Two

14 0 0
                                    

Nagbukas ako ng facebook at si ate Inee agad ang nakita ko sa newsfeed. Nakatag ako sa post n’yang picture nina mama’t papa. Nakaupo sa isang puting bench sina mama habang magkaholding hands.  May bulaklak si mama sa kaliwang tenga at may hawak namang tali ng tatlong pulang lobo si papa. Kitang kita ang pagiging masaya nilang dalawa. Malamang ay ito ang una nilang date. May caption ang picture na ipinost ni ate: “It’s hard for my mom and dad to be separated for almost a decade now. Their hardships and sacrifices are priceless. Having you both in our lives really makes us proud every single day. Thank you. Happy 21st wedding anniversary! We love you so much!” Kasama sa mga nakatag ay sina mama’t papa, si kuya Mark at si Camille, ang bunso namin. Tadtad ng comments ang post ni ate at umani na ito ng 76 likes. Ang picture ay pinost lang 2 hours ago. Tindi. Wala akong macomment kaya nilike ko na lang. Pang-77 ako.

15 years old na ko pero hindi ko alam na July 9 pala ang wedding anniversary nina mama’t papa. Kung hindi pa nagpost si ate ay hindi ko pa malalaman. Malaking tulong rin talaga ang facebook pagdating sa mga ganitong bagay. Bukod sa nagagawa mong makipag-usap sa ibang tao kahit milya-milya ang layo mo, sa pamamagitan rin ng facebook ay nagagawa nating ipamalita at ipamuka sa ibang tao kung anong nangyayari sa buhay natin. May pakialam man sila o wala, magpopost ka pa rin. Kahit wala naman silang kinalaman sa ipopost mo, sige ka pa rin sa pag-iistatus. Ang galing talaga ng nakaimbento ng facebook, nagawa n’yang imulat sa mga walang kwentang bagay ang mga taong kung tutuusin ay may payak na pamumuhay noong wala pang facebook. Pero bakit ko ‘to sinasabi? Nakikinabang din naman ako sa facebook. Nakaka-usap ko si Papa kahit malayo s’ya, nakakachat ko ang mga kaklase ko para kulitin kung anong assignment, nakikita ko ang mga mukha ng ex kong nawalan na ng landas nang mawala ako sa buhay nila at nakakapag-alaga ako ng hayop sa farm ville kahit na ang totoo ay nakailang pet na ko. Mga simpleng dahilan pero malaki rin ang tulong sa’kin. Maaaring walang kwenta para sa iba pero kasiyahan naman ng mga tulad kong walang magawa kapag walang laban ng Dota o basketball.

Tulad nga ng nasa post ni ate, mahigit sampung taon na nang umalis si Papa para raw magtrabaho sa ibang bansa. 11 years old nun si ate Inee, si kuya  Mark naman, 8 years old noon, ako, five years old at si Camille ay 3 years old. Hindi ko alam kung bakit biglang umalis si Papa. Maganda naman ang buhay namin at hindi kami hikahos. May sasakyan kaming Owner noon at may sari-sari store rin sa tapat ng bahay. Nag-aral kaming tatlo nina ate Inee at kuya Mark sa isang private school pero nagtransfer din kami dahil di na kinaya ni Mama ang matrikula. Di ko maalalang nangutang kami para makakakain at lalong di namin naranasang magdildil ng asin. Samakatuwid, may kaya ang pamilya namin kaya nang lumaki ako, doon na nagkabuhol-buhol ang mga tanong at agam-agam ko kung bakit umalis si Papa at hanggang ngayon ay hindi pa ulit bumabalik. Sabi ni Mama, maiintindihan ko rin daw paglaki ko. ‘Yun ang lagi n’yang sagot sa mga tanong ko pero ngayong malaki na ko at ganun pa rin ang sitwasyon, hirap pa rin akong intindihin ang nangyayari. Dahil nga ba mahina akong umintindi o sadyang hindi lang nila ipinapaintindi sa akin?

