00:04

204 14 17
                                    

SA OPEN FIELD... 

Nakayukong naglalakad habang suot ang palda niya na para bang binutas-butas. 

Siya si Ligaya San Jose. 

Sabi ng mga kasamahan ko sa basketball team, ganyan daw talaga ang pang-araw-araw niyang buhay: palaging napagkakaisahan ng mga estudyante; palaging napagti-tripan; at palaging napagkakatuwaan. Ang ipinagtataka ko, bakit hinahayaan niya lang na gawin sa kanya ng mga tao 'yung mga ginagawa nilang iyan? 

Kung hindi totoo 'yung mga sinasabi ng tao, puwede niya naman sabihin. Puwede niya ngang ireklamo 'yung ibang estudyante na nambubully sa kanya, eh? Ang kaso nga bakit wala siyang sinasabi? Kailangan niya lang naman sabihin na hindi talaga siya ganoong klase ng babae- O baka naman hindi niya iyon masabi dahil totoo nga ang mga sinasabi ng tao tungkol sa kanya?

Gusto kong malaman... Kailangan kong malaman kung ano ang totoo. Pero paano ko naman malalaman iyon? Eh puro bunga lang ng chismis ang mapapala ko kung magtatanong ako sa mga tao. Kailangan kong malaman, kailangang makita mismo ng mga mata ko... para masabi ko sa sarili ko kung ano talaga 'yung totoo.

Naisip ko tuloy na sundan siya. Hindi naman siguro masama kung susundan ko siya 'di ba? Wala naman akong masamang motibo, eh? Gusto ko lang malaman kung pupunta talaga siya bar. Tsaka 'yung jersey shorts ko... gusto kong ipahiram sa kanya. Baka naman kasi mabastos siya sa daan kung uuwi siyang ganyan ang suot na palda. Kahit naman kasi sinilipan niya ako nung araw na iyon, babae pa rin siya sa paningin ko. At ang isang babae, hindi dapat hinahayaang magkaganyan, hindi dapat pinapanood lang...

Wala sa isip na sinundan ko siya palabas ng campus. Sinundan ko lang siya nang sinundan habang naglalakad siya sa Theresa, hanggang kumaliwa siya sa Stop 'N Shop. Naglakad siya nang naglakad at pagdating sa Altura ay kumanan siya. Hanggang marating na nga namin 'yung lugar na iyon... malapit sa Santol street.

At totoo nga. Pumasok nga siya sa isang bar doon.

Pero bakit ganito? Hindi ko maipaliwanag 'yung nararamdaman ko. Bakit ako apektado? Bakit ako nandito, bakit ko siya sinundan? Hindi ko rin alam kung bakit ayaw kong paniwalaan 'yung nakita ko. Kitang-kita naman na ng dalawang mata ko na pumasok nga siya sa isang bar doon.

Ano ba talaga? Hindi ko alam kung bakit ganito. Hindi pa rin ako makapaniwala. Wala talaga sa itsura niya na ganoong klase siya ng babae. Bakit ganito? Bakit hindi ako makapaniwala? Bakit ayaw ko pa rin maniwala?

Kailangan kong makita! Kailangang makita mismo ng mga mata ko na ganoon talaga ang ginagawa niya sa loob. Kasi marami pa ring posibilidad! Maaaring anak lang siya nung may-ari, o kaya puwede ring sa kusina siya nagtatrabaho. Maraming puwedeng- Hays! Hindi pa rin ako matatahimik kung ganitong marami pang kuwestiyon sa isip ko. Kailangan kong alamin kung anong ginagawa niya sa loob. Kaya habang nandito na ako, dapat alamin ko na lahat-lahat. Saka lang ako maniniwala, kapag napatunayan kong iba ang ginagawa niya sa loob.

"Hi kuya!"

"Hello boy!"

"Bata ka pa, ah?"

Nagulat ako nung biglang nagsilapitan sa akin 'yung mga babaeng nakatayo lang sa labas ng bar na pinasukan ni Ligaya.

"Oppa annyeong!"

Aba, may pa-oppa pa ah?

"At estudyante ka pa lang ha?"

Pinalibutan nila ako. Naalala ko tuloy nung minsan akong napadaan sa footbridge sa Aurora, sa Cubao. Pinalibutan din ako sa dilim nung mga babae doon, tapos para silang nagbi-bidding. Nagpapababaan sila ng alok.

"Grabe na talaga ang mga kabataan ngayon, no? Mapupusok na talaga."

"Talagang mapusok na 'yung mga ganyang edaran. Ilang taon ka na ba, boy? Hindi ba maibigay ng girlfriend mo ang mga pangangailangan mo?"

Isang segundo (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon