10 Years

129 0 0
                                    

#Dagli



"Saan ba tayo pupunta?"

"Basta," ngumiti lang ako sa'yo habang hawak-hawak ko ang iyong kamay. Punung-puno ng pagtataka ang iyong reaksyon pero ngumiti ka lang din sa akin at nagpatianod kung saan kita dadalhin.


"Nandito na tayo."


"Anong ginagawa natin dito sa simbahan?"


Hinarap kita sa akin at hinawakan sa dalawang kamay. "Dito, sa simbahan na ito. Dito kita pakakasalan after 10 years! Parehas na tayong propesyunal no'n."


Ngumiti ka lamang sa akin at niyakap ako. "Hihintayin ko ang araw na iyon."

"Pangako?"

"Pangako."






June 11. Sampung taon na rin ang nakalilipas nang tayo'y mangako sa isa't isa. Naaalala ko pa yung mga pinag-uusapan natin no'n kung ilang anak ang gusto natin, ang magiging disenyo ng ating bahay --- ang tungkol sa future natin. Mukhang ang plano na ito'y mabibigyan na ng kulay.

At heto ka na sa harap ko, naglalakad papalapit sa akin dito sa altar. Napakaganda mo sa suot mong trahe de boda. Walang kupas ang iyong ganda. Ngumiti ka sa akin at ngumiti rin ako sa'yo.


May lumandas na luha sa aking mga mata pero pinunasan ko. Ayokong makita mong umiiyak ako. Sinalubong kita at napayakap ako sa'yo.



"Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita, Agnes."


Ngumiti ka at may lumandas na luha sa iyong mga mata. Iniabot ko ang iyong mga kamay sa kanya, sa tunay na nagmamay-ari sa'yo ngayon.



"Salamat, Kuya." Ngumiti sa akin ang kapatid ko nang iabot ko ang kamay mo sa kanya.
Ang mga pangarap natin, sa iba mo na matutupad.

HIRAYA AT PLUMA: Koleksyon ng mga Dagli at Maikling KuwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon