Naalala mo ba nung sanggol pa lamang ako? Nung mga panahong mag-isang nagpupuyat si nanay upang bantayan ako? Nung mga oras na grabe ang palahaw ko dahil walang gatas na maibigay si nanay? Nung mga panahong gipit na gipit siya at halos ibaba ang sarili niya sa mga tao upang makautang para sa pag-aaral ko? Nung mga panahong nagta-trabaho siya ng maigi para lamang sa kaarawan ko? Ayos lang naman na walang handa, pero syempre dahil bata ako n'un nagdadamdam ako na agad ding nawawala pagkaraan ng ilang minuto dahil nga bata ako. Alam mo bang ang laki ng pasalamat ko kay nanay? Kasi lahat ng hirap ay kaya niya, kakayanin niya para sa akin. Oo, para sa akin. Naaalala mo rin ba ang mga araw na iyan? Malamang ay hindi, hindi ka naman kasi namin kapiling, 'ama'. Asan ka ba kasi ng mga araw na iyan? Nagpapakasaya? Nagpapakasaya habang si nanay ay naghihirap para sa akin. Kahit kailan ay wala kang nagawa para sa akin. Ang tanging nagawa mo lang ay yung nakipagsanib ka kay nanay. Salamat pa rin dun dahil nabuhay ako. Ako na nagpasaya sa nanay ko kahit minsan ay 'di kami magkasundo. Alam mo bang hindi ako natutuwa na ikaw ang 'ama' ko? Ama na kahit kailan ay di man lamang nagparamdam. Ama na hindi ko man lang nasilayan kahit sa kapirasong papel lang. Ama na kahit kailan ay hindi naging isang 'ama' sa nag-iisang anak niya sa babaeng unang nabuntis niya. Una nga ba si nanay sayo, 'ama'? O baka naman may nauna pa at ganito rin ang ginawa mo? Umalis ng malamang nagbunga ang sarap na pinagsamahan n'yo. Sino ba ang kasama mo ngayon? Meron ba? O baka iniwan mo rin? Kawawa naman ang 'mga' kapatid ko 'kung' meron man. Hindi ako tanga, 'ama' para hindi maisip na may bago ka ng pamilya. Sandali, mali pala ang aking naisulat kasi kahit kailan ay hindi tayo naging pamilya, uulitin ko na lamang. Hindi ako tanga, 'ama' para hindi maisip na may tinatawag ka na ngayong sarili mong 'pamilya'. Sana lang ay huwag mo silang iwan, makuntento ka at pasayahin mo sila. Sa kanila ka bumawi sa mga kasalanang nagawa mo sa akin, sa akin na anak na iniwan mo. Sana nung panahon na nagpasya ka na iwan ako ay masaya ka. Hangad ko ang kasiyahan mo. Huwag kang mag-alala, alam kong 'di ka nag-aalala, ayos ako. Ayos na ayos, mabuting mabuti, okay na okay. Kasing ayos, kasing buti at kasing okay mo nung iwan mo ako.
BINABASA MO ANG
Maiksing Pag-aakda
Short StoryMaiksi ngunit may mas malalim na kahulugan. Maiksi ngunit makabuluhan.