Maikling Kwento: Itsura

128 1 0
                                    

                 





Hi! This one's pretty long, but I hope you enjoy!

**********

            Bata pa lang ako, palagi na akong pinaaalahanan ni nanay na mahalin ang aking sarili. Hindi niya akong hinahayaan tumingin sa salamin dahil gusto niyang makabuo ako ng sarili kong konsepto ng kagandahan. Hindi ko raw dapat gawing basehan ang kung ano ang tingin ng lipunan na maganda. Tingin ko ay napakagandang kaisipan ito kaya hindi ako nag-alinlangang sumunod. Lumaki ako nang hindi nakararamdam ng kahihiyan at insekyuridad. Paano ba naman kasi ako mahihiya kung hindi ko alam kung ano ang dapat ikahiya?

            Sa buong buhay ko, dalawa lamang ang naging kaibigan ko – sina Amos at Cristel. Nakilala ko sila sa paaralan noong tatlong taong gulang ako at simula noon, naging matalik na kaming magkakaibigan. Ngunit ngayon, kailangan kong iwan ang paaralan at mga kaibigan ko dahil lilipat na kami ng bahay. Noong binalita saakin 'to ng aking mga magulang, syempre, nalungkot at natakot ako ng lubos.

            Unang araw ko na ngayon sa bago kong paaralan at naging maayos naman kahit papaano. Hindi masyadong palakaibigan ang mga estudyante roon ngunit hindi ko na lang ito pinansin. Nagdaan ang ilang mga buwan at hindi parin ako nagkakaroon ng kaibigan. Maliban sa isa. Siya si Maoi Yu. Napakaganda niya at may busilak na puso. Nagkita kami sa isang parke isang tanghali. Mainit noon kaya kaming dalawa lamang ang nag-lalaro. Mahigpit ang kaniyang mga magulang kaya kung magkikita man kami, kailangan ay patago.

            Limang taon ang nakalipas at mas lalo kaming napalapit sa isa't isa. Tinuring ko siyang isang kapatid at minahal ng lubusan. Palagi kong hinihiniling na magkaroon ako ng kapatid na babae upang may maging kalaro naman ako, at pakiramdam ko'y si Maoi ang sagot sa aking mga hiling. Nag-iisa lang ako na anak, kaya ibang klaseng galak ang naramdaman ko nang maging magkaibigan kami.

Nagdadamayan kami kapag may problema at palaging pinapalakas ang loob ng bawat isa. Kapag malungkot ako, siya ang kasama ko. Kapag masaya ako, siya ang nakasasaksi, at kapag pakiramdam ko'y ubos na ubos na ako, siya ang pumupuno saakin.

            Disi-siete anyos na kami ngayon at sa makalawa'y magdiriwang na ako ng aking kaarawan. Naisip ko bigla na dapat ko na ring tanungin si Maoi kung kailan ang kaarawan niya upang makapaghanda ako ng ireregalo sa kaniya. Pero ngayon, pareho kaming sabik sa paghahanda sa aking espesyal na araw. Hindi napapawi ang ngiti sa aming mga mukha. Tila wala na kaming ibang nararamdaman kundi kasiyahan.

            Sumapit na ang aking kaarawan at nagsimula na ang selebrasyon. Sa sobrang saya ni nanay, nilagyan niya pa ako ng kolorete sa mukha. Dinalaw ako ng aking mga kamag-anak at binigyan pa ako ng cake. Maging sina Amos at Cristel ay dumating na may bitbit na mga regalo. Sinalubong ko sila at niyakap. Tuwang tuwa ako noong araw na iyon pero may kulang pa rin. Nasaan na si Maoi? Bakit hindi pa siya pumupunta? Alas-nuwebe na ng gabi at ni isang hibla ng buhok niya ay hindi ko pa nakikita.

            Lumapit sa akin sina Cristel at binigay ang mga regalo. Iniabot ni Amos sa akin ang tatlong kahon na nakabalot sa mga makukulay na papel. Ang isa raw ay nakalagay sa paanan ng aming pintuan.

              Natapos ang araw at nag-paalam na ako sa aking mga bisita. Natapos na ang araw at wala parin si Maoi.

            Pumunta ako sa aking silid at binuksan na ang mga regalo. Huli kong binuksan ang regalong nakita nila Amos sa pintuan. Ininspeksyon ko ito at nakitang galing ito kay Maoi. May liham na kasama.

            Maligayang kaarawan, mahal kong kaibigan! Paumanhin dahil hindi na ako nakapunta sa iyong selebrasyon. Kailangan kong umalis at hindi na ako muling babalik at magpapakita. Ngayong natutunan mo na akong tanggapin at mahalin, oras na para mag-mahal ka ng iba higit pa sa isang kaibigan at kapatid.

Iyong kaibigan,

Maoi Yu

            Lumuluha ako habang sinisira ang balot ng kahon. Nang mabuksan ko na ito, bumungad sa akin ang isang napakagandang salamin na napalilibutan ng mga bato. Natakot ako. Oo, nakakikita ako ng mga salamin noon, pero hindi pa ako nakahaharap dito kailanman. Ngunit naisip kong binigay ito ni Maoi dahil may rason. Kaya huminga ako ng malalim at tumingin sa harap ng salamin. Ang nakita ko? Mukha ni Maoi Yu.

Sa Likod Ng KuwadernoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon