Tula: Tala

119 1 4
                                    


Sumulyap ang isang bituin sa langit
Habang ako ay nakapikit at nananalangin
Binuhos ko ang aking sarili sa balde ng walang kasiguraduhan
At tuluyan akong umagos sa kawalan
Kung saan ako papunta, hindi ko alam
Kung saan ako mapapadpad, hindi ko alam

Bata palang ako, minulat na nila nanay ang aking mga mata
Na ang buhay ay hindi parang paraiso na puro lang saya
Nilunok ko ang pantasiya at sinuka ang realidad
Hindi ako takot, sabi ko
Hindi ako takot

Kaso dumating ka
Oo, ikaw na walang kamuwang muwang
Ikaw na puno ng kabutihan
Ikaw, ikaw na nanatili sa istorya kong walang patutunguhan
Kaduda-duda, kamangha-mangha;
Pareho iyan, tinataglay mo

Tanong ko sa sarili ko noon ay paano?
Hindi bakit ngunit paano
Paano nangyari na ang kuweba ko ang pinili mong sinagan ng nakakaakit mong araw?
Ngunit napatunayan mong hindi lahat ng tanong ay dapat sagutin
Na minsan, minsan kailangan nalang talagang ipaubaya sa damdamin
Sa piling mo'y ligtas ako, sa'yo ay ligtas ako

Ang tagal nating magkasama
Na minsan naiisip ko: anong ginawa ko upang mapasaakin ka?
Isa kang biyaya, walang duda
Regalo ng Maykapal kapalit sa mga kaarawan kong walang bahid ng ligaya
Masaya ako nang dahil sa'yo
Nang dahil sa'yo masaya ako

Ngunit wala kaming alam
Gumuho ang kasiyahan
Bumuhos ang ulan
Nabasa ang unan
Naputol ang duyan
Nawasak ang daan
Pati puso ko nawasak na rin

"Nay, tulungan mo naman ako oh"
"Tay, anong gagawin ko?"
Nagmamakaawa, nalilito
Iyong utak ko, gulong gulo
Hindi ako masaya
Hindi na ako masaya

Lumaban, sumuko
Tumakbo, nadapa
Tumayo, nadulas
Huminga, nalunod
Wala na! Wala na talaga

Patuloy ang pag-agos ng tubig
Kahit tila'y wala nang pag-ibig
Sabay na pagpatak ng aking luha
Ang pag-kalas nating dalawa na parang kadena
Mahal mo'ko, mahal kita
Andito ako, nariyan ka

Akala ko, akala ko lang naman
Handa na ako sa buhay na na sa aking harapan
Walang wala ang payo nila nanay
Dahil noong dumating ka, tila lahat ay nalumbay
Akala ko, akala ko lang talaga
Wala nang sasakit pa
Ngunit pinamukha mo saakin na laging mas may hihigit pa
Wala na akong magagawa, hindi ba?
Wala na akong magagawa

Sumigaw, humiyaw, at bumulyaw
Hanggang hindi pa bumibitaw
Sinta, mahal kita, mahal kita, mahal kita
Pero ngayon, kailangan ko nang tanggapin na wala ka na
Kailangan ko nang tanggapin na ngayon, isa ka na lamang tala sa malawak nating langit
Kumikislap kislap
Sa harapan ng mga mata kong nagbabadyang lumuha

Sinta, uulitin ko, mahal kita
Ngunit kailangan ko nang makalaya
Kasi tila ba'y ang daya-daya
Na nariyan ka at nandito akong hindi na kinakaya
Paalam sa'yo
Paalam sa'ting dalawa

At sa pag-tigil ng pag-agos ng tubig sa balde ng walang kasiguraduhan
Magkita na lamang tayo muli sa alapaap ng ating mga pangarap

Sa Likod Ng KuwadernoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon