Bata palang kami naging matalik na kaibigan ko na si Jake. Para kaming prinispe't prinsesa tuwing nag-lalaro ng bahay bahayan. Minsan naman ay ako si Wendy at siya si Peter Pan, at magkukunwari kaming lumipad gamit ang aming pixie dust na gawa sa glitter. Dahilan kung bakit madalas kaming pagalitan ng aming mga nanay.
Sabay kaming lumaki. Marami akong natutunan tungkol sa isang lalaki at ganun din siya tungkol sa babae. Masaya ako kapag kasama ko siya. Pakiramdam ko'y ligtas ako. Nang lumaki kami, panay ang kantyaw ng mga kaibigan namin sa aming dalawa. At marami na rin kaming narinig na mga hula ng mga matatanda. Kesyo bagay daw kami, sabay kaming lumaki, o hindi kaya ay lubusan na naming kilala ang isa't isa. Tinatawanan nalang namin 'to ni Jake at hindi na pinapansin.
Ngunit isang araw naisip ko, paano nga ba kung nahulog nalang ako para kay Jake? Paano kung mahalin din niya ako pabalik? Paano naman kung hindi? Matagal tagal ko rin naisip iyon pero iningatan kong hindi mabago ang pag-kakaibigan namin. Tuluyan lamang ito nawala nang dumating si Troy.
Isang anghel sa kagwapuhan at kabaitan si Troy. Lahat ng tao napapanganga sa tindig niya. At manlalaki naman ang mata mo kapag nakita mo ang mga marka niya! Naging tanyag kagad siya sa aming eskwelahan at ako 'tong si mahiyain na ayaw nagpapakita sa mga tao. Hangga't maaari ayokong makisalamuha sakanila dahil pakiramdam ko'y hindi totoo ang mga tao saakin, hindi katulad ni Jake na halos lahat ng makasalubong ay kilala siya. Tahimik lang ako palagi at kung hindi si Jake ang kasama ko, mga libro ko naman. Kaya nga nagulat ako nang isang araw sa silid-aklatan ay nilapitan ako ni Troy.
"Good morning," bati niya sa isang napaka-buhay na tono. Inangat ko ang aking tingin at laking gulat ko nang nakita ko si Troy sa harap ko. Anong meron sa akin (o sa libro ko) at himalang may nakapansin saakin.
"Uh, good morning din. May kailangan ka ba?" tanong ko.
"Wala naman!" ngumiti siya, "madalas kasi kitang mapansin na mag-isa lang o hindi kaya kasama mo yung boyfriend mo."
"Hindi ko kasintahan si Jake," tumawa ako. Tila nag-iba ang ekspresyon ng mukha niya. Hindi ko lang masabi kung ano ang nais nitong ipahiwatig.
"Kung ganon, maari bang samahan kita mamayang lunch?" tanong niya at sumang-ayon naman ako.
Naging malapit kami ni Troy. Ilang buwan na rin kami madalas magkasama kaya mas nakakakulitan ko na siya. At dahil nga madalas kami magkasama, ibig sabihin ay magkaibigan na rin sila ni Jake. Minsan pa nga'y pinagkakaisahan nila ako sakanilang mga biro. Sabagay sabi nga nila, "boys will be boys."
Dumating ang araw na may naramdaman na akong kakaiba. Hindi ko na makausap si Jake. Samantalang hindi ko na maipinta si Troy. Tila ba'y iniiwasan nila ako. Anong ginawa ko?
"Alam mo, nak. Minsan lumalayo kaming lalaki sa babae kapag may nararamdaman na kami para sakanila. Lalo na't kapag kaibigan namin," sabi ni Papa.
"Tama. Matalik din na magkaibigan kami ng Papa mo kaya ito at nauwi sa pagmamahalan," dagdag ni Mama.
Ayoko nito. Ayokong masira ang pagkakaibigan namin nang dahil saakin - nang dahil sa may gusto lang sila saakin! Ibig sabihin din nito ay hindi na sila magiging magkaibigan kundi magkaribal. Ang saklap! Hindi ko kayang tanggapin.
Lumipas ang mga araw at tuloy parin sila sa pag-iwas saakin. Noong una ay hindi ko pinapansin ngunit kalaunan, hindi ko na kinaya. Nagpatulong ako sa mga kaibigan namin at pinlanong pagsamahin kaming tatlo sa iisang lugar. Gumawa sila ng sari sariling rason at nagtagumpay naman.
Naglalakad ako ngayon at natatanaw ko na silang dalawa. Magkausap sila at napakaseryoso. Kinabahan kagad ako. Ano nalang kaya ang mangyayari saakin? Paano ko sasabihin na itigil nila ang nararamdaman nila at maging magkaibigan nalang ulit kaming lahat?
Diretso ako sa paglakad hanggang sa naramdaman nila ang presensya ko. Dalawang nag-aalinlangang ngiti ang natanggap ko mula sakanila.
"Sorry," sabay nilang sinabi.
"Hayaan mo sana kaming mag-explain muna," panimula ni Jake. Mukhang hindi ko na ata kailangan magtanong ah, "Hindi ka dapat namin iniwasan nang dahil lamang dito. Hindi tama dahil kaibigan ka namin."
Kumakabog ang puso ko.
"May gusto kaming sabihin sa'yo," pagpapatuloy ni Troy. Nag-tinginan ang dalawa at tumango si Jake, "Malaki ang pasasalamat ko sa'yo. Ayokong isipin mong niloko kita't ginamit dahil tunay kitang tinuring na kaibigan. Pero malaki ang utang ng loob ko sa'yo dahil ng dahil sa'yo napalapit kami ni Jake sa isa't isa at ngayon ay nagmamahalan na."
BINABASA MO ANG
Sa Likod Ng Kuwaderno
Non-FictionMga storya, tula, at sulating nabuo sa likod ng aking kwaderno. Samahan niyo akong ilathala ang aking mga kwento. Stories, poems, and scratches made at the back of my notebook. Join me in sharing my creations that will keep you shook.