Apat kaming magkakapatid. Malamang ay apat din kaming ganito ang nalalaman tungkol sa Papa namin. Simula kasi nang umalis s’ya ay kaming apat lang ang nagpapalitan ng tanong at sagot. Bakit ganito, bakit ganyan. Nasaan kaya s’ya, kailan kaya s’ya uuwi? Baka ganito, baka ganyan. Buhay pa kaya si Papa, ano kayang ginagawa n’ya? Sa mga bata naming pag-iisip ay nahihirapan na kaming sumagot ng mga tanong na hindi naman talaga dapat sagutin dahil wala kaming isasagot. “Maiintindihan n’yo rin paglaki n’yo”, sagot ni mama nang minsan namin s’yang tanungin tungkol kay Papa. Sabi n’ya, seaman daw si Papa kaya paiba-iba ito ng lugar na pinupuntahan. Malayo ito sa trabaho n’yang assistant bank manager noong nandito pa s’ya sa Pinas. Tulad din daw namin ay nahihirapan ito at namimiss na kami. Lagi naman eh, namimiss n’ya kami pero hindi s’ya gumagawa ng paraan para umuwi at magpakita sa amin. Ilang birthday na ba ang di n’ya nasaksihan? Si ate Inee, 21 na ngayon. Si kuya Mark, 18 na. Ako, kinse anyos na. Si Camille, 13 years old na. Kung susumahin, sa sampung taon n’yang pagkawala, 40 birthdays naming magkakapatid ang hindi n’ya namalayan, plus pa yung 10 birthdays ni mama. Ilang graduation na ba ang di n’ya na-aatendan? Si ate Inee tapos na sa college ngayon at isa na s’yang accountant. Si Kuya Mark, kasalukuyang kumukuha ng Architecture at 3 years na lang ay gagraduate na ulit. Ako, nakagraduate na sa kinder at elementary, 2 years na lang ay gagraduate na rin sa highschool. At si Camille, kakagraduate lang nitong nakaraang taon sa elementary. Lahat ‘yun di n’ya nakita. Di ko alam kung may pakialam pa s’ya sa’min. Kaya minsan mas gusto kong magbukas ng Wracraft kesa facebook at Skype dahil magchachat o tatawag lang naman si Papa at paulit-ulit n’yang sasabihin na malalaman din namin ang lahat pag-uwi n’ya. Mas mabuting wag ko na lang s’yang kausapin at hintayin ko na lang ang pagdating n’ya dito sa amin kung sakali dahil wala rin naman akong mapapala kung kakausapin ko s’ya.

Hindi ako galit kay Papa.  At sana wag nang mangyari ‘yun dahil nagsasawa na ko sa taon-taon n’yang pagsisinungaling. Sampung taon na s’yang nasa ibang bansa at sampung taon n’ya na rin kaming pinapaasa na babalikan n’ya kami. Paulit-ulit lang at talagang nakakasawa na. Kung hindi lang ako pinalaki nang mabuti ni mama ay malamang sa malamang ay matagal ko nang tinangggal sa bokabolaryo ko ang salitang ama, tatay, papa, daddy o ano pang tawag sa lalakeng dahilan kung bakit ako nabuo.

Matinong babae ang mama ko. Walang bisyo, walang luho. Kaming apat lang na magkakapatid ang pinagkakaabalahan n’ya maliban sa negosyo n’yang patahian. Sinimulan n’ya ito nang umalis si Papa kaya mahigit sampung taon na rin ang negosyo n’yang ito. Malakas naman ang kita ng patahian at halatang nag-eenjoy si Mama. Magaling ding magluto si Mama at minsan n’ya na rin itong naging negosyo, itinigil n’ya lang dahil hindi n’ya kayang pagsabayin ang patahian at karinderya. Mahal na mahal ni Mama si Papa. Madalas ko s’yang nakikitang umiiyak tuwing kausap si Papa sa Skype at makikita ito tuwing ikinukwento n’ya si Papa sa amin.  Naririnig ko rin minsan si mama kapag kausap n’ya si papa at sasabihin n’yang, “Huwag kang mambabae d’yan ha, pramis mo sa’king ako lang mahal mo. ‘Wag mo nang uulitin ‘yun ha!”. May pagkaselosa rin pala ‘tong si mama. Lagi n’yang ibinibida si Papa sa lahat ng bagay. May angking ganda ang mama ko kaya may mga manliligaw rin s’ya pero hindi n’ya ito pinapansin dahil nga mahal n’ya si papa. Sobrang mahal. Si mama ang pinakamatapang na babaeng nakilala ko, walang duda.

“Thank u nak, mahal namin kaung apat ni Papa mo. Dad, ingat ka dyan ha. We miss u and I love u. Happy Anniversary.”, comment ni mama sa post ni ate na nakatag sa kanya. Magkakasama lang kami sa bahay pero sa facebook pa nagpasalamat si mama kay ate. Ang galing talaga ng facebook, nagagawa n’yang magmukhang malayo sa isa’t isa ang dalawang tao na magkasama lang naman talaga. Nagets mo ba? Good.

Naghanda si Mama ng Pansit at Menudo para sa hapunan. Ito raw ang paborito ni Papa.

“Kahit man lang sa pagkain maramdaman natin ang presensya ng papa n’yo”, sagot ni Mama nang tanungin s’ya ni kuya kung bakit ito ang hapunan para sa anniversary nila.

“Eh bakit kasi hanggang sa pagkain lang ang presensya ni Papa, Ma?”, tanong ni Camille.

“Ah.. Eh..”, nauutal si Mama habang kumukuha ng pagkain sa mesa. “Kumain na lang muna ka’yo.”, inabot n’ya sa’min ang plato. “Hayaan n’yo, maiintindihan n’yo rin ang lahat pag-uwi n’ya.”, sagot ni Mama. Nagkatinginan kaming apat.

Why Love ExistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon