Hinding-hindi ko makakalimutan 'yung araw na iyon, habang naglalakad kami sa Lagoon. Nakapulot si Ligaya ng relo na walang second hand.
"Paano kaya kung walang segundo? Paano kaya susukatin ang oras?" tanong niya.
"Edi kada minuto" sagot ko sa kanya nang hindi nag-iisip. Kumbaga, may maisagot na lang.
"Eh segundo nga ang bumubuo sa bawat minuto..."
Hindi ko alam ang isasagot sa komplikadong tanong na iyon. Ako kasi 'yung klase ng tao na hindi pinoproblema 'yung mga bagay na hindi pa nangyayari. Bakit ko naman poproblemahin ang pagkawala ng segundo, kung alam kong nandyan na iyan at hindi na mawawala kahit kailan.
"Eh kung kunyari may isang segundo na lang na natitira sa buhay mo, anong gusto mong gawin sa loob ng isang segundo na iyon?" tanong na naman niya.
Sandali akong natigilan sa tanong niyang iyon. Hindi ba masyadong maikli ang isang segundo para pag-isipan pa kung anong gagawin ko doon?
Pero kung pag-iisipang mabuti, hindi ba't kritikal 'yung isang segundo na iyon kung iyon na ang huling pagkakataon na mayroon ka sa buhay na ito...
"Siguro, kukunin ko ang mvp award sa championship at iuuwi ang star medal. Sa loob ng isang segundo, ishu-shoot ko ang bola na magpapa-panalo sa team namin!"
Ibinibigay lang sa mga katangi-tanging manlalaro ang medalyang iyon, na korteng bituin. Bukod sa kakaiba na 'yung itsura nung medalya mismo, isa iyon sa mga medalyang pinapangarap ng bawat kolehiyong lalaban sa SCUAA.
"Bakit iyon?" tanong ulit ni Ligaya.
Sa totoo lang, katulad ng isang segundo... kritikal din sa akin ang pagkakataong ito, bilang isang manlalaro. Imposible ko na kasing magawa iyon sa mga susunod na panahon.
"Ito na ang huling taon na magagawa ko pa iyon. Pagkatapos na pagkatapos nito, hindi ko na alam kung kailan pa ulit ako makakalaro. Pagkatapos nito, magiging imposible na para sa akin ang paglalaro ng basketball. Maliban na lang siguro kung may kaugnayan iyon sa business ng pamilya ko. Pero bihira kasi iyon, dahil kadalasan golf ang nilalaro ng mga negosyante... Alam mo na..."
Napansin ko na medyo sumiseryoso na naman ang usapan dahil sa pagbanggit ko ng kalagayan kong iyon. Kaya naman ibinalik ko ang tanong kay Ligaya.
"Eh ikaw? Kung may isang segundo ka na lang na natitira para makasama ako, anong pinaka-gusto mong gawin?" pabiro kong tanong sa kanya.
"Pagkatapos ng finals, mamumukadkad ang flame tree na 'yan" sabi niya habang nakatingin sa flame tree na nasa gitna ng Lagoon. "Dahil walang autumn o winter sa bansa natin, sa mga palabas lang ako nakakakita ng pamumukadkad ng mga halaman at puno. Sabi ng mga estudyante, makakasama mo habang-buhay ang taong kasama mo sa ilalim ng namumukadkad na puno, sa unang beses mo na maranasan 'yon... Sa oras na matapos ang finals at mamukadkad 'yung flame tree na 'yan... tapos na rin ang championship niyo..."
Sandali siyang tumigil na para bang nagdadalawang-isip kung sasabihin niya ba sa akin 'yung gusto niyang sabihin.
"Gu-gusto mo bang... Uh, magkasama nating ano- uh..."
"Sige!" putol ko sa sinasabi niya na hindi niya masabi-sabi. "Sabay nating panooring mamukadkad 'yang puno na 'yan! By that time, nakasabit na rin sa leeg ko ang star medal na ipinangako ko sa'yo."
-
PAGSAPIT NG HAPON nung araw na iyon, nung tapos na pareho ang mga klase namin... Nagtatawanan lang kami habang nagku-kuwentuhan at naglalakad papuntang Altura, hanggang makarating na kami sa kanto. Katulad ng nakagawian, maghihiwalay na kami dito.
BINABASA MO ANG
Isang segundo (Completed)
RomanceIt takes a second to like someone, but it takes forever to say goodbye.