa noong sinabi mong ako ay mahalaga.
Oo na, ako na si tanga.
Si tangang ngiting-ngiti sa tuwing babanggitin mo ang aking pangalan, at dudugtungan mo ng iyong apelyido.
Oo na.
Oo na.
Ako na si tanga.
Si tangang naniwalang ako ay may halaga.
Si tangang naniwalang iba ka sa kanila.
Si tangang naniwala sa salita mong, "Mahal kita."

"Mahal kita." umiiyak akong nagmamakaawang h'wag kang mawawala.
Na pilit na nakakapit sa pag-ibig mong gustung-gusto ng bumitiw.
Alam ko namang ikaw ay aalis mula umpisa,
Alam ko namang matatapos din kahit hindi pa nagsisimula,
Ngunit heto ako ngayon, umiiyak, nagmamakaawang h'wag kang umalis, nagmamakaawang ituloy pa rin natin ang kwento kahit ito ay tinapos mo na.
Hindi ko alam kung ako ba ay isang desperadong uhaw na uhaw sa iyong pagmamahal dahil handa akong magmukhang kaawaawa maambunan mo lang ng salitang, "Mahal pa rin kita."
Alam ko naman ng mangyayari ito mula pa nung una.
Sa dalas kong masaktan, alam ko namang pansamantala lang ang lahat.
Ang pag-ibig ay isa lamang pansamantalang bagay,
Ngunit sa buhay kong putangina na ang pagkakasira,
Sino pa ba ako para tumanggi sa kahit saglit lang na maramdaman ko na ako ay buo?
Na kahit saglit lang,
Maramdaman ko na ako ay may halaga.

"Mahal kita."
Oo, ibinuhos ko ang lahat sa bagay na pansamantala.
Oo, ibinigay ko ang lahat kahit alam kong wala rin akong mapapala.
Oo, maari nga, ako si tanga.
Si tangang patuloy na naniniwala.
Si tangang patuloy na magtitiwala.
Si tangang patuloy na iibig.

"Mahal kita."
Patuloy akong maniniwala sa dalawang salita,
Patuloy akong susubok na sumalubong sa rumaragasang alon ng pag-ibig kahit palagi akong naiiwan sa pampang.
Patuloy akong maghahanap ng liwanag kahit lagi akong naiiwan sa kadiliman.
Patuloy akong maniniwala.

"Mahal kita."
Oo, ako na si tanga.
Si tangang patuloy na umaasa.
Umaasang dumating ang panahong magpakita ka na.
Magpakita ka na at ipakita mo sa akin na ang pag-ibig ay hindi pansamantala.
Dahil sa mundong puno ng pansamantalang pag-ibig at pananatili,
Sino nga ba ako para tumanggi sa isang taong magpapatunay na ako ay nagkakamali?

Love and Other Stupid Things (2016)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon