CHAPTER 1.2 ('Hugis Pakwan' con't.)

319 22 17
                                    

              7:15 ng gabi. Naigarahe na ni Nico ang kanyang kariton sa  likod ng maliit nilang bahay. Pagkatapos ipasok ang kalahating sako ng natirang paninda, agad na hinubad ni Nico ang pawisang itim na sando at ipinampahid ito ng kanyang katawan. Pagkatapos, isinuot niya ang itim niyang Blind Rhyme t-shirt na mas malaki ng isang size kaysa sa kanya. Kinuha niya ang maliit na salaming may picture ng babae sa  likod at saka naglagay ng wax sa kanyang buhok. Nakita siya ng nanay niyang nagwawalis, si Aling Bebang.

                “Wax ka nang wax e ‘di ka pa naman naliligo,” paninita ng ng kanyang nanay.

                “Kakaligo ko lang kahapon ng hapon eh,” sagot ni Nico. “Mamaya na ‘ko maliligo. Magne-net pa ‘ko e.”

                “Magkokompyuter lang magwa-wax pa. Puro ka kaartehan akala mo kung sinong malinis parati sa katawan!”

                Hindi na pinansin ni Nico ang tirada ng nanay niya. Sa halip ay sinimot niya na lang ang natitirang laman ng panlimang-pisong sachet ng Gatsby wax.

                “’Di ka man lang mag-asikaso ng pang-ulam n’yo ni Caloy. Tapos pagkatapos mo’ng mag-kompyuter basta ka na lang lalamon!”

                Kinuha ni Nico ang buong araw niyang kita sa pagtitinda at agad na nag-intrega kay Bebeng para tumigil na ito sa kadadakdak. Pagkatapos humingi ng trenta pesos, isinuksok niya ito sa harapang bulsa ng kanyang shorts, kasama ng singkwenta pesos niyang kupit bago pa siya tumuloy sa pinakamalapit na computer shop na ang pangalan ay My Net Inside.

                Kagaya ng pangalan nito, talagang mainit sa loob ng My Net Inside . Ang kakaunting lamig na ibinibigay ng ceiling fan at ng isang naghihingalong exhaust fan ay nasasapawan ng mainit na singaw ng katawan ng mga kustomer na karamihan ay pawang mga lalake. Pagbukas ni Nico ng pinto ng shop na tadtad ng samu’t-saring online game posters, bumungad sa kanya ang pamilyar na alingasaw ng mga computer shop – mainit at may amoy na para bang kinulob sa loob ang mga madumi at pawisang mga jersey ng lahat ng basketball players na sumali sa nakaraang paliga ng barangay. At dahil sanay na si Nico sa ganitong setup, ni hindi man lang niya napansin na ang katabi niya sa computer #5 ay may baktol.

                “Wan ar[1] lang sa ‘ken boss,” sigaw ni Nico sa bantay ng shop. Agad niyang pinindot ang Firefox icon at naghintay ng tatlong magpakailanman hanggang sa tuluyan nang bumukas ang browser.

                Binuksan niya ang Facebook at saka naglog-in.

                                        USERNAME:  d3m0nKillah_023@yahoo.com

                                        PASSWORD:  *********[2]

                Nang makita n’yang meron siyang naipon na 51 notifications sa loob lang ng tatlong araw na hindi siya nagoopen ng FB, napangiti siya na tila ba siya ang pinaka-masayang tao sa balat ng Antipolo.

                Simpleng tao lang si Nico, at ang mga simpleng tao, simple lang ang kaligayahan.

                Nicolas Villacorta ang buo niyang pangalan. 17 anyos. 5’5’’ ang tangkad, 5’7’’ ‘pag naka-wax ang buhok. Payat ngunit hitik na hitik sa muscle ang katawan dahil sa ilang taon ng pageextra-extra sa paghahakot ng semento at hollow blocks nung elementary pa lang siya. Maputi sana si Nico, kundi lang sana nasunog ng araw ang kanyang balat. Ito naman ay bunga ng araw-araw na paglalaboy at pagtitinda sa lansangan (o marahil dahil hindi siya kumukuha ng pautang na papaya soap sa kapitbahay nilang si aling Carmen). ‘Pogi’ ang madalas na ibansag sa sa kanya ng mga tao – hindi dahil mga sarkastiko sila kundi dahil talagang gwapo si Nico. Nakuha niya sa tatay niya ang matangos na ilong at mapupungay na mga mata; at nakuha naman niya sa nanay ang talento sa pagmumura. Pero kahit pa madalas na mapagkamalang may lahing porenjer[3] dahil sa kanyang kagandahang lalake, at kahit pa maraming babae at beking nagkakagusto sa kanya, hindi pa nagkakasyota si Nico, ni isa man lang. Paano ba naman kasi, wala pang nililigawan ang binatang si Nico. Hindi dahil sa mababa ang kumpyansa niya sa sarili; hindi rin dahil sa torpe at laong hindi dahil pihikan siya sa babae. Hindi siya makapangligaw dahil mahirap lang siya at  alam niya sa sarili niya na wala siyang maipapang-gasta sa liligawan niyang bebot o sa magiging girlfriend niya. Ika nga niya: ‘Iba ang torpe sa pobre’.

LHuV3rZ in CogeoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon