One

44 0 0
                                    

Unang buwan pa lang ng klase pero bagot na bagot na ‘ko. Sino ba namang hindi mababagot sa hitsura ng classroom namin? Walang design ang dingding ng room maliban sa poster ng Pambansang Awit at Panatang Makabayan. Bukod sa teachers table, putol-putol na chalk, pudpod na pambura ng black board, dust pan na bungi na ang harapan, walis na tila bigote na ang hitsura at mga upuang ginawang papel para sulatan ng iba’t ibang kabulastugan ay wala nang ibang gamit sa loob ng silid. Marahil dahil na rin sa nagsisimula pa lang ang klase at wala pang balak ang mga classroom officer na mag-ayos at magpaganda ng classroom. Tatlo ang electric fan sa room. Isang stand fan sa tabi ng teachers table sa unahan, isang ceiling fan sa gitnang bahagi ng room at ang wall fan na sira sa tabi ng bintana. Nasa bandang hulihan ako kaya walang nakakarating na hangin sa akin maliban na lang kung swertihang may pipito para umihip ang hinihintay kong hangin. Ito rin ang dahilan kung bakit minabuti kong bumili ng pamaypay, yung tigbente sa labas ng school na sinusulatan ng mga pangalan at numero kapag napunta sa iba pang kaklase. Nagsasawa na kasi akong manghiram sa mga kaklase kong babae lalo na pagnakikita kong tagaktak din ang pawis nila at naaawa na rin ako sa pambubully sa iba ko pang kaklase para lang paypayan ako kapag terible ang init. Minsan na rin kasi akong nasita ng teacher ko nang mahuling nagpapapaypay sa iba para hindi mainitan.

Nagbabasa ng brochure ng Avon si Ma’am nang kumatok sa pinto ang isang babae. Agad na isinara ni Ma’am ang brochure at pinapasok ang estudyante.  May iniabot itong papel at kinausap niya si Ma’am. Klase ng Math noon at ito ang paborito kong subject. May quiz kami kaya abala ang mga kaklase ko sa pagsagot habang panay ang pakikipag-usap ni Ma’am sa harap. Tapos na ako sa pagsasagot kaya wala na akong ginagawa maliban sa pagpapaypay para matuyo ang mga butil ng pawis na nasa mukha at leeg ko. Kulang na lang ay maghubad ako ng uniporme para lang makaraos sa malapugon na init sa klase. Narinig ko ang pangalan ko mula sa gilid. Tulad nang inaasahan, nagsimula nang magbiro ang mga kaklase ko.

            “Nice Lance! Nice Lance!”, paulit-ulit nilang asar habang itinuturo nila ang babaeng nasa harap at kasabay ng pagsenyas sa akin na pakopya raw ng sagot sa quiz. Iniabot ko sa kanila ang quiz booklet ko. Hindi ‘yun dahil sa pang-aasar kundi dahil nakikinabang din naman ako sa kanila sa ibang bagay. Nakikisama lang, friends with benefits kumbaga. Habang tumatagal ay palakas nang palakas ang pantutukso nila. Natural na ito sa kanila tuwing nakakakita ng magagandang babae. Inaasar nila ito sa kung sino-sino tuwing wala silang magawa. Sa katunayan, gawain namin ito ng buong barkada noon pang nasa second year kami, pero sa pagkakataong ito, ako at ang babaeng nasa harap ang napagtripan nila.

            “Nice Lance!”, muli nilang pang-aasar. “Ate, ano raw pangalan mo?”, tanong ni Alex habang kinakausap ang babaeng nasa harapan at nakaturo sa’kin. Paulit-ulit n’ya itong ginawa hanggang sa napatigil si Ma’am sa pakikipag-usap nito. Tumingin si Ma’am at pinandilatan kami ng malalaki n’yang mata. Nanahimik kaming lahat, mahirap nang galitin pa si Ma’am dahil baka kami ang bwena mano sa taong ito. Ngumiti lang ang babaeng nasa harap at bumalik sa pakikipag-usap si Ma’am.

            “Pre!”, sabi ni Daniel habang papalapit sa upuan ko. Galing s’ya sa first row. Bitbit n’ya ang quiz booklet na iniabot ko kanina. Akalain mong nakarating sa harap ang test booklet na iniabot ko rito kanina sa bandang hulihan. “Siya ‘yung sinasabi ko sa’yo na taga-section 1.. Matalino ‘yan Pre, player din ng tennis. Maganda pa! S’ya na lang kasi tanga! Sayang ‘yan oh.”

            “Anong s’ya na lang? Ayoko. Simple masyado.”

            “Gago ka, choosy ka pa? Malay mo mapatino ka pa n’yan.”

            “Eh ayokong magtino. Para ka namang ano d’yan e, di ko naman gusto ‘yung mga ganyang datingan.”, sige lang ang paypay ko hanggang makaraos sa init.

            “Ikaw na nga tinutulungan d’yan e. Baliw, sayang!”

            “Ayoko nga dre. Gusto mo ikaw na lang.”, kinuha ko ang testbooklet sa mesa ng upuan para ilagay sa loob ng bag.

            “Kung di ko lang syota si Mae eh.”, sabi ni Daniel na may panghihinayang. Para bang dehado pa s’ya at syota n’ya si Mae. Maganda rin naman si Mae kumpara sa mga babae sa kampus, sikat ito sa facebook at umaani ng likes at comments. Maliit lang si Mae pero malakas ang dating sa kalalakihan. Maputi ito at mahaba ang buhok. Ang kaso, hanggang ganda lang siya. Sa katunayan, sa 16 sections sa 3rd year, nasa section 13 si Mae kasama ang ilan pang babaeng hindi malaman kung notebook o make-up ba ang laman ng bag at kasama rin ang mga lalakeng maya-maya kung ipatawag sa guidance office dahil sa kabi-kabilang kaso sa loob at labas ng school. Di ko alam kung pang-ilan n’ya na itong si Daniel, pero ang balita sa kampus, nadonselya na raw itong si Mae noong first year pa lang kami. Nakabuo raw pero pinaglaglag lang. Minsan naming napagkwentuhan ng barkada ‘yun, ang sabi ni Daniel, wala na raw s’yang paki sa nakaraan ni Mae, totoo man o hindi na minsan itong nabuntis, ang mahalaga ay mahal nila ang isa’t isa. Tang’na, pag-ibig nga naman talaga!

            “Kaya nga, manahimik ka na lang, wag mo na ko idamay.”

            “Hindi pre, tinutulungan na nga kita di ba? Pre! Mag-isip ka na.”, pilit sa’kin ni Daniel. “Isip isip din tanga!”, pangungulit pa niya.” Pre! Ipapaki---“

            “Anong dinadaldal mo d’yan lalake?”, turo ni Ma’am kay Daniel. Napatayo si Ma’am at ibinagsak ang kamay sa mesa. ”Tapos ka na ba, ha? Bumalik ka nga sa upuan mo!”, walang anu-ano’y bumalik si Daniel sa upuan n’ya sa harap. Nagawa pa nitong sumenyas at ngumiti sa akin bago umupo.

            Nanahimik ako at napatingin sa harap. Nakikipag-usap pa rin si Ma’am. Maya-maya ang pagtango ng babaeng kausap n’ya tuwing nagsasalita siya at napapansin ko rin ang mga sagot nitong mga ngiti. Nakapusod sa kulay pink na tali ang kulot at mahaba nitong buhok. Kayumanggi ang kulay ng pantay n’yang balat. Matangkad din s’ya kumpara sa mga babaeng ka-edad n’ya na classmate ko. Sa abot at linaw ng paningin ko, mayroon s’yang bilugin na mga mata, maliit ngunit di pangong ilong, katamtamang kapal ng labi at biluging hugis ng mukha. Tama nga si Daniel, maganda nga s’ya. Imposibleng wala itong manliligaw. At kung sakali mang ligawan at sagutin ako ng babaeng ‘to, sisirain ko lang ang buhay n’ya. Hindi ako babagay sa babaeng ‘to. Isa pa, hindi ko tipo ang mga ganitong hitsura. Simple lang at halatang hindi maporma. Halata namang mataas ang standards nito at kita namang may pinag-aralan. Hindi ako papasa sa kanya.

Pero pa’no kung oo? Pa’no kung okay naman pala siya? Bakit di ko subukan? Malay ko lang naman di ba? Tsaka, kelan ba ko hindi pumasa sa babae? Si Lance yata ‘to noh! Yan? Yang babae sa harap, dededmahin ako? Sus. Baka maghabol pa yan sa’kin eh. Teka, ayun, ngumiti s’ya ulit.

            “Ma’am thank you po. Bukas ko na lang po ibibigay ‘yung isa.”, paalam n’ya kay Ma’am. Inayos nito ang mga dalang brochure at tsaka kumaway kay Ma’am paalis. Muli na naman s’yang ngumiti. May kislap ang mga mata, napaisip ako bigla.

            “Sandali.”, sigaw ko. Napatingin ang lahat sa akin nang napatayo ako bigla. Napatigil s’ya sa paglakad papalabas ng pinto. Ibinaba ko ang hawak kong pamaypay at inayos ang uniform. “Anong pangalan mo?”, tanong ko.

            Tumingin  lang s’ya  at ngumiti nang pahapyaw. Nanlaki ang mga mata n’ya at halatang nagulat sa inasta ko. Humugis din ng maliit na titik ‘o’ ang bibig n’ya na mas lalong nagpacute sa kanya. Hinawi n’ya ang maiksing bangs at muling ngumiti. Parang nagliparan ang mga puso sa paligid. Di ko alam kung ilang segundo ang itinagal ng pagtunganga ko habang nakatayo. Ang mga kaklase ko nama’y parang nakakita ng isang eksena sa pelikula na kulang na lang ay kumanta sila ng isang romantic love song. Nakatingin pa rin s’ya sa’kin. Kitang kita sa mukha n’ya na para bang natigil s’ya sa dulo ng isang bangin at hindi n’ya alam ang gagawin. Ramdam kong nahihiya’t ayaw n’yang sabihin ang pangalan n’ya kaya naisipan ko nang maupo dahil sa kahihiyan. Napayuko ko at papaupo na sana nang magsalita s’ya.

            “Kim po.  Kimberlyn Tuazon.”

Why Love ExistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon