Sa totoo lang, di ko alam kung anong klaseng style ang gagawin ko kay Kim. S’ya kasi yung tipong unang tingin mo pa lang alam mo na kung gaano kataas ang standard. Hindi kasi s’ya pangkaraniwang babae tulad ng iba. Maraming s’yang katangian na sa kanya mo lang makikita. Hindi naman s’ya mutant pero talagang iba s’ya. Basta. Kung ikukumpara nga si Kim sa mga dati kong girlfriend, sobra s’yang angat. Yung mga girlfriend ko kasi dati magagandang maaarte, matapobre, mga maporma, mabarkada, at mapipili. Hindi naman sa bitter ako sa kanila, pero ganun talaga halos silang lahat. ‘Yun na rin siguro ang dahilan kung bakit mabilis akong nagsasawa sa kanila. Ayoko kasi ng ganung ugali kasi sa totoo lang, ‘yun ako. E pano na lang kung parehas kaming ganun ng gf ko? Edi mas lalong mahirap di ba?
Hindi naman sa pagmamayabang ha, pero ako talaga ang laging nakikipaghiwalay. Pogi na kung pogi pero ganun talaga ang nangyayari. Tumatagal naman ang mga nagiging relasyon ko ng buwan. Pero hanggang doon lang. Isa lang naman ‘yung babaeng tumagal sa’kin e, si Carmella. Crush na crush namin ang isa’t isa dati. Taga section 1 rin s’ya pero hindi na ngayon, section 9 o 10 na yata. Sa pagkaalam ko, naging classmate rin s’ya ni Kim noong first year. Pero nung mga panahong ‘yun kasi, tanging si Carmella lang ang maganda para sa’kin kaya siguro di ko napapansin si Kim. Nabulag kasi ako simula nang maging kami ni Carmella, hindi literal na nabulag. Wala na kasi akong nakikitang iba maliban sa kanya kaya kay Carmella na lang talaga umiikot ang buhay ko. Sa katunayan, s’ya talaga ang first girlfriend ko kung ‘yung seryosong girlfriend ang pag-uusapan. Kahit mga bata pa lang kami ay meron na kaming plano para bukas. Natatandaan ko pa nga, dalawang anak lang daw ang gusto n’ya. Ayaw n’ya raw ng sakit ng ulo. Tapos sabi n’ya kapag naging nurse s’ya at engineer na ako, gusto n’yang tumira kami sa ibang bansa. Ayaw ni Carmella rito sa Pilipinas. Gusto n’ya kasing hanapin ang tatay n’yang kano na nang iwan sa kanila simula pa noong pinagbuntis s’ya ng nanay n’yang waitress sa Olongapo. Sabi n’ya pa nga, sakin n’ya raw nakita lahat ng kulang sa buhay n’ya. Syempre ok sakin ‘yun, medyo kinilig ako. Umabot kami ng halos dalawang taon. Sinagot n’ya ako noong graduation namin sa elementary. Parehas kaming section 2. Niyakap n’ya ko pagkatapos bumati ng Happy Graduation. I love you ang sagot ko sa kanya. Pinukpok n’ya ang likod ko habang magkayakap kami at sinabi n’yang oo, sinasagot n’ya na ko at may pahabol pang I love you. Mahal na mahal ko noon si Carmella, sobra. Maganda s’ya at mistisahin kaya nang tumuntong kami ng high school ay dinumog s’ya ng manliligaw. Nakapagpigil ang loka sa loob ng isang taon. Hindi nag-entertain at nanatili kaming mag-on. Nang mapunta s’ya sa section 3 noong second year, ‘yun na, unti-unting nakalimot at madalas na di na sumasabay pauwi. Para na lang kaming magtropa na magsasama at lalabas na lang kung kailan gugustuhin. Hindi ko na rin namamalayan na napapalayo na rin ang loob namin sa isa’t isa. Marami akong naging girlfriend habang kami ni Carmella, aminado ako dun. Hanggang sa nabalitaan ko na lang na nililigawan s’ya ng escort ng second year na lumaban sa intrams. Nag-away kami pero nagpromise s’yang di n’ya sasagutin. Marami akong nakilalang babae noon, mga dancer sa cheering squad, mga player, at ‘yung ibang nakakasama namin sa mga party at inuman. Nagkatuluyan si Carmella at ang mala-espasol na escort na ‘yun. Kwits na kami. Naging timer kaming dalawa, parehas kaming naglolokohan. Kunwari di ko alam. Pinabayaan ko lang s’ya. Hanggang sa nagcelebrate kami ng 2nd anniversary nitong March 21 lang, nagkaaminan na. Parehas kaming umiyak. Namili kaming dalawa. Magkatalikuran kami habang umiiyak sa isang park malapit sa school. Pagkabilang ng tatlo ay sabay kaming haharap at sasabihin kung sino ang mas pipiliin namin, “TAYO” ang sasabihin kung ang relasyon ba namin o “KAMI” kapag ang mga kalaguyo namin. Si Carmella ang nagbilang, “KAMI” ang parehas naming sagot. Ibig sabihin, ang mga kalaguyo namin ang mas nangibabaw. Umiyak kami at niyakap ang isa’t isa. Para kaming tanga. Tinanong n’ya ko kung sino ang kalaguyo ko, sabi ko, si Cham, dating president ng Sophomores Club. Natawa s’ya dahil dati rin pala itong ex ng kasalukuyan n’yang kalaguyong espasol. Tang’na ang liit talaga ng mundo!
BINABASA MO ANG
Why Love Exist
Teen FictionSamahan mo si Kim, Lance at ilan pang tauhan sa pagsagot kung ano nga ba ang pag-ibig. Kung hindi mo mahanap ang sagot, magmadali ka na't humanap ka ng pangit at ibigin mong tunay. *Break it down!* Humayo ka at magbalik loob sa pag-ibig. Enjoy readi...