KABANATA 22

74 5 4
                                    


ILANG oras na kaming naghahanap ni Nakame sa kuwarto ni Dexter ngunit wala pa rin kaming nahahanap.

"Tosh, ilang oras na tayong naghahanap. Mag-a-alas-sais na, ah? Ano ba iyong hinahanap natin?" nagtatakang tanong ni Nakame. Hindi ko pa pala nasasabi ang tungkol sa nalaman ko kay Dexter kamakailan.

"Saka ko na sasabihin ang nalaman ko kapag may nahanap na tayong ebidensiya, Nakame."
Hindi na lang ito umimik at nagpatuloy na lang sa paghahanap. Nararamdaman kong may patutunguhan ang paghahanap namin.

Mayamayay naagaw ang atensyon ko ng kama ni Dexter. Mabilis kong sinilip ang ilalim niyon at mula sa sulok ay may nakita akong maliit na parehabang kahon. Dali-dali kong tinawag si Nakame at siya na ang mismong humila sa maliit na kahon.

Bigla ang pagbangon ng kaba sa dibdib namin nang tuluyang masilayan namin ang kabuuan ng kahon. Lumang-luma na ito at lalo pa itong naging luma dahil sa papakupas na kulay nito at nababakbak na pabalat. Dahan-dahan naming binuksan ang kahon at tumambad sa amin ang isang katamtamang laking kuwaderno.

"Teka, 'di ba diary ni Mama yan?" ani Nakame.

Lalong namuo ang kyuryosidad na namumuo sa akin kaya sinimulan ko nang buklatin ang diary.

PARANG pamilyar ang lugar na kinaroroonan ko. . . lalo na ang nilalakaran kong malamig na marmol. Natigilan ako nang mapansing may mga pares ng paa na sumusunod sa akin. Palapit nang palapit ang mga ito hanggang sa unti-unting nagkahugis. Ngayon ngay mga anino na ito ng dalawang tao sa dilim. Mabilis pa rin akong tumakbo hanggang sa mapaupo ako sa malamig na baldosa nang may mabangga ako.

Nakita kong pilit na inaabot nila Mama, Lolo, at Lola ang mga kamay ko. Napasigaw ako sa takot nang may mga kamay na humila sa paa ko.

"Huwag kang matakot, Dada, maganda ang lugar na pagdadalhan ko sa iyo."

Agad kong tinitigan ang mukha nito. Unti-unti na itong nagkakaroon ng mukha pati ang kasama nitong anino. Nagulat na lang ako at isang sigaw ang kumawala sa mga labi ko.

~~~~~~~~
Isang mahinang tapik sa mukha ang naramdaman ko. Agad kong iminulat ang mga mata ko at ngayon ay kaharap ko na si Kuya Dexter. Ilang beses akong napakurap at napalunok, tigbi-tigbi pa rin ang pawis sa aking noo.

"Binabangungot ka, Dada, mabuti na lang at nagising kita."

"I-ikaw, Ku-kuya Dex, ang. . ." hindi ko maituloy ang gusto kong sabihin, dahil bumabalik sa aking isipan ang napaniginipan ko ngayon-ngayon lang. Gusto kong maiyak dahil ayon sa panaginip ko . . . ang aninong gustong kumuha kay Mama dati ay si Kuya Dexter pala. Hindi ako puwedeng magkamali. Lalo pa akong kinabahan dahil ang isa pang aninong kasa-kasama nito sa panaginip ko ay kamukhang-kamukha rin niya. Alam kong sila din ang mga aninong gustong kumuha sa akin.

Hindi kaya ang aninong kasama ni Kuya Dexter ay ang ama namin? Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan kaming balaan nina Mama, Lolo at Lola kay Kuya Dexter.

Agad akong napakurap nang bigla na lang akong tinitigan ni Kuya Dexter. Sinusuyod niya ang buo kong mukha na tila alam na nito ang nadiskubre ko sa mga sandaling iyon. Nagpabiling-biling ang ulo niya na tila nawawala na sa sariling katinuan at pagkatapos ay nakakalokong ngumisi sa akin.

"Akala ko isa ka sa makakaintindi sa akin, Dada. Mukhang nagkamali ako ng inakala," makahulugan niyang bulong sa mga teynga ko.
Mayamaya ay naramdaman ko na lang ang malakas at mabilisang pagdantay ng mga palad ni Kuya Dexter sa batok ko dahilan para magdilim muli ang aking paningin.

KAILANGAN ko nang tapusin ang naumpisahan ko. Ito na ang tamang panahon, para papiliin na ang mga kakambal ko. Planado ang lahat, mula pa nang una. Plinano ko ang lahat, para sa makasarili kong hangarin.
Hindi sana ako magbabalik sa mga kapatid ko, ngunit nang mapatay ko ang mga umampon sa akin ay napagpasiyahan kong bumalik. Kailanman ay hindi ako nagkaroon ng amnesia at iniba ko na ng tuluyan ang buong pangalan ko, dahil ang dati kong pangalan ay magiging malaking balakid pagdating ng tamang panahon.

Matagal ko nang pinagplanuhan ang lahat. Ngunit mukhang hindi kagaya ng gusto ko, ang naging takbo ng kwento. Mukhang hindi ko makakamit ang itinakdang katapusan ng kwentong isinulat ko.

Kasama ko ngayon si Peter sa aming mansiyon. Isa siya sa mga buddy ko sa science laboratory subject. May pagka-nerd ito kaya nakasuot rin ito ng salamin sa mga mata katulad ng sa akin. Iniwan ko muna ito sa dulong bahagi ng libriary. Hindi naman ito nag-alangang sumunod sa akin.

Kung sabagay, kahit balita na sa dati naming school na suspek nga kaming magkakakambal sa mga nangyaring patayan ay marami pa rin ang hindi naniwala. Isa na nga rito si Peter. Hindi man lang ito nakatunog sa mga plano ko. Ora-orada itong sumama sa akin at nasabik agad itong maglibot sa malaking libriary ng mansiyon namin.
Hindi na nito naisipang magpaalam man lang sa mga kasama niya sa sariling mansiyon. Walang nakapansin sa pag-alis namin sa kanila. Lalo pa akong natuwa nang ito pa ang mismong mag-suggest na mag-overnight na lang sa amin at bukas na magpapasundo.Parehas kasing nasa States ang parents niya.

Akala ba niyay pauuwiin ko pa siya?

Puwes nagkakamali ito ng inaakala dahil sa mga sandaling tumapak na ang mga paa niya sa mansiyon ay hindi na siya makakauwi pa. Kasali na siya sa magaganap ayon sa planong isasakatuparan ngayong gabi. Walang kai-kaibigan sa akin dahil sarili ko na lamang ngayon ang kakampi ko.

Papasok na sana ako sa sarili kong kuwarto nang marinig ko ang mahihinang kaluskos mula roon. Napangisi ako ngunit katambal niyon ang lungkot na bumalong sa sistema ko. Dahan-dahan akong naglakad papuntang kusina.

Mabilis na nagdaan ang oras at maggagabi na. Agad kong ibinaba ang switch ng kuryente.

Pagkatapos ay ang lungkot na bumalot sa aking sistema ay napalitan na ng pagkasabik.

Tanging ang mapusyaw na liwanag lamang ng buwan ang tanglaw ko sa madilim na gabi.

Vote. Comment. Share

babz07aziole ~~~~~~<3

✔️Ang Misteryong Bumabalot Sa Kupas Na Larawan(COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon