Dear Babaeng-Laging-Late
Naaalala mo pa ba ako? Ako lagi ang kasama mo kapag late ka sa unang subject mo. Tinitigil ko ang ginagawa ko para lang makausap ka at lakasan ang loob mong pumasok pa sa mga natitirang subjects mo. Grabe 'no? Ang layo pa pala ng bahay mo pero swerte ka kasi nakapag-aral ka, samantalang ako heto nagtatrabaho. Isang taon lang ang tanda ko sa iyo pero nagtataka ako kung bakit Kuya ang tawag mo sa akin. Pero ayos na iyon, ang mahalaga nakauusap kita.
Isang taon na pala ang nakalilipas pagkatapos mong grumaduate ng highschool. Nakakamiss ka alam mo ba iyon? Wala nang mag-iistorbo sa akin at makikisuyo na silipin ang classroom mo kung may teacher na, wala nang tatawa sa mga korni na jokes ko at mas lalong wala nang bubungad sa umaga ko ng napakagandang tulad mo. Nakakamiss ang kakulitan mo, lalo na ang malakas mong pagtawa. Grabe nakakamiss ka, sobra...
Noong tinawag ang pangalan mo sa stage at binigay ang diploma mo, alam mo bang nanonood ako? Ang saya-saya ko kasi graduate ka na ng high school at mapag-aaralan mo na ang gusto mong kurso, magiging doktora ka na sa future. Tutuparin mo pa kaya ang sinabi mong gagamutin mo ang tatay ko? Kaso parang malabo na kasi noong graduation mo hindi mo ako pinansin kahit nakita mo ako sa gilid ng stage. Wala e, graduate ka na at may pinag-aralan ka sino ba ako para pansinin mo pa?
Gusto ko nga pala sabihin sa iyo na nasa akin ang panyo mo, hindi ko ito kinuha sa iyo nahulog mo ito noong bago ang graduation niyo kasabay nang pagkahulog ng puso ko sa iyo. Akin na lang ah? Itatago ko ito kasi galing sa iyo ito... Galing sa first love ko. Oo, mahal kita hindi naman masama diba? Hindi ko mapigilan e, tao lang din akong tulad mo. Kaso malayo ang agwat nating dalawa.
Sige, hanggang dito na lang! Maglilinis pa ako. Sana kahit pangit itong sulat ko... Sana tanggapin mo, ibibigay ko sa iyo ito kapag tapos na ako ng pag-aaral ko. Salamat sa iyo. Hindi kita makalilimutan.
PS: Ano nga pala ang pangalan mo? Hindi ko kasi alam... Hindi ko naitanong sa iyo. Pasensya na, bobo lang.
Ang Lalaking Janitor Na Tinatawag Mong 'Kuya',
Ako
BINABASA MO ANG
Isang Libong Liham
Historia CortaPara sa mga taong nasaktan na idinaraan sa isang liham